Chapter 23: Dalawang Pangalan

225 12 2
                                    

Chapter 23: Dalawang Pangalan

*

Sunod – sunod na gabing napanaginipan ko si Kamiseta simula nung ilibing s’ya sa tabi lang ng kanilang bahay, sa ilalim ng isang punong acacia. Mga wirdong panaginip na hindi ko maipaliwanag. Isang makulay ngunit malungkot na panaginip kung saan lahat ng nakikita ko’t naririnig ay walang iba kundi kathang isip lamang.

Hindi na ako nagulat sa kanyang pagkamatay. Hindi ko rin alam kung bakit pero parang inaasahan ko na ‘to. Si Tita Ellie, si Maya at ngayon, si Kamiseta. Mga babaeng hindi ko nasagip. Mga babaeng may halaga sa buhay ko. Lahat sila ay may naituro sakin. Mga bagay na hindi mo mapupulot kung kani-kanino lamang.

Dalawang araw matapos ko s’yang dalawin ay nabangga si Kamiseta ng isang nagmamadaling jeep. Hindi n’ya daw alam kung saan nanggaling si Kamiseta, bigla nalang daw s’yang lumitaw. Isang babaeng nakaputi at naka-tingin sa langit na para bang humahabol ng isang bituin. Walang paliwanag ang ospital kung paano s’ya nakalabas. Dapat, nagalit ako, pero wala akong naramdaman... bukod sa pagka-dismaya. Para daw s’yang multo, sabi ng isa sa mga nurse.

“Buhay pa s’ya nung bumaba ako sa jeep,” sabi n’ya habang umaagos ang luha sa kanyang mga mata, “At dun lang ako nakakita ng tao na sobrang saya... may dugo sa mga labi n’ya at luha sa kanyang mga mata pero parehong nagpapahiwatig ng hindi mapaliwanag na kasiyahan...”

Hinimatay ang lola ni Kamiseta nang tumambad sa kanya ang bangkay ng kanyang apo. Sa kabutihang palad, agad rin s’yang nagising makalipas ang isang oras.

“Jusko... apo ko,” iyak ng naulilang lola, “Kamiseta, apo ko...”

Naagaw man ang kanyang buhay, hindi parin mapapawi ang walang kapantay na kagandahan ni Kamiseta. At tulad nga ng sabi ng drayber, mukha ngang napakasaya ni Kamiseta. Natakluban na ng nakapikit n’yang mga mata ang kapungayan nito. Naalala ko nung una akong nahulog sa mga balon na kanyang mga mata, nung araw na naisayaw ko s’ya sa aming prom. Ah, ang kanyang mga labing aking nahalikan nung makasalanang gabing iyon. “Maraming salamat,” ang huli n’yang sinabi pagkatapos naming magtalik.

Tumagal lang ng dalawang gabi ang burol ni Kamiseta sa bahay nila, o ng lola n’ya. Dahil walang sapat na pantustos sa pang matagalang burol at wala rin namang masyadong napunta. Karga-karga ng kanyang Lola ang naiwang anak ni Kamiseta. Ang anak nila ni Red Horse na hanggang ngayon ay wala pang pangalan.

Ako, si Heaven, ang Lola ni Kamiseta, si Saya at ang dyaber na nakapatay kay Kamiseta lang ang nakipaglibing. Tulad nga ng sabi ko, sa tabi lang ng bahay nila nilibing si Kamiseta. May mga pari at ibang taong simbahan ang nag-alay ng dasal sa puntod. Bago i-baba ang kabaong, muli itong binuksan at sa huling pagkakataon ay nakita ko ang pangkalawakang kagandahan ni Kamiseta. Pula ang mga labi n’ya, mala-rosas ang pisngi, mahaba at medyo kulot na pilik-mata. Nais ko sanang makita ang kanyang mga mata muli upang maakit ulit ako sa kanyang majika. Unang patak sa salamin ng kabaong ay ang aking mga luha, ang pangalawang patak naman ay ang mahinang bulong ng ulan. Tumungo ako, pinikit ang aking dalawang mata at hinalikan ang salamin na humaharang saming mga labi. Paalam, oh paalam, Kamiseta. Mahal kita.

*

Kailanman ay hindi ako naging magaling sa math ngunit sigurado akong mahigit isang daang beses humingi ng tawad ang drayber ng jeep. Iyak s’ya ng iyak.

“Hindi mawala sa isip ko ang ngiti n’ya,” sabi n’ya sa amin, “Patawarin n’yo po ako. Hindi ko po talaga s’ya na kita.”

“Anak,” sabi ng Lola ni Kamiseta, “Halaman lamang at mga bulaklak ang tinatanim, hindi galit. Sigurado akong hindi mo sinasadya ang mga nangyari. Walang may kasalanan sa nangyari. Wala akong sinisisi. Kung sinabi mong masaya mo s’yang inabutan sa kanyang mga huling sandali ay wala na dapat akong dapat ipag-alala pa. Dahil masayang nilisan ng aking apo ang mundong ito. Kaya paki-usap, huwag mo ng sisihin ang iyong sarili.”

Kwento ng TaoOù les histoires vivent. Découvrez maintenant