Wattpad Original
Mayroong 4 pang mga libreng parte

Kabanata VI

154K 4.7K 346
                                    

Boundaries

Nagising ako nang maramdaman kong tumutunog ang cellphone sa aking bulsa. Alarm ko ang tumutunog at ala singko y medya na ng madaling araw. Kapag ganitong oras, dapat ay naghahanda na ako papasok sa trabaho, pero nandito pa rin ako ngayon sa bahay ni Sir Matias.

Hindi ko na kasi namalayang nakaidlip na pala ako sa may sala sa kahihintay.

Huminga ako nang malalim at pinilit ang sarili kong tumayo. Uminom muna ako ng tubig at saglit na nagbanyo. Sisiguraduhin ko munang maayos na ang lagay ni Sir Matias bago ako umalis.

Kumuha ako ng ng isang pitsel ng tubig at baso para iakyat sa kanyang kwarto. Dala ko rin ang gamot niya na binili ko para pagkagising niya ay mayroon siyang maiinom.

Hindi na ako kumatok dahil baka natutulog siya at magising ko pa. Katulad ng inaasahan ko, mahimbing siyang natutulog. Mabagal ang bawat galaw ko dahil ayokong makalikha ng kahit na anong ingay.

Inilapag ko sa maliit na lamesa malapit sa kanyang kama ang dala ko at dahan-dahang lumapit sa kanya. Hindi ko mapigilang mapatitig sa kanya nang makita ko ang kanyang inosenteng mukha habang mahimbing na natutulog.

Ang gwapo. Hindi ko mapigilang sabihin sa isip ko. Kung sino man ang magugustuhan ni Sir Matias, sinisigurado kong maswerte ang babaeng iyon. Bukod sa gwapo si Sir Matias, matalino at masipag din siya. Siya iyong tipo ng lalaki na pinapangarap ng lahat. Iyong mababasa mo lang sa mga pocket books at libro. Akala ko noon, hindi nag-eexist sa mundo ang tulad niya pero nagkamali ako nang makilala ko siya.

Siya iyong pangarap na kahit nasa harap mo, alam mong hindi mo maaabot.

Alam kong gasgas na ang linyang ito pero sino ba naman ako para magustuhan niya?

Hindi naman ako kagandahan, hindi rin ako mayaman tulad niya, at isa pa, mayroon na akong anak. Iyong bagay sa kanya ay mga babaeng kawangis niya sa buhay.

Iyong maganda, mayaman at pang-modelo ang datingan. At iyong walang sabit katulad ko.

Umiling ako sa pinag-iisip ko. Umagang-umaga kung anu-ano na ang iniisip mo, Kara.

Nag-aalangan man, hinipo ko ang kanyang leeg para tingnan kung mayroon pa siyang lagnat pero wala na. Hindi na siya ganoong mainit at kaunting pahinga pa ay magaling na siya.

Inayos ko ang kanyang kumot upang hindi siya gaanong malamigan.

Nang masigurado kong ayos na siya, lumabas na ako ng kanyang kwarto at kinuha ang bag na dala ko.

"Ma'am, uuwi na po kayo?" tanong sa akin ni kuya na nagbabantay sa buong bahay ng lumabas na ako.

"Opo, kuya. May trabaho pa po kasi ako. Paano po ba ang palabas dito?" tanong ko.

"Hatid ko na po kayo sa labas," nakangiti nitong tugon.

"Hindi ka ba natulog, kuya?" nagtataka kong tanong.

"Mamaya po Ma'am tapos na ang shift ko. May kapalitan po ako at mamaya rin ay may darating para maglinis ng bahay. Mag-isa lang naman po kasi si Sir Matias na nakatira rito. Nagtataka nga po ako kung bakit ang laki-laki ng bahay na ito gayong si Sir lang ang nakatira," ani kuya sa akin. Tumango-tango naman ako sa kanya.

"Wala ba siyang dinadala rito na iba? Nobya niya?" tanong ko habang pinapanood ko siyang ilabas ang motor sa gate.

"Wala po, ma'am. Pero mayroon naman pong mga kaibigan niya ang dumadalaw rito sa kanya pero madalang pong mangyari iyon. Dalawang taon pa lang naman po kasi si Sir Matias dito," sagot niya sa akin.

"Sakay na po kayo," aniya nang paandarin ang motor. Walang arte naman akong sumakay sa likod at humawak sa kanyang balikat para hindi ako mahulog.

Napansin kong halos mansyon ang mga bahay na nadaraanan namin at hindi ko mapigilang tingnan ang lahat ng iyon.

The Magnate (Del Franco #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon