LLI: Diecinueve

13.9K 287 29
                                    

Ang pumatay

-------------------------

Hindi pa rin maalis ang nakakalokong ngiti ni Rosario sa kanyang labi. Marahan niyang isinara ang pintuan ng kanyang bahay matapos umalis ni Kiko. Inilapag niya ang plastic at perang hawak niya at saka naupo sa isang silya habang tinitignan ang sarili sa katapat niyang salamin. Ang nakakalokong ngiti ay biglang naglaho ng parang bula at napalitan ng walang emosyong mukha.

Napahinga siya ng malalim nang maisip na nalalapit na pala ang araw na ayaw niyang maganap. Napapikit siya ng mariin at saka tumayo at kinuha ulit at plastic at pera saka siya lumabas ng kanyang bahay. Tahimik lamang siyang naglalakad habang nakayuko. Sa bawat paghakbang niya'y parami na nang parami ang mga taong nakakasalubong at nakakasabay niya sapagkat malapit-lapit na siya sa bayan kung saan siya bibili ng kanyang makakain.

Huminto siya nang may makitang isang matanda na nagtitinda ng gulay. Dahan-dahan siyang lumapit doon at sa paglapit niya'y siya namang pagkagulat ng matandang babaeng nagtitinda.

"A-anong kailangan mo?" natatakot na tanong sa kanya ng matanda. Hindi niya ito tinignan at nakatingin lamang sa mga gulay dahil alam niyang mas lalo itong matatakot kapag tinignan niya ito.

"Magkano ang benta mo sa kangkong at kamatis?" tanong niya habang nakayuko. Sinilip naman niya ang matanda at nanginginig itong nilagay sa plastic ang isang tali ng kangkong at tatlong kamatis.

"I-iyo na 'yan. H-h'wag mo nang bayaran. M-makakaalis ka na," natatakot na wika ng matanda habang nanginginig na inabot ang plastic kay Rosario. Nanatili namang walang emosyon ang mukha ng dalaga. Hindi na siya nagugulat dito sapagkat sanay na siyang ganito ang ginagawa at inaasta sa kanya ng mga tao lalo na kung bibili siya ng mga tinda nito. Hindi na siya pinababayaran at pinapaalis na agad dahil natatakot silang tanggapin ang perang nagmula mismo kay Rosario. Iniisip nilang dinasalan ito ng dalaga at may baon itong sumpa o kamalasan.

Marahang inabot ni Rosario ang plastic at walang imik at tingin na umalis. Naglakad na siya ulit at hindi na muling bumili pa ng iba pang kasangkapan niya sa pagluluto dahil naiirita na siya sa mga inaakto nito. Oo nga't sanay na siya sa mga ito ngunit sawa na rin siya. Naglakad na siyang muli nang may biglang sumigaw sa pangalan niya kaya agad siyang lumingon dito.

"HOY MANGKUKULAM NA ROSARIO! SALOT KA TALAGA SA STA. EVILIA! Hinding-hindi kita mapapatawad sa pagkuha mo sa buhay ng anak kong si Ron!" sigaw ng isang ginang sa kanya. Walang emosyon namang tinignan ito ni Rosario sa mata at saka muling naglakad. Bigla siyang napatigil nang may biglang naramdaman siyang basa sa likod ng kanyang ulo. Kinapa niya ito at tinignan ang kanyang kamay. Kulay pula. Dugo. Doon niya lang napagtanto na binato na pala siya ng bato ng ina ni Ron.

Lumingon siya ulit dito na may matapang at seryosong mata. Nakita niya ang mga mata nitong nag-uunahang tumulo ang mga luha. Pumulot ulit ito ng bato at akmang ibabato ulit sa kanya nang siya'y magsalita.

"Sige, ibato mo," seryoso niyang saad.

"S-simula nang bumalik ka rito, muling dumanak ang dugo. Kung sana'y nanatili ka na lang sa kung saang lugar ka namalagi ng ilang taon, edi sana buhay pa ang anak ko! May asawa't isang taong gulang siyang anak tapos papatayin mo lang?! Ikaw! Demonyo ka! Ako mismo ang papatay sa 'yo!" pagwawala ng ina ni Ron at saka ito pumulot ng maraming bato at binato kay Rosario. Hindi man lang umilag ang dalaga at sinalo ang bawat batong ibinabato sa kanya. Para siyang manhid at walang nararamdaman.

Isa-isa na ring nagtakbuhan ang ibang tao at pinagbabato siya habang ang iba nama'y umawat. Unti-unti na siyang napaupo dahil sa pambabato ng mga ito. Puro pula na lang ang nakikita niya. Puro dugo na nanggaling sa sugat niya. Ngunit wala man lang kahit isang patak na luha ang pumatak.

Langit, Lupa, ImpyernoWhere stories live. Discover now