7

4.6K 247 28
                                    

7

Rornos


Isinara ng Destal na nakatalaga para sa akin ang aking bagahe. Tapos na ang pagdiriwang para sa pangangaso ng mga mahaharlika at ang kanya kanyang mga bisita ay babalik na sa kanilang mga tahanan.

Hindi na muling lumapit ang reyna sa amin matapos ng naging pag uusap sa kanyang tanggapan. Wala akong ideya kung anong maaring ibig sabihin noon pero sigurado akong hindi pa rin niya isinusuko ang ideya na ipakasal ako kay Elric para lamang patayin siya sa huli.

Kailangan kong kumilos habang maaga pa. Mabuting makapagplano na ako ng mga paraan para masigurong walang mangyayaring kahit na ano sa Prinsipe at kay Isabella.

"Binibini? Hinihintay na po kayo ng inyong ama sa inyong karwahe. Nais na ba ninyong maibaba na ang iyong mga gamit?" tanong noong Destal sa akin. Inabot niya ang hawakan ng aking bagahe at doon napansin ang mapusyaw na asul na sugat sa kanyang kamay.

Mabilis akong naglakad at inabot ang kamay niya. Nagulat ang Destal pero hinigpitan ko ang aking hawak sa kanya.

"B-binibini! Pakiusap---"

Umangat ang tingin ko sa kanya. Ngayong malapit na ako ay doon ko napansin ang maluluha at mapupula niyang mata. Tuyo rin ang labi niya at sobrang putla nito.

Binalingan kong muli ang asul na pantal sa kanyang balat. Noong hinaplos ko iyon ay naramdaman ko ang lambot sa ilalim ng balat. Maaring tubig lamang iyon o di kaya'y mas malala pa.

"Anong..."

"H-hindi ito nakakahawa sa mga angkan, binibining Klintar. Tanging kaming mga Destal lamang ang nakakakuha ng Rornos---"

"Rornos?" gagad ko. Napaupo na ang katulong sa sahig bago umiyak. Lumislis ang suot niyang bestida sa bandang binti. Doon ay nakita ko ang mas marami pang asul na sugat sa kanyang balat.

"Sinusumpa na kami ng Dyosa dahil wala kaming kinabibilangang angkan..." hagulgol niya. Ilang beses pa siyang humagulgol at hindi mapatahan.

"Binibini, may anak ako. Tatlong taong gulang pa lamang siya. Kapag nalaman ng hari ang karamdaman ko, ipapapatay nila ako. Nakikiusap ako...parang awa mo na..." iyak pa din niya. Yumuko ako para magkapantay kaming dalawa bago ko siya mabilis na niyakap.

"Tahan na. W-wala akong pagsasabihan. Pero kailangan mong maipagamot, Destal," anas ko. Umiyak lamang siya sa aking balikat at kumapit.

"Tutulungan kita, pangako iyan," anas ko. Umilaw ang pag asa sa mata ng babae para lamang mawala iyon ng makarinig kami ng ilang hakbang. Bumukas ang pinto ng aking silid at doon pumasok si Ginoong Vega kasama ang tatlong kawal.

"Binibining Kleona, tama ba?" mapanganib niyang sabi. Mabilis na lumayo sa akin ang Destal habang ako ay tumayo at yumuko para sa ginoo.

"Magandang umaga, sa ngalan ng Dyosa ng Setrelle, Ginoong Vega," pagbati ko. Nilingon ng matanda ang nanginginig na Destal sa aking tabi bago bumaling sa akin.

"Ikaw na lamang ang hinihintay sa inyong angkan. Kung maari sana ay bumaba ka na para makaalis na kayo," matalim niyang sabi, nakatitig ng mariin sa akin.

Sinenyasan niya ang mga kawal para kunin ang aking mga bagahe. Nagmamadaling kinuha iyon ng mga lalaki habang ako ay tahimik lamang na sumunod. Bago ako lumabas ay bumaling muli ako sa Destal na nakayuko pa rin sa gitna ng silid na aking ginamit habang patuloy na tumatangis.

Humawak sa aking braso ang isang kawal at mabilis akong hinila. Nabitiwan ko ang pinto at di ko na nakita kung napaano na ang kawawang babae.

Nakarating ako sa aming karwahe. Tunay ngang ako na lamang ang hinihintay. Nakasakay na ang aking ama sa kanyang kabayo habang si Mama ay nasa kanyang sariling karwahe.

The Prince's FianceeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon