2

6.5K 302 29
                                    

2

Kung Sakali



Napasinghap ako ng hinigpitan ang bigkis sa aking beywang. Isang beses pang hinila ni Nana Helga iyon hanggang sa tuluyan ng magmukhang manipis ang aking beywang. Nang matapos siya ay hinayaan lamang niya akong ilaglag ang aking buhok.

"Sigurado ka bang pupunta ka sa kapitolyo, Binibini? Ano bang kailangan mo roon na wala rito?" nag alalang tanong ni Nana. Humagikgik lamang ako at hinawakan ang braso niya.

"Nana, naiinip ako dito. Hindi ba ako pwedeng lumabas man lang?" panlalambing ko. Tinitigan ako ni Nana bago agad na umiling.

"Naninibago ako sayo, Amelia. Magmula noong bangungutin ka, nag iba ka. Dati naman, hindi ka lumalabas ng mansyon. Ni ayaw mo ngang naarawan dahil takot kang masunog ang balat mo! Pero ngayon, mangangabayo ka pa papuntang Briaria! Nang ikaw lang mag isa!" tuloy tuloy na pagsasabi sabi ni Nana. Natatawa na lamang ako bago ko sinuot ang malaking sombrero bago ko kinuha ang ilang pirasong kwadros, ang mga gintong barya ng Setrelle.

"Mauuna na po ako, Nana," paalam ko. Napanganga na lamang si Nana habang ako ay tumakbo na papunta sa kwadra. Naroon ang kabayo kong si Magda, naghihintay na sa papalapit niyang amo.

Kung may isang bagay na gusto ko tungkol sa orihinal na Amelia, iyon ay ang galing niya sa pangangabayo. Lahat ng mga myembro ng limang mahaharlikang angkan ay marunong sa pangangabayo. Kahit na ako na ngayon si Amelia, lahat ng mga bagay na alam ng dating siya ay alam ko na rin ngayon.

Sumakay na ako kay Magda para makapunta agad sa Briaria. Habang nasa daan ay hindi maiiwasan na makakita ako ng mga minero. Punong hanapbuhay ng mga Klintar ang pagmimina at marami sa aming mga tauhan ay nanggaling sa mga Destal --- mga mamamayan na hindi kasama sa kahit na anong angkan.

Kumbaga, ang mga Destal ang mahihirap na mamamayan ng Setrelle. Sila ang hindi nabiyayaan ng regalo mula sa Dyosa kaya pinagsisilbihan na lamang nila kaming mga parte ng angkan. Sa lahat, ang mga Klintar ang may pinakamaraming pag aaring Destal.

Hindi ako sang ayon sa ganitong klaseng pamumuhay sa Setrelle. Kahit noong ako pa si Michelle na abogada, palagi kong pinoprotektahan ang mga mahihirap. Nagtatrabaho ako sa pampublikong attorney's office at madalas na hindi tumatanggap ng kahit na anong kabayaran mula sa serbisyo. Mas masaya akong malaman na may naipagtanggol akong nangangailangan kaysa ang magkaroon ng maraming salapi.

Itong huling kaso ko, nakalaban ko ang isang malaking pulitiko. Mayor ito ng Pasig at tumatakbong Senador sa eleksyon noong inereklamo siya ng isang dalaga sa salang rape. Ilang beses na akong sinubukang bayaran ng mga tauhan ng Mayor na iyon pero palagi kong tinatanggihan. Noong hindi ako tumalikod sa kaso ay nagbayad sila ng mga pekeng witnesses.

Pero sanay na ako sa mga madadayang laro at mga kalaban. Nakakuha ako ng solidong ebidensya laban sa kanya. Nakuha rin ng biktima ang simpatya ng publiko kaya mas naging madaling mabuwag ang tiwala ng mga tao sa Mayor. Ito ang dahilan kaya pinagtangkaan nila ang buhay ko. Kaya nila ako pinatay.

Sa dulo ng kakahuyan ay nakikita ko na ang makulay na Briaria, ang kapital ng Setrelle. Malayong malayo ang Briaria sa Apranya. Dito sa amin, tanging mga nagtatayugang puno at kweba ang makikita. Pero sa Briaria, naroon lahat. Mga makukulay na paninda, mga pagtatanghal sa siyudad, at mga nagtatayugang estatwa ng Dyosa at ng angkan ng mga Vaurian ang naroon.

"Bigyang daan ang binibini!" sigaw ng isang gwardya ng makita ang paparating kong kabayo. Nang makaabot ako sa pasukan ay agad akong pinagbuksan ng tarangkahan. Naglakad na lamang si Magda habang ang mga namamalimos na Destal ay kumapit sa laylayan ng aking damit.

"Nagmamakaawa ako, binibini. Hindi pa kumakain ang aking anak," sigaw ng isang ina na may hawak na batang payat. Akma akong bababa ng hinila ng isang gwardya ang tali ni Magda para mas mapabilis ang lakad ng aking kabayo.

The Prince's FianceeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon