Wattpad Original
Mayroong 9 pang mga libreng parte

Kabanata I

219K 5.6K 620
                                    

Proposal

"Gaga ka talaga, Kara! Wala ka na talagang pinagkatandaan! Ang sabi ko naman sa'yo, huwag ka nang babalik doon at baka kung ano pa ang mangyari sa'yo! Paano kung makulong ka? Paano ang kapatid at anak mo? Tingnan mo nga ako, matanders na at inaatake na lagi ng rayuma! Sinasabi ko nga ba at ikaw talaga ang papatay sa akin, eh!" talak sa akin ni nanay nang makauwi ako at ikwento lahat ng nangyari at napag-usapan namin kanina.

"Nay naman, hinaan mo naman iyang bibig mo at baka marinig tayo ng mga kapitbahay natin," inaantok kong sabi. Halos hapon na kasi ako nakauwi dahil sa traffic at muntik pa akong maligaw.

"Ate, amoy mayaman ba roon? Sana kasi sinama mo ako para hindi lang ikaw ang tinatalakan ngayon," ani Ellena habang hawak ang librong binabasa niya kanina nang dumating ako.

"Gaga, pareho lang ng amoy dito at doon, amoy usok."

"D'yan kayong dalawa magaling! At balak mo pang bumalik doon bukas? Para saan, Kara? Ikaw ha, baka mamaya may kinakalantari na iyang kipay mo roon kaya pabalik-balik ka sa Manila!"

"Nay naman! Kung anu-ano na lang iyang pumapasok sa isip mo! Tsaka uunahin ko pa ba iyon kesa sa inyo at sa anak ko?"

"Aba, dapat lang! Sa susunod na pasukan, mag-aaral na iyang anak mo kaya maghanap-hanap ka na ng trabahong may sweldong kayang sustentuhan ang pag-aaral ng kapatid at anak mo. Kung malakas lang ako, babalik ako sa palengke para magtinda ulit," ani nanay sa akin.

Bumuga naman ako ng hangin at mariing napapikit.

Kailangan ko na talagang maghanap ng trabaho. Hindi na kasi sapat ang kinikita ko sa pagiging CSR at lumalaki na ang gastos namin. Isa pa, ayokong mag-aral si Yñigo sa kung saan lang. Alam kong matalino ang anak ko at gusto kong tutukan iyon. Kung mayroon man akong magandang maibibigay sa anak ko, iyon ay ang bigyan siya ng magandang edukasyon.

"Kung hindi ka lang sana maaga nabuntis, anak..."

"Nay, h'wag mo na ngang isipin iyan. At paano kung hindi ako nabuntis? E 'di wala tayong Yñigo ngayon?" sagot ko.

Eighteen lang ako noong mabuntis ako sa una kong boyfriend na hindi ko na alam ngayon kung nasaan. Nasa unang baitang ako noon ng kolehiyo kaya napilitan akong tumigil dahil kailangan kong alagaan ang sarili ko at ang anak ko. Nagsisi ako noong una pero nang makita ko na ang anak ko, nawala na lahat ng iniisip ko.

Kailan man, hindi sumagi sa isip ko na ipalaglag ang bata. Anak ko iyon at buhay iyon na ibinigay ng Diyos. Sino bang ina ang maaatim na patayin ang sarili niyang anak? Maaga man akong nabuntis, ang mahalaga, pinanindigan ko at hindi ako sumuko.

Patuloy akong lalaban sa hamon ng buhay kahit gaano pa iyan kalupit.

"Nasaan ba ang anak ko, nay?" tanong ko sa kanya.

"Nasa kwarto at natutulog. Kanina, nagbabasa iyang anak mo ng libro at ang galing-galing na. Mabuti na lang talaga at hindi namana ni Yñigo iyang kagagahan mo."

"Nay ha!"

"Aba, bakit? Totoo naman ah? Matalino ang anak mo hindi tulad mo na landi ang pinapairal! Kung sinu-sino kasi ang kinakalantari mo noon kaya ayan, maagang lumubo ang tiyan mo," ani nanay. Napasimangot na lang ako sa sinabi niya at tumayo para puntahan ang anak ko.

Pumasok ako sa kwarto naming mag-ina at nadatnan ko siyang mahimbing ang tulog. Wala sa sariling napangiti ako at agad na lumapit sa kanya.

Hinalikan ko siya sa noo at hinawi ang kanyang buhok. Pinagmasdan ko ang kanyang mukhang hawig na hawig sa kanyang ama.

Mestizo ang anak ko at maraming nagsasabing hindi siya sa akin galing. Mayroon kasing lahing banyaga ang kanyang ama at ako naman ay morena ang kulay at hindi ganoong katangusan ang ilong. Ang sa anak ko kasi, mukha siyang anak mayaman. May pagkakataon nga na mayroong gustong umampon sa kanya pero sino bang tanga ang ipamimigay ang anak niya sa iba? Dahil ba sa may itsura ang anak ko kaya nila gusto?

The Magnate (Del Franco #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon