Chapter One

151 8 1
                                    

TUMIGIL ang coaster bus na sinasakyan nina Diana at ng iba pa niyang mga kamag-aral sa gitna ng isang liblib na komunidad sa itaas ng isang bundok sa loob ng Clark Special Economic Zone sa Pampanga. Mula sa bintana ng sasakyan, natanaw niya na huminto sa kung anumang mga ginagawa nila ang mga taong naninirahan sa komunidad at pinagmasdan ang coaster bus.

“Sir, you mean, dito tayo magi-immersion program at magka-camping for ten days para sa NSTP class namin?” tanong ni Diana sa professor nilang katatayo pa lamang sa harapan ng bus upang i-orient ang klase.

“Yes, Miss Sandoval,” sagot ni Prof. Agulto sa kanya pagkatapos ay bumaling ito sa klase. “Class, we will be conducting our immersion and research here in the Aeta community of Sitio Monicayo for your NSTP class.”

Violent reactions agad ang iniusal nina Diana at ng kaibigan niyang si Brenda.

“Sir, akala ko po ba mage-enjoy kami? You said, magsi-swimming tayo rito. I even brought my swim wear,” may himig pagrereklamo na sabi ni Brenda.

“Tama. Pero nalimutan kong sabihin sa inyo na hindi swimming pool ang uso rito sa Sitio Monicayo kundi ilog at talon,” may himig pang-aasar naman na tugon ng propesor. Ngumisi pa ito sa dalawa.

“What?!” sabay na usal nina Diana at Brenda. Inakala kasi nila na ang tutuluyan nila sa Sitio Monicayo ay isang magandang resort.

Anak-mayaman ang dalawang dalaga. Magkumpare ang kanilang mga ama. May-ari ng ilang mga resort ang ama ni Diana, samantalang ang ama ni Brenda ay may chain of restaurants. Naging malapit na magkaibigan ang mga ama nila dahil magkaklase noong kolehiyo ang mga ito. Their fathers both took up Business Management kaya ganun din ang kursong kinuha nilang magkaibigan. Sa katunayan, ang isang restaurant ng ama ni Brenda ay katabi lamang ng isang resort ng ama ni Diana sa Angeles City.

Dahil restaurant ang business ng ama, nagtataka minsan si Diana sa kaibigan kung bakit kahit mahilig itong kumain ay napapanatili pa rin nito ang slim figure. Samantalang siya ay pinapagod pa ang kanyang sarili sa kalalangoy sa olympic-sized swimming pool nila sa bahay upang pumayat lang.

Ngunit ngayon ay napadpad sila sa Sitio Monicayo upang magsagawa ng immersion program at research sa mga Aeta na naninirahan sa sitio; required kasi ito sa subject nilang NSTP o National Service Training Program. Batid niyang mahihirapan silang mamuhay rito ni Brenda dahil malayo sila sa karangyaan na nakasanayan nila.

Lahat silang magkakaklase ay estudyante sa UP Clark ng kursong Business Management. Sinabi na sa kanila ni Prof. Agulto isang araw bago sila mag-immersion na ni-require ng direktor ng kanilang unibersidad ang lahat ng mga estudyante na magsagawa ng immersion program sa mga Aeta community dahil advocate ang direktor sa pagsulong ng kahalagahan ng mga indigenous people o mga katutubo sa bansa. At dahil malapit lang sa kanila ang Sitio Monicayo na isang Aeta community, ito na ang in-assign sa kanila ni Prof. Agulto na kanilang NSTP professor.

Banas na banas sina Diana at Brenda habang pababa na sila sa hagdan ng coaster bus. Pagkababang-pagkababang ng sasakyan, nakakapasong April summer heat agad ang sumalubong sa kanila.

“OMG! So inniiiit naman here!” reklamo ni Brenda.

“Hay, nagsisimula nang magreklamo ang mga laking aircon,” pang-aasar ng pandak nilang kaklase na si Mico.

“At least kami lumaki... hindi tulad mo!” banat naman ni Diana kay Mico.

Nag-evil laugh naman si Brenda; namula naman sa kahihiyan si Mico.

Pagkalabas nilang lahat ng coaster bus, naglakad silang magkakaklase patungo sa Aeta tribal office kung saan may basketball court sa tapat nito. Napansin nilang may mga nakasabit na banderitas sa court kaya tingin nila ay may magaganap na kapistahan sa lugar. Dumaan silang lahat sa basketball court kung saan may apat na binatang Aeta na naglalaro. Nakahubad ang dalawa sa mga naglalaro.

Jobus at PulbosWhere stories live. Discover now