KABANATA 36

1.8K 167 13
                                    

Senda's P.O.V.

Akala ko'y lalapit na ito sa akin nang may biglang lumapit sa kanya na isang napakagandang babae na may hawak na tuwalya at inumin para sa kanya, at sa babaeng iyon na napatuon ang atensiyon ni Luis na tila tuwang-tuwa ito na 'yung babae pa ang nagpupunas ng pawis niya sa mukha at katawan, habang iniinom niya ang inuming ibinigay nito.

"Hoy Senda!" Tumatawang pagtapik sa akin ni Mylene, "sinong tinitingnan mo riyan, ha?" sabay dungaw nito sa tinitingnan ko. "Olala, kay raming kalalakihan dito, pero sino kaya 'yon?" tiningnan ko sino ang itinuturo nito at hindi na ako nagtaka na kay Luis din ito nakaturo.

"H-ha?" umiwas na ako nga tingin mula kay Luis at umupo na nang diretso sa Jeep. "Aba'y malay ko. Hindi naman ako tagarito."

"Aayy." Tila kilig na kilig ito sa pagtanaw kay Luis. "Ngayon lang ako nakakita ng ganyang kakisig na lalaki sa personal. Meron pala talagang ganyan?"

"Pst, huy!" Tinapik ko na si Mylene, "'wag mong tingnan. Baka isipin pa niyan may gusto ka sa kanya."

Nakangising umayos na rin naman nang upo si Mylene, "hmp, kunwari ka pa. Akala mo ba hindi ko nakitang nginitian ka nung lalaking 'yon bago siya nilapitan nung...nobya kaya niya 'yun? Ang suwerte naman niya!"

"Sinong swerte, s'ya o 'y-yung n-nobya niya?" pagtatakip ko upang mapanindigan na wala akong pakialam.

"Pareho. Ang ganda rin naman noong babae, 'di ba? Mukhang diwata. Bagay na bagay sila"

Napalunok ako, "m-mukhang diwata ba?" gusto kong lingunin upang tingnan muli ang babae ngunit pinipigilan ko ang sarili ko sa hindi ko rin maipaliwanag na dahilan.

"Oo kaya, maputi, mahaba ang buhok, balingkinitan ang katawan at napakaganda ng mukha...parang ikaw." Humalakhak ito, "pero dahil kaibigan kita, mas maganda ka naman sa kanya siyempre."

"Ah, ganun ba? Eh paano pala kung hindi mo ako kaibigan?"

Sandaling nag-isip ito, "siguro lamang lang siya sa iyo sa pag-aayos at pananamit. Subukan mo kayang magsuot ng ganoong mga bestida."

Pasimple akong sumilip upang tingnan ang bestida noong babae, pero agad din naman akong umiwas at umayos ulit sa aking pagkakaupo nang magsalubong kami ng mga mata ni Luis. 'hay naku, nakakahiya.' Sabi ko sa isipan ko. Baka kasi isipin ng Luis na ito ay siya ang tinitingnan ko. Inaalala ko ito, kahit iyon naman ang totoo. Tinitingnan ko nga siya; siya at 'yung babaeng kasama niya.

"Naku, hindi ko kayang mag-suot ng ganyan." Sabi ko naman kay Mylene. Sa saglit na pagsulyap ko kasi ay nahagip ng aking paningin na nakasuot ito ng paldang sobrang ikli, nakapang-itaas na sobrang hapit sa katawan nito, at may napakalalim na tabas sa bandang harapan kung kaya halos lumuwa na ang magkabilang dibdib nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Ikaw naman. Ganyan pa naman ang ipahihiram kong damit sa 'yo para sa sayawan sa darating na Biyernes. Hindi na kasi kasya sa akin kaya ikaw na lang ang mag-suot."

"Mamatay muna ako bago mo ako mapapagsuot ng ganyang kalaswa. Hindi na lang ako sasama sa sayawan na 'yan kung pipilitin mo lang akong pagsuoting ng ganyang kahalay na damit."

Muling humalakhak si Mylene, "grabe naman pala ang pagiging matimtiman mo, Senda. Ang buong akala ko pa naman, ganyan ka manamit dahil wala ka lang maisuot, 'yun naman pala'y sadyang tila isa kang matanda sa una? Binibiro lang naman kita 'no, may mga bestida naman ako na mahahaba at desente. 'Yun na lang ang isuot mo, basta't sumama ka lang sa akin sa sayawan sa darating biyern--"

"Hi Senda!" Biglang pabati ng isang tinig lalake. Nakatayo ito sa ibaba ng likuran ng Jeep. Nilingon ko ito, at agad ko naman itong nakilala.

"David!" Sabi ko, "narito ka rin pala. A-ano bang ginagawa n'yo rito?"

Ngingiti-ngiting lumingon muna ito kay Luis na tila masyado pa ring abala sa pakikipaglampungan doon sa babaeng kanina pa nitong kausap. "Nanunulungan lang dahil taga rito ang iba sa aming mga kasamahan. Ikaw? Anong ginagawa mo rito sa San Joaquin? Hindi ba taga-San Gabriel ka?"

"Nakisakay lang ako dito sa jeep ni Mang Felix papunta sana sa bayan, kaso may kailangan lamang silang daanan dito bago kami tumungo roon."

"Ah, ganun ba?" napasulyap ito kay Mylene. "Magkasama kayo?"

"Oo," sagot ko, "ito nga pala si Mylene, kababaryo ko." Sabi ko kay David. "Mylene," pagbaling ko kay Mylene, "ito naman si David."

"Hi, Mylene." Nakabungisngis na kumaway si David.

Kumaway din naman si Mylene dito, "taga rito ka ba David?"

"Hindi."

"So, hindi mo ba kakilala 'yung lalaking 'yun?" tila walang kahihiyang tanong dito ni Mylene. Itinuturo nito si Luis.

Sumulyap naman muna sa akin si David bago nito sinabing, "ah, 'yun, Amo ko. Bakit?"

"Amo mo?" namilog ang mga mata ni Mylene, "may asawa na ba 'yun?"

Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako habang tila nag-isip muna ito nang malalim bago sumagot sa katanungan ni Mylene, "nagka-asawa, oo, nagkaanak na rin siya, apat!"

Nagulat ako dahil hindi ko alam ito, bagaman hindi ko ito ipinahahalata alinman kay Mylene at David.

"Ay, sayang." Nakangusong wika ni Mylene. Animo'y nalugi ang hitsura nito. "'Yun bang babaeng 'yun ang asaw--" naputol na ang pagtatanong nito kay David dahil sa biglang pagkabuhay ng makina ng Jeep.

Bumalik na pala ang mag-inang Lavinia at Joanna. Agad namang tumabi si David sa kinatatayuan nito upang makasakay na rin sa jeep ang Kapitan ng aming nayon.

"Sige Senda, Mylene!" kumakaway sa amin si David habang unti-unti nang umaandar ang jeep.

Saglit ko rin namang muling sinulyapan si Luis, at napaismid ako nang hindi ko namamalayan dahil tila hindi nito alintana na paalis na kami.

Hindi ko maintindihan ang eksaktong nararamdaman ko. Hindi ko rin matukoy kung bakit ako naiinis, natutuliro, nalulungot at nayayamot nang magkakasabay. At hindi ko rin sigurado kung alin sa mismong mga natuklasan ko ang tunay na dahilan kung bakit nararamdaman ko ang mga bagay na ito.

Naiinis ba ako dahil sa nakita ko siyang may kasamang ibang babae?

Bakit? Ano bang masama kung may kasama siya? At ano ba ang pakialam ko kung makipaglandian siya sa kahit sinong babae o kahit pa mga babae? Hindi ko naman siya karelasyon at wala naman kaming malinaw na ugnayan.

Natutuliro ba ako dahil akala ko ay ako ang gusto niya ngunit hindi naman pala?

Hay, totoo nga siguro ang kasabihang maraming napapahamak at namamatay sa maling akala. Akala ko lang pala na may gusto siya sa akin.

Nalulungkot ba ako dahil may asawa at mga anak na pala siya?

Samakatuwid ay pagbali-baliktarin man ang mundo, hindi na kami puwede, at dahil walang-wala naman sa bukabolryo ko ang manira ng pamilya, ay dapat lang na hindi rin ako ni kahit makikipagkaibigan man lang sa kanya!

Nayayamot ba ako dahil pakiramdam ko ay pinaglaruan lang niya ako?

Teka nga muna? Eh bakit ba ako ang magsentir ngayon gayung siya naman ang may kagagawan kung bakit ko nararamdaman ang mga bagay na ito?

Sino ba ang lumapit?

Siya!

Sino ba ang nangulit?

Siya rin?

Sino ba ang nagpa-suwabe at nag-regalo sa akin ng kung ano-ano?

Siya rin!

Ano pala ang pakay niya sa akin?

Ewan ko, pero isa lang ang isinusumpa ko dahil sa katotohanan at sa mga pangyayaring ito. Hinding-hindi ko na ito dapat pang papasukin sa buhay ko.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now