Wattpad Original
Mayroong 6 pang mga libreng parte

Kabanata IV

156K 4.7K 363
                                    

Gold Digger

"Are you okay, Kara?" Bigla akong napalingon kay Sir Hector nang kausapin niya ako. Pilit naman akong ngumiti at tumango.

"Ayos lang po," sagot ko at muling ibinaling ang atensyon ko sa laptop para tapusin ang ginagawa ko. Marahil ay napansin niyang kanina pa ako tahimik at hindi ko naman siya masisisi.

Hindi kasi mawala sa isip ko ang mga salitang binitiwan ni Sir Matias kaninang umaga. Hindi ko alam kung bakit nasasaktan ako nang sobra sa sinabi niya gayong wala namang rason para masaktan ako dahil sarili niya iyong opinyon.

Saglit kong itinigil ang ginagawa ko at mariing pumikit. Huminga ako nang malalim at pilit na pinakakalma ang sarili ko.

"You are not okay, hija. What happened? Napagalitan ka ba ni Matias?" ani Sir Hector.

"Hindi naman po, sir. May iniisip lang po," tipid kong sagot.

"Kung may problema ka, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. I'm here to listen, Kara," nakangiting saad ni Sir Hector sa akin.

Hindi naman ako kumibo at tanging ngiti lang ang isinagot ko sa kanya.

Muli kong naisip ang nangyari kanina. Tama naman si Sir Matias; hindi naman siya papatol sa isang tulad ko lang. Oo, may gusto ako sa kanya pero hindi naman ako umaasang magugustuhan din niya ako. Sa mga pocketbooks ko lang nababasa ang ganoon at malabong mangyari sa akin iyon.

Aaminin kong nasaktan pa rin ako. Hindi ko kasi inaasahang ipamumukhha niya sa akin na kailan man ay hindi niya ako magugustuhan. Sabagay, sino bang tulad niya ang papatol sa akin? Una sa lahat, may anak na ako. Pangalawa naman ay hindi ako kagandahan. Pangatlo ay wala naman akong yaman na tulad niya.

Hindi ako babagay sa kanya kahit sa anong anggulo tingnan.

Nasa realidad ako, at malabo pa sa tubig na hinaluan ng putik na magkagusto sa akin si Sir Matias. Wala namang kaso sa akin iyon dahil trabaho ang dahilan kung bakit ako naririto. Wala akong intensyong magustuhan ni Sir Matias at kung mangyari man iyon, ako pa mismo ang lalayo dahil ayokong maapektuhan ang pamilya ko.

Biglang tumunog ang telepono sa gilid ni Sir Hector kaya bumalik ako sa katinuan. Pinagpatuloy ko ang ginagawa ko dahil mamaya ay mayroong meeting si Sir Matias. Kailangan kong kalimutan ang nangyari dahil ayokong maapektuhan ang trabaho ko.

Ilang oras ang lumipas, bumiyahe na kami para sa huling meeting ni Sir Matias ngayong araw. Nasa tabi ako ni Sir Hector na nagmamaneho ng sasakyan habang si Sir Matias naman ay nasa may likuran at abala sa kanyang laptop.

Ilang minuto pa ang lumipas, nakarating na kami sa isang mataas na building sa Quezon City. Nauna akong bumaba para pagbuksan ng pinto si Sir Matias. Bumaba naman siya at dumeretso agad sa loob. Nakasunod lamang ako sa kanya para kung may iuutos siya ay madali kong magagawa. Si Sir Hector ay ipaparada muna ang sasakyan at susunod na rin sa amin.

Mayroon pang fifteen minutes bago magsimula ang meeting kaya nagmamadali na kami. Binati si Sir Matias ng iilang taong makasalubong niya at halos lingunin siya mapababae man o lalaking madaanan namin. Hindi ko naman sila masisisi dahil talagang gwapo at makisig si Sir Matias kaya kahit sino ay mapalilingon kapag dumaan siya.

Naunang pumasok si Sir Matias sa loob ng elevator at nakasunod lamang ako. Ako na mismo ang nagpindot kung saang floor kami dahil alam ko naman at trabaho ko iyon.

Tahimik sa loob ng elevator. Mayroon pa kaming dalawang kasama sa loob pero bumaba rin sila agad sa ika-apat na palapag kaya kaming dalawa na lang ni Sir Matias ang natira sa loob.

Tiningnan ko ang repleksyon naming dalawa at hindi ko mapigilang manliit. Una ay dahil sa matangkad siya, pangalawa ay dahil kitang-kita sa pisikal naming kaanyuan ang pagitan naming dalawa bilang boss at empleyado niya.

The Magnate (Del Franco #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon