KABANATA 68

999 81 20
                                    

Senda's P.O.V.

'Napaidlip man lang ba si Luis?' 'Yun ang malaking katanungan ko nang magising ako bandang ala sais ng umaga at wala na ito sa bahay. Alas dos na ng gabi nang magpaalam ako sa kanya upang matulog kahit na gusto pa niyang makipagkuwentuhan dahil hindi ko na maibuka ang mga mata ko sa sobrang antok.

Napanganga ako nang mapansin kong maayos nang naligpit nito ang banig na hinigaan niya kagabi, at maayos na ring nakatiklop ang kumot sa ibabaw ng unan na ipinahiram ko sa kaya. At ang nakakagulat sa lahat—na siyang nakapagpangiti sa akin sa ganitong kaaga—ay 'yung mayroon na itong nalutong mainit na kape sa takure, bagaman nakasalang na lamang ito sa maliit na bungkos ng sigang tinanggalan ng panggatong. Napailing din ako sa pagkamangha nang sa paglingon ko sa ibabaw ng lamesa ay may nakalagay na rin doong isang plato ng kamoteng mukhang mainit-init pa.

"Hay naku Senda." Wika ko sa sarili ko habang tumitigis ako ng mainit na kapeng barako sa tasa,"ano kayang ikinatuwa ng DIYOS sa 'yo at binigyan ka ng ubod ng matipunong kaibigan na sobrang bait sa 'yo?" Tumingala ako, "salamat po sa nagpakape sa akin ngayong umaga, PANGINOON!"

Umupo ako sa may lamesa para tikman ang isa sa mga nilagang kamote. Akmang isusubo ko na ang tinalupan ko nang may bigla akong maalala, "teka-" tiningnan ko ang kamote, "eh saan naman kaya niya nakuha 'to, wala naman akong kamote sa paminggalan ko ah?" Pero sa sobrang bango ng usok na nagmumula sa kamote, itinuloy ko na rin ang pakagat dito.

"Hhhmmm. ang sarap naman ng kamoteng 'to." muli kong sinipat ang kinagatan kong bahagi, "kamote ba talaga 'to, bakit ang sarap naman masyado? PANGINOONG HESUS!" Habang sarap na sarap ako sa pagpapak ng kamote, "salamat po sa kamote, kain po tayo. Salamat din po sa bago kong kaibigan. Ang laking bagay po na hindi ko na kailangang magsibak ng kahoy ng ilang araw, o magtabas ng mga ligaw na damo sa bakuran ko ng ilang linggo, at mag-igib ng tubig hanggang bukas—" hindi ko na nabigkas ang sumunod na salita dahil napaiyak na ako. "Akala ko po talaga galit KAYO sa akin dahil sa mga kagagahan ko. Salamat po binigyan NIYO ako ng bagong pag-asa at ganang mabuhay. Akala ko po, nakalimutan NIYO na ako." Tuluyan na akong humagulhol.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Senda?" Biglang sumulpot ang ulo ni Luis sa may bintana. Medyo nagulat ako, pero agad ko namang inayos ang sarili ko para hindi niya mahalatang umiiyak ako. "Pabukas naman ng pinto, may dala-dala lang ako."

Binuksan ko ang pinto at ang agad kong napansin ang bitbit nitong isang malaking kaing na saging na saba. "Saan nanggaling 'yan?" ibinaba nito ito sa tabi ng paminggalan, "'Wag mong sabihin na galing pang Edenus 'yan?"

"Ah hindi, ipinapitas ko lang ito sa mga tagapangalaga ng sagingan ko sa Santa Monica, o—" nang mapansin nito sa ibabaw ng lamesa ang balat ng kamoteng kinain ko, "nagustuhan mo ba 'yung kamote?" kumuha rin ito, tinalupan at inumpisahang kainin. "ang sarap 'no? Galing naman ito sa lupa ko dito sa San Gabriel. Doon sa tabi ng pinamumulutan mo ng uyo dati? Sayang nga lang at kakaunti ang nakuha ko. Nagmamadali kasi ako dahil gusto kong maluto ito para sa 'yo bago ka magising at bago ako umuwi. Pumunta ka lang do'n kapag gusto mong manguha kahit pa walang paalam. Sinabihan ko na ang mga tagapangasiwa ko ro'n na may permiso kang pumaro'n. Pangako, hindi na kita sisitahin." Tumawa ito. Naalala niya siguro 'yung sinita niya ako sa pangunguha ng uyo sa niyugan niya.

Gusto ko na namang maiyak. Napaka-alalahanin naman ng lalakeng 'to. Pero para hindi ako maiyak sa harapan n'ya, kaswal na tinanong ko na lang ito ng, "nakauwi ka na ba?"

"Oo."

Namilog ang mga mata ko, "Sa Edenus?"

"Oo, bakit? May iba pa ba akong uuwian?" Binungisngisan ako nito.

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now