KABANATA 88

826 77 5
                                    

Lucio's P.O.V.

"Magkaaway pa rin po ba kayo ng Mahal na Reyna?" Natatawang tanong sa akin ni David habang nagpapalamig ako ng ulo sa bar  sa loob 'din lang namang ng hotel na tinutuluyan namin. "Kay aga-agang tunggaan nito, Boss." Inginuso nito ang isang baso ng whiskey na hawak ko.

"Tunggaan? Isang baso lang 'to, wala akong balak maglasing dahil may lakad pa tayong dalawa."

"Tayo lang?"

"Kumportable naman dito ang mga kasama nating babae, mas mainam na maiwan na lang muna sila rito dahil mas ligtas sila rito kaysa sa pupuntahan natin."

"Sa'n ba ang lakad natin, Boss?"

"Kailangan nating makipagkita kay Alfredo."

"Bumalik na sila sa bahay?"

"Hindi, sa ibang lugar. Lumipat na naman daw pala sila.  Biglaan daw kaya hindi tayo naabisuhan agad.

"Eh sino na ang nakatira do'n sa pinuntahan natin?"

"Wala pa raw.  Paupahan lamang naman ang bahay na 'yon at hindi sila ang may-ari. Si Marikit na lang muna ang pagsabihan mo kung saan tayo pupunta, siya na lang kamo ang bahalang magsabi kay Senda. Kailangan na nating umalis ngayon mismo, uubusin ko lang itong iniinom ko."

***

"Pasensya na Panginoong, Lucio." Bangas-bangas ang mukha ni Alfredo dahil diumano'y pinagtulungan daw siyang bugbugin ng mga Aswang na nagbabantay sa bahay ni Arnulfo at anak nito. "Kamakalawa lang kami lumipat kaya hindi pa kita naabisuhan.  Dito na lamang muna kaming mag-anak, kahit iskwarter lang, narito naman ang ibang mga kamag-anak ni Misis kaya hindi kami basta-basta mapapasok rito."

"May dala kami para sa inyo," sabi ko rito, "may maipapahiram ka bang mga tagabuhat para tulungan itong si David sa paghahakot?  Medyo malayo ang naparadahan namin dahil hindi naman kakasya ang sasakyan ko sa mga eskinita rito."

"Naku, maraming salamat po." May tinawag itong tatlong binatilyo, "mga hijo," anito sa mga ito, "pakitulungan niyo nga itong si David sa paghahakot." pumayag naman ang mga ito kaya  umalis din agad ang mga ito kasama si David.

"Anong balita?" nang kami na lamang ni Alfredo ang nag-uusap.

"May problema tayo, Panginoon?"

"Anong problema?"

"Bantay sarado ni Marietta ang kanyang mag-ama. Araw at gabing may nakabantay roon. Matagal-tagal na ring hindi ko personal na nakikita ang bata dahil kinasuhan ako ni Arnulfo ng trespassing, pati nga attempted kidnapping nang mahuli niya kami ni Minda na buhat-buhat si Helga upang patahanin ito. May restraining order na siya laban sa amin mag-asawa, at nang tinangka namin subukan pa rin ay heto ang napala namin, pareho kaming nabugbog at binulabog sa dati naming tirahan.  Nabawi rin nila ang lahat ng ebidensyang nakalap namin ukol sa pagpapabaya ni Arnulfo at Marietta sa kanilang anak. Ang isa pang suliranin Panginoon ay, payat na payat na 'yung bata at sakitin. Hindi kasi talaga ito napapakain at naalagaan nang maayos. Sabi ko nga kay misis, mas malusog pa 'yung aso ng kapitbahay nila kaysa sa batang iyon. Kung hindi kayo naparito ngayon, balak po talaga naming umuwi sa Edenus para ikunsulta sa inyo kung ano ang dapat nating gawin dahil baka mamatay na ang batang 'yun kung hindi tayo kikilos agad."

****

"Ang dami pala talaga no'ng pinamili natin para sa mga De Asis." Habang nagmamaneho na si David patungo sa susunod naming patutunguhan, "apat na kaming natulong-tulong pero nakalimang balik kami pare-pareho."

Nanatili akong tahimik; nag-iisip nang malalim.

"Kumusta po ang pakikipagpulong niyo kay Alfredo?" nang mapansin nitong hindi ako umiimik.

"Dumiretso tayo kay Camilo sa Antipolo." Sa halip na sagutin ko ito.

"Kay Impong Camilong Albularyo?!"

"Bakit?  May iba ka pa bang kilalang Camilo?"

"Eh 'di po ba tulad ni Lupin, galit 'din 'yun sa atin?"

"Mukha ba akong nag-aalala?"

****

Humalakhak si Camilo sa pagkakitang-pagkakita pa lamang nito sa amin sa harapan ng kanyang pintuan. "Takot ka bang makipagkita sa akin na mag-isa para magpasama ka pa ng Tikbalang dito sa pamamahay ko?" sumusulyap-sulyap ito kay David.

Nilingon ko naman agad si David at binulungan ito, "hintayin mo na lang ako sa sasakyan." Agad namang sumunod ito.

"Tuloy ka sa aking mansyon, kamahalan." Nang-uuyam na pinapasok ako ni Camilo sa loob ng kanyang lumang bahay na tila isang anay na lang ang hindi pumipirma para tuluyan na itong magiba. "Ano bang maipaglilikod ko sa mahal na Hari."  Nakangisi ito kaya batid kong iniinis lamang ako nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Kaya mo bang kontrahin ang barang ni Marietta?"

Pagkabanggit na pagkabanggit ko pa lamang sa pangalan ng babaeng impakta ay biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng matanda.  Mula sa hitsurang nangungutya sa akin ay bumakas dito ang pamumutla.

"Umalis ka na rito." Natatarantang sabi sa akin ng matandang Albularyo.

"Tsk. Tsk."  Ako na ngayon ang nakangisi sa kanya, "ako nga ba ang may kinatatakutan, o ikaw?"

"Nananahimik na ako rito, ayoko nang makialam sa gulo niyo ni Marietta."

"Ang balita ko, malapit na raw marimata ang lupang kinatitirikan nitong bahay mo, saan ka na pupulitin kapag nawala na ito sa 'yo? Naibenta mo na ang bahay mo sa Leyte, hindi ba?"

Tumalikod ito sa akin, nanginginig ito sa galit.

"Ano nga ba ulit ang ugat ng suliranin mo rito sa iyong lupa?" pagpapatuloy ko, "ah, eh kasi, ang sabi ni Marietta,  bibigyan ka raw niya ng malaking halaga upang mabili mo ang lupang ito, kapalit ng pagtuturo sa kanya ng karunungang puti na hindi naituro sa kanya ng kanyang inang mambabarang. Eh nasaan na pala ang pangako niya matapos na maibigay mo sa kanya ang kaalamang kanyang pinakaaasam-asam?"

Biglang humarap sa akin ang matanda; nagpupuyos ito sa galit. "Diretsahin mo na ako, Lucio. Ano ba talagang kailangan mo sa akin?"

"Ibibigay ko sa iyo ang mga ito ngayon mismo," ipinakita ko sa kanya ang isang maliit na lukbutan, at inihayin ko sa aking palad ang laman nitong mga diyamante. Agad nanlaki ang mga mata nito, "sapat na siguro ito para mabawi mo itong lupa mo at maipagawa mo itong magigiba mo nang bahay. Siguradong may labis pa ito para mabili mo ang kahit anong nais mong bilhin, at dodoblehin ko pa," inilbas ko mula sa aking bulsa ang ikalawang lukbutan, "kapalit ng isang pabor."

"A-anong pabor?"

"Uulitin ko ang una kong katanungan. Kaya mo bang kontrahin ang barang ni Marietta kay Arnulfo?"

"M-Matindi nga siguro ang pangangailangan ko ngayon, Lucio."  Muli nitong sinulyapan ang mga diyamante, "pero hindi ko ibinebenta ang prinsipyo ko."

"Prinsipyo mo? Bakit? Kasiraan ba sa prinsipyo mo ang kontrahin ang kasamaan ng isang impakta? Anong klaseng prinsipyo ba ang tinutukoy mo? Ang magbulag-bulgan, magbingi-bingihan, at magtago kaysa lumaban?"

"Alam mo ba kung ilang na ang namatay na manggagamot na kumontra sa kapangyarihan ni Marietta? Hindi ko na mabilang, Lucio."

"Ah, hindi naman pala prinsipyo mo ang problema kundi...karuwagan?"

"Napakadali lang siguro sa 'yo ang maging matapang dahil hindi ka namamatay. Pero sa mga tulad naming mortal, ang katapangan ay katumbas ng hukay na aming paglilibingan. Aanhin ko ang mga diyamanteng iyan kung patay na ako? Hindi ko ipinaglaban ang buhay ko hanggang katandaan para lamang maging bayaning handang magbuwis ng buhay para sa mga taong wala namang kinalaman sa akin."

"Ang dami mo pang pasakale." Ibinalik ko na ang mga diyamante sa lukbutan ay inilagay ang mga iyon pabalik sa akin bulsa. "Kilala mo ako, Camilo. Alam kong hindi ako mabuting nilalang, pero 'di tulad ng ni Marietta at ni Lambino, madali at maayos akong kausap. Kung hindi mo talaga kaya, eh 'di hindi, tapos ang usapan. Aalis na ako." Akmang bubuksan ko na ang pinto upang makalabas nang...

"Hindi ko sinabing hindi ko kaya..."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin