Chapter Nine

63 8 4
                                    

MAKALIPAS lang ng ilang araw, pormal na ring pinag-usapan ng tribal chieftain na si Roberto Sevilla at ni Aling Ruby ang kasal nina MJ at Sarah. Nagsabi na kasi si MJ na kahit kailan ay puwede na silang ikasal dalawa ni Sarah.

Naisip ni MJ na totohanin na ang gagawing pagpapakasal kay Sarah. Kung makasal sila ni Sarah, tuluyan nang magkakalayo sila ni Diana. Kailangan na niyang kalimutan si Diana kahit mahal na mahal niya ito para sa ikabubuti ng Sitio Monicayo. Sinaktan niya ang damdamin ng babaeng minamahal niya kahit labag sa kalooban niya at palagay niya ay di na siya mapapatawad nito.

At sa palagay ni MJ, ang pagpapakasal kay Sarah ang makakapagpalimot sa kanya kay Diana. Matututunan niya rin sigurong mahalin ang mapapangasawa.

Nagulat ang maraming Aeta nang mapansin na tinatanggal na ng mga tauhan ni Mr. Sandoval ang tarpaulin ng DOLORES PARADISE RESORT. Nang tinanong ni Aling Ruby at Mang Roberto ang mga tauhan ay pare-pareho lang ang sinabi ng mga ito. Nagbago na raw ang isip ng amo ng mga ito. Sinabi pa ng mga tauhan na utang na loob pa nila kay Mr. Sandoval ang pagbabago ng isip nito, bagay na ikinainis nina Aling Ruby, Mang Roberto at iba pang mga Aeta na naroon.

            Nasa malayo si MJ habang tinatanaw ang pagtatanggal ng tarpaulin. Napangiti na rin siya. Tumupad nga sa usapan si Mr. Sandoval.

MULA nang nakipaghiwalay sa kanya si MJ ay magdamag na umiiyak si Diana sa kwarto niya. Nung unang araw na nakipagbreak si MJ ay kaagad na tinawagan niya si Brenda para mag-Starbucks sila. Kape kasi ang iniinom niya sa tuwing nagkakaproblema siya. Kahit nasa coffee shop na sila ay hindi pa rin napigilan ni Diana ang maiyak; wala na siyang pake kung pinagtitinginan sila ng mga tao.

Ngayong nakahiga sa kama niya, hindi na naman niya napigil ang sarili na maiyak. Ayaw na niyang makaramdam ng sakit sa puso, ngunit di niya maiwasan. Mahal niyang talaga si MJ, ngunit sinaktan lamang siya nito.

Sa study table na katapat ng kama ay nakita niya ang nakadikit na drawing dito. Tumayo si Diana at tiningnan ang drawing. Ang drawing na iyon ay ang portrait niya na gawa ni MJ sa kanya noong nagsagawa ang klase nila ng painting class sa NSTP. Nilukot niya iyon at itinapon sa trash bin sa tabi ng study table.

“MJ has moved on with me, I need to move on, too...” naiwika ni Diana sabay agos ng kanyang luha.

KINABUKASAN, pinuntahan ni Butch si Ruby sa Sitio Monicayo. Pinagtanong-tanong niya sa mga Aeta kung saan ang bahay nito. Nung una ay ayaw pa ituro ng mga Aeta ang bahay ni Ruby dahil nakita ng mga ito ang paninigaw ni Ruby sa kanya ilang araw na rin ang nakakaraan pero nangako si Butch na mabuti naman ang intensyon niya kaya itinuro na rin nila.

Nananahi si Ruby ng damit nang abutan ito ni Butch sa bahay nito. Dahil sa pagkagulat, natusok pa nito ang daliri ng karayom nang makitang nakatayo siya sa pintuan.

“Anong ginagawa mo rito?” Napatayo ang babae sa kinauupuan.

“Ruby, gusto ko lang magpaliwanag. At sana ngayon pakinggan mo ko,” pagsusumamo ni Butch.

“Wala ka nang dapat pang ipaliwanag. Iniwan mo ko. Pinagtabuyan... at saka matagal na tayong tapos.”

            “Hindi ko ginusto ang ginawa ko sa’yo noon. Tinakot ako ng mga magulang ko na kapag hindi kita hiniwalayan at hindi ko ititigil ang pagsusundalo ko, palalayasin nila kayong mga Aeta rito. Patawad at hindi ko naipaglaban ang pag-ibig natin noon. Pero gusto kong malaman mo na hanggang ngayon, ikaw pa rin ang tinitibok ng puso ko.”

            Nakita niya ang pagpatak ng luha ni Ruby. Inabutan niya ito ng panyo na siyang kinuha nito at ipinampahid sa mga luha.

“Nay, sino po ang lalaking iyan?”

Kapwa napatingin sina Butch at Ruby sa pinanggalingan ng boses. Nasa pintuan ito at may mga dala-dalang mangga. Palagay ni Butch na ito ang nobyo ni Diana na si MJ.

“MJ, anak, siya si Butch...” bumuntong-hininga si Ruby at saka nagpatuloy. “Siya ang tunay mong ama.”

            Parehong nagulat si Butch at si MJ sa sinabing iyon ni Ruby.

“Butch, anak natin si MJ,” baling sa kanya ng babae. “Nagdadalang-tao ako kay MJ nung iniwan mo ko. Nagpakasal ako kay Mando dahil ayokong lumaki si MJ na walang ama.”

Nilapitan naman nito ang anak na si MJ. “Anak, patawarin mo ko kung inilihim ko sa’yo nang matagal ito.”

Ngunit tumakbo si MJ palayo ng bahay.

NAGPUNTA si MJ sa tabing-ilog. Ito ang puntahan niya kapag malungkot siya at may problema. Tiningnan niya ang repleksyon niya sa malinis na tubig ng ilog. Kaya pala hindi siya ganoon kaitim tulad ng mga Aeta, kaya pala hindi siya gaanong kulot, at siya ay may katangkaran... dahil isang unat ang kanyang ama.

“MJ...” wika ng isang tinig ng lalaki mula sa likuran niya. Nilingon niya ito.

Naglakad si Butch palapit sa kanya. Tinitigan ni MJ si Butch. Kahit siya ay di maikakaila na may hawig siya rito... sa tunay niyang ama.

Umupo ito sa tabi niya. At tila ba lukso ng dugo ang nadama ni MJ sa pagkakalapit nila ng kanyang ama. Tiningnan niya ito. Hinawakan siya nito sa balikat. Pumatak ang luha ng kanyang Tatay Butch kaya hindi na rin napigilan ni MJ ang maluha.

Nag-bonding ang mag-ama ng araw na iyon. Naligo sila sa ilog at nangisda. Nangaso rin sila ng mga hayop. Namaril din sila ng mga ibon gamit ang isang air gun. Namitas din sila ng mga prutas. Nagkuwentuhan din ang mag-ama habang ginagawa ang mga ito. Maligaya naman si Nanay Ruby na nakikitang naging magkasundo agad ang mag-ama.

Ginawang sinigang ni Nanay Ruby ang baboy na napangaso nina MJ at Tatay Butch at pinrito naman ang mga ibon na nabaril. Masaya silang nagsalo sa isang hapunan kasama si Otep.

“Binata na ngang talaga itong anak ko,” ani Tatay Butch habang kumakain. “Siyanga pala, kumusta na kayo ng nobya mong si Diana?” dagdag na tanong nito.

Parehong natigilan sina MJ at Nanay Ruby. Nabitawan pa ni MJ ang hawak na tinidor na bumagsak sa pinggan at lumikha ng malakas na ingay.

“Tay, hiwalay na po kami ni Diana,” malungkot na saad ni MJ. “At nakatakda na po akong ikasal kay Sarah.”

Bumakas ang pagkabigla at lungkot sa mukha ng kanyang Tatay Butch pagkasabi niya niyon. Pagkatapos maghapunan ay nagpaalam na si Tatay Butch. Bago umalis, sinabi nito na ipapaalam niya kay Brenda na magkapatid sila ni MJ. Kahit mabigat ang puso ni MJ dahil sa pinagdadaanang hapdi dahil sa pag-ibig, masaya na rin siya kahit paano dahil nakilala niya ang kanyang tunay na ama at batid niyang nagkaayos na ang kanyang Nanay Ruby at ang kanyang Tatay Butch.

Jobus at PulbosWhere stories live. Discover now