Chapter 18: Umiwang Ibon

275 6 0
                                    

Chapter 18: Umiwang Ibon

Tandang tanda ko pa ang huling kita ko sa kanya. Kung alam ko lang, kung alam ko lang talaga, alam ng hindi totoong dyos na pipigilan ko sa pag-lubog ang araw at lulunukin ko ng buo ang gabi upang hindi mag-tapos ang sandali na yon, ang huling sandali na nakita kong nabubuhay pa si Maya, ang minahal kong si Maya Dabird.

“Okay ba?” sabi ni Maya ng naka-ngiti na parang  sanggol na pinapatawa ng tatay n’ya.

Tinitigan ko si Maya mula ulo hanggang paa. Unang beses ko lang nakitang naka-puting dress, summer dress ata kung tawagin, naka-headband at sandals na parehong pinagsaluhan ang kulay na pula si Maya. Tinignan ko s’ya sa mata at ngumiti nalang, nag-papahiwatig ng nagustuhan ko ang suot n’ya. Sinuklian naman n’ya ako ng parehong ngiti, mas maganda nga lang, na nag-papahiwatig din ng pasasalamat n’ya.

“Tang-ina,” sabi n’ya, “Hindi na ako bagay mag-suot ng ganto e. Ang tanda ko na.”

“Kung hindi mo ako kinunwetuhan nung isang linggo, siguro hindi ko nga alam na lampas bente-five kana e.”

“Oh e san mo ako plano dalhin?”

Hindi ko alam kung naging-kami ba talaga ni Maya o ano, pero simula ng nag-kwento s’ya ng nakaraang buhay n’ya ay biglang umagos ang tubig ng emosyon kong punong puno ng hindi masabing salita. Kaya niyaya ko s’ya na makipag-date sa Enchanted Kingdom, sa Laguna. Yun lang kasi ang alam kong pwedeng masaya-sayang lugar dito sa Pilipinas. Di ko lang sigurado, pero sa loob loob ko ay natatandaan ko yung araw na nandito kami ng pamilya ko, ramdam ko talaga. “Sayang,” sabi ko sa sarili ko, “kung andito lang sana sila.”

“E.K. amputa,” sabi n’ya, “Pinapamukha mo talagang matanda na ko no?”

“Hindi nga, aba.” Sabi ko.

Nakarating naman kami sa nasabi ng walang problema, pwera sa mahabang linya. Nung naka-bili na kami ng ticket ay pinasok na namin ang paraiso ng mga bata, bukod sa Jollibee, ang Enchanted Kingdom.

Inuna naming sakyan yung pinaka-thrilling daw na sakyan, pero wala namang gaano. Anchor’s Away, Space Shuttle at yung Junge Log Jam ay wala namang panama sa amin ni Maya. Pero aaminin ko narin na napa “hoooo!” rin naman ako. Kumain kami sa mga restaurants sa loob na hindi ko alam ay pag-kamahal pala, pero kasya at swak naman sa perang dala-dala ko.

Lumubog na ang araw at umangat na ang buwan. Sumakay kami sa ferris wheel nun at kitang kita namin ang buong lugar ng Sta. Rosa, o buong Laguna na nga siguro yun e. Ganto tignan ng mga ibon ang mundo, maganda at maliwanag. Pero hindi pa mas gaganda at mas liliwanag sa mga mata ni Maya na naka-glue sa mundong ibaba. Ibang-iba talaga si Maya nung araw na ‘yon. Hindi s’ya pwedeng maging isang organization president, hindi s’ya pwedeng maging fine-arts graduate at hindi s’ya pwedeng maging isang sikretong manunulat na pilit gustong makita ng karamihan. Para s’yang ibon na kakatuto lang lumipad. Napakaganda n’ya.

Hindi ko na namalayan na nag-dikit na naman ang aming mga labi. Ramdam ko ang hininga n’yang dumadampi sa nguso ko, mga daliri n’yang bumabaon sa balikat ko at dila n’yang pumupulupot sa akin. Pero sa ilang beses na halik na natikman ko mula sa mga labi n’ya ay yun yung unang beses na nakaranas ako ng kakaibang pisikal at emosyonal na pakiramdam. Mainit at matagal na halik na pwedeng ikagunaw ng mundo sa sandaling matapos ito. Tinaniman n’ya pa ako ng isa pang halik sa upper-lip at dahan-dahang inilayo ang labi sa akin. Ngumiti s’ya na pwedeng i-kaputol ng lahat ng pakpak ng paru-paro sa mundo.

Pag-kababa naman namin ng ferris wheel ay sakto namang itinigil ng panandali ang mga rides. Oras na para mag-liparan ang mga sandaliang ning-nging sa langit upang mag-hatid ng ngiti sa mga bata’t matatanda.  Hindi ko alam kung alam kung ilang fireworks ang pumutok dahil hindi ako  sa kanila nakatingin. Nakatitig lang ako sa mga mata ni Maya na nakatulala sa langit. Iba’t ibang kulay ang hiniram ng kanyang mukha dahil sa mga anino ng mga pumutok sa itaas kung san hindi napansin ang bituwin na karaniwang pinapansin ng tao kapag gabi.

Kwento ng TaoWhere stories live. Discover now