4

5.4K 338 62
                                    

4
Sa'yo Lamang


Tanging ang hiyaw ng mga napapaslang na hayop ang naririnig sa buong durasyon ng pangangaso ng mga angkan. Ilang beses akong suminghap sa kaba sa bawat pagkakataon na may bumabagsak na puno sa kakahuyan o kaya ay may umaalulong na hayop dahil sa sakit.

Malapit na ang takipsilim, hudyat ng pagtatapos ng pangangaso. Isa isa na ang pagbalik ng mga ginoo at ng kanilang mga kawal. Nakabalik na rin ang hari dala dala ang bangkay ng isang Anubis. Isa itong kulay abong ibon na may malawak na pakpak at kayang magbuga ng asido at lason.

"Hindi talaga matatawaran ang galing mo sa pangangaso, mahal na hari. Napakahirap mahuli ng isang Anubis pero heto't tagumpay ka," bati ng isa sa mga ministro sa hari.

Iniabot ng hari ang kanyang palaso at espada sa katabing kawal bago iniangat ang pakpak ng Anubis.

"Ialay sa reyna ang aking huli," baritono nitong sabi. Tumahimik sa buong hardin habang pinapanood namin ang pag angat ng mga kawal sa patay na hayop bago iniligay sa paanan ng reyna.

Lumapit ang hari sa kanyang asawa at agad na lumuhod. Iniabot niya ang palasong nakatarak sa dibdib ng Anubis at yumuko sa kanyang reyna.

"Mahal ko, iniaalay ko sa iyo ang aking tagumpay. Mula sa iyong basbas ay naging masagana ang aking pangangaso," anas ng hari. Tumayo ang reyna at hinawakan ang baba ng hari bago yumuko pabalik.

"Nagpapasalamat ako sa Dyosa at naging ligtas ka, aking hari."

Nagsimula na rin ang ibang ginoo sa pag aalay sa mga madam ng kanilang huli. Nagsimula na rin ang paghahanda sa pagdiriwang pero hindi pa nagbabalik si Elric at ang kanyang mga kawal. Nahaplos ko ang aking palad at naramdaman ang pagkawala ng pambalot ng aking kamay.

"Wala pa ang kamahalan," pabulong kong sabi. Napalingon si Isabella sa akin habang hawak ang isang hita ng manok.

"Narito na si Vaurian Amreit, binibini."

Umiling ako at nilingon muli ang kakahuyan, ngayon ay nakakatakot na ang katahimikan. Wala ng kahit na anong naririnig mula sa gubat at nagsimula na akong mag alala. Kung hindi pa hinawakan ni Isabella ang aking kamay ay hindi pa ako titigil sa kung ano anong iniisip.

"Isa sa pinakamagaling na mandirigma ng Setrelle ang Prinsipe Elric, mas magaling pa sa angkan ng mga Arransar na biniyayaan ng Dyosa sa pakikidigma. Sigurado ako binibini, kung nasaan man ang iyong prinsipe ay ligtas siya," malambing na sabi ni Isabella. Bigla akong pinamulahan bago ko hinila ang aking kamay.

"H-hindi akin ang Prinsipe."

Tumawa lamang siya bago nangalumbaba at tinitigan ako. Ang kulay ginto niyang buhok ay mas naging makintab habang nasa ilalim ng liwanag ng buwan.

"Hmmmn? Kung ganoon, kanino?" natatawa niyang tanong. Tinitigan ko lamang si Binibining Isabella habang kinukuyumos ng pambihirang sakit ang aking damdamin.

Sa iyo, Isabella. Sa iyo ang prinsipe. Iyon ang nakatakda at kahit na ano pa yata ang gawin ko, sayo at sayo pa rin ang bagsak niya.

Isinandal ko ang aking ulo sa upuan bago pinanood ang mga tala sa kalangitan. Ngayong nakakasama ko si Isabella ay mas nagiging malinaw sa akin ang dahilan kung bakit siya ang iibigan ni Elric sa hinaharap. Napakabait ng binibini at masayahin. Paniguradong ang madalang na pagngiti ng Prinsipe ay mapapadalas dahil kay Isabella.

Pero bakit mo pa ba pinoproblema iyon Amelia? Hindi ba't ang mahalaga lang ay ang mabuhay ka sa dulo ng kwento? Ito na ang ikalawang pagkakataon ko magmula ng mamatay ang unang ako. Kaya bakit ako masasaktan kung sakali mang nakikita kong sobrang karapat dapat ni Isabella para sa Prinsipe?

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now