Chapter 5: The Palace

524 30 1
                                    

[Chapter 5]

Nakangisi lang si Sarina habang nakatingin sa mga kamag-anak ni Azrael na tinitikman ang kaniyang niluto. Kung tutuusin ay simple lang ang recipe na 'yon, iyon ata ang unang recipe na tinuro sa kaniya ng Mommy niya.

Nasasabik naman si Lola Mara habang tinitikman ang putahe na luto ng kaniyang apo. Sa bawat kagat ay malalasap ang mga sangkap na ginamit ng kaniyang apo. Sa bawat nguya ay naiiyak siya sa sarap. Malambot ang karne at lasang lasa, medyo matamis rin. Sumubo pa siya at napapapikit sa sarap.

Samantala, napaplunok naman ang tatlong Sandoval habang nakatingin sa kanilang Lola Mara na ngayon ay pumipikit pikit habang ngumunguya. Kanina pa nila hinihintay na umatras ang kanilang Lola Mara. Hindi naman sila pwede kumuha lang sa luto ng kanilang pinsan habang kumakain pa ang kanilang Lola Mara.

Napalunok nalang rin si Mikael habang pinagmamasdan ang Ina na ngayon ay sarap na sarap. Nakalimutan na nito ang kaibig-ibig na kilos habang ito ay kumakain. May mga mantsa pa ito sa gilid ng bibig na hindi na napansin. Gusto niya ring tumikim pero hindi pa tapos ang kaniyang Ina.

Natawa nalang si Sarina habang nakatingin sa kanila. Naaaliw siya sa mga ito. Halatang halata kasi na gusto ng mga ito na matikman ang luto niya, ang kaso ay hindi maawat sa pagsubo si Lola Mara.

Nangangalahati narin 'yon. Kapag hindi niya mapigilan ang Lola ni Azrael ay siguradong mauubos 'yon.

"Uhmmm!" Napapaungol nalang ang matanda habang kumakain.

"Ehem, Lola. Mukhang sarap na sarap ka ah," biro niya sa matanda.

Napatigil ang matanda. Nawala siya sa huwisyo kanina habang kumakain. Kaagad niyang ibinalik ang kaniyang mataray na ekspresyon at inayos ang sarili. Pinunasan niya rin ang kaunting pagkain sa gilid ng kaniyang labi at nahihiyang umiwas ng tingin sa apo.

Tumikhim muna ito sabay atras. "M-Maayos ang iyong luto p-para sa baguhan."

Napangisi si Sarina. Parang hindi sapat ang 'maayos' para i-describe ang luto niya. Kita rin naman sa mukha ng Lola ni Azrael na sarap na sarap ito.

Tumango lang si Sarina sa matanda at nginitian ang triplets at si Mikael. "Tikman niyo na."

Kaagad namang kumuha ng tig-iisang tinidor sa putahe ni Azrael ang apat na lalaki.

Nakatitig lang sa kanila si Sarina at hinihintay ang kanilang magiging reaction.

Samantala, mapasimangot naman si Lola Mara habang nakatingin sa apat. Gusto niya pang kumain ang kaso ay hindi kaaya-aya kung makikisiksikan siya sa apat para lang kumain. Dapat ay hintayin niya itong matapos. Kaso ay nababahala siya na baka pag natapos ito ay ubos na!

Kaagad na napapikit ang apat. Napangiti ang mga ito at napatitig sa kaniya. Ngumiti lang naman si Sarina at tinaas-baba ang kaniyang dalawang kilay.

"Ang sarap nito, Anak! Kailan mo pa ito natutunan?" Namamanghang saad ni Mikael saka sumubo ulit. Ngayon lang siya nakakain non. Bagong-bago sa kaniyang panlasa.

"Napakasarap, Azrael!" Saad ni Miguel.

"Siyang tunay, Azrael!" Saad ni Diego.

"Napakasarap nito, Azrael," nakangiting saad ni Cielo.

Ngumiti lang si Sarina at kinindatan sila. Tinanggal na niya ang kaniyang apron at hinintay silang matapos sa pagkain saka na niya sasabihin na balak niya paring mag-apply bilang tagapagluto ng palasyo.

Napasimangot naman si Lola Mara nang makitang paubos na ang luto ng kaniyang apo na hindi niya naunawaan ang pangalan. Basta sa kaniyang sarili ay napakasarap non at kapag may oras ay palulutuin niya ulit ng ganon si Azrael.

The Royal ChefWhere stories live. Discover now