Chapter Three

115 8 2
                                    

SA PAGDAAN ng mga araw, unti-unting kinilala nina Diana at MJ ang isa’t-isa. Nagkuwentuhan pa sila ng kung anu-ano tungkol sa mga buhay nila at doon sila lalo nagkapalagayan ng loob.

Isang gabi, nagkuwentuhan sina Diana at MJ sa likod-bahay pagkatapos maghapunan. Nakuwento niya sa binata ang tungkol sa Miss UP Clark pageant kung saan binayaran ng nanalo ang judges kaya naging first runner-up lang siya.

“Hayaan mo na ‘yun. Alam naman ng marami na ikaw ang karapat-dapat na nanalo. At di man ikaw ang nanalo sa beauty contest na ‘yon, para sa akin, maganda ka naman... pati ang kalooban mo,” wika ni MJ.

Noon lang nasabihan si Diana ng ganoon ng isang lalaki. Maraming mga lalaki ang nagsasabi na maganda siya. But they were all pertaining to her face and figure. Ngunit si MJ lang ang nagsabi sa kanya na maganda rin ang kanyang kalooban. At maliban siguro sa bestfriend na si Brenda, si MJ lamang ang nakita siya bilang isang mabuting tao. Halos lahat kasi ng mga kamag-aral niya sa unibersidad ay isang maarteng atitudera ang pagtingin sa kanya. Pakiramdam ni  Diana ay lumobo ang puso niya sa sinabing iyon ni MJ.

Nabanggit naman ni MJ na hindi ito nakatungtong ng kolehiyo dahil sa kakapusan ng pera.

“Gusto ko sanang magdoktor dahil nga nurse si Nanay. Kaya lamang ay mahal ang pagmemedisina at kakapusin kami,” malungkot na pahayag ng binata. “Mga sundalong Amerikano noon ang nag-sponsor ng pag-aaral ni Nanay kaya nakapagtapos siya ng kolehiyo,”  dagdag pa nito.

Biglang may naisip si Diana dahil sa sinabing iyon ng binata.

“Sige, hayaan mo. Tutulungan kitang maghanap ng magi-sponsor ng pag-aaral mo. Maraming koneksyon ang Papa ko kaya maaari kitang tulungan,” wika ni Diana.

“Salamat, Diana,” nakangiting tugon ng binata.

Pagkatapos ay nagpatuloy sila sa pagkukwentuhan.

“MJ, kung di mo mamasamain, ba’t ba galit ka sa mga unat?” usisa bigla ni Diana.

Bumuntong-hininga ang binata at tinignan muna siya bago nagsalita, “Sila ang pumatay sa Tatay Mando ko.”

Napakapit sa kinauupuan nila si Diana. Alam na niya ang tungkol dito pero hindi niya alam ang buong kuwento niyon.

“Sampung taong gulang ako nu’n. Tinabas namin ni Itay ang mga damo sa isang bakanteng lupa na minana pa namin sa aming mga ninuno upang pagtamnan namin. Kasalukuyang nagtatanim kami ni Itay nang dumating ang isang lalaking unat na naka-kotse at sabihing kanya ang lupang pinagtatamnan namin at may hawak daw siyang titulo. Lumaban ang Itay ko, at nanindigang sa aming mga Aeta ang lupa na iyon. Nagalit ang lalaking unat at pinagbabaril niya ang tatay ko. Sa takot na may makakita sa kanyang ibang tao, tumakas sila ng kanyang mga tauhan at hindi na ko nagawa pang barilin,” naluluhang salaysay ni MJ.

Nilapitan niya ang binata, niyakap ito at hinagod ang likod upang ibsan ang pag-iyak nito. Tunay ngang masakit ang sinapit nito sa mga unat.

“Mula noon, isinumpa ko sa aking sarili na pagbabayaran ng unat na iyon ang ginawa niyang pagpaslang sa Itay ko,” matatag na wika ng binata.

“MJ, matuto kang magpatawad sa kapwa. Masamang gumanti, alam mo ‘yan. Hindi naitutuwid ang mali ng isa pang pagkakamali. Ipagpasa-Diyos mo na lang ang lahat. Let Him do what is just to that man,” sabi niya habang inaalo ito sa likod.

Hinawakan ni MJ ang kamay niya marahil ay bilang pasasalamat. Diana felt a tingling sensation when his hand touched hers. Nagtataka siya. Lately ay napapansin niya na masaya siya kapag nagkukuwentuhan sila at magkasama sila ng binata. Hindi man niya alam ang sagot kung bakit anong saya ang nararamdaman niya pag kasama ito ay wala na siyang pakialam, basta masaya siyang kapiling ang binata.

Jobus at PulbosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon