10

4.4K 236 30
                                    

10

Apranya



"Ipinatawag ninyo ako, Ama?" bati ko sa hari. Mabilis akong yumuko habang ang aking ama ay abala sa pagbabasa ng mga ulat mula sa iba't ibang rehiyon ng Setrelle.

"Kilala mo ba ang binibini ng mga Kleona, Amreit?"

Natigilan ako ng marinig ang sinabi ng aking ama. Hindi ko naiwasan ang bahagyang pagkabahala ng marinig ang ngalan ng binibini ni Elric. Ngunit pinanatili ko ang aking disposisyon. Hindi ko maaring ipakita sa aking ama ang aking pag aalala dahil maaring makasama pa ito kay Elric at Amelia.

"Hindi personal, ama. Kahit na pareho ng angkang kinabibilangan ang aking ina at ang binibini ay hindi kami talagang magkakilala," sagot ko. Sinubukan kong magtaas ng tingin para lamang salubungin ang malamig na titig ng hari sa akin.

Hindi na ako nagulat ng magtama ang parehong berdeng mata namin ng aking amang hari at nabanaag ko ang kalamigan roon. Noon pa man ay hindi niya ako sinulyapan ng may pagmamahal. Nauunawaan ko naman iyon dahil anak ako ng babaeng kanyang kinamumuhian at ang iniibig naman talaga niya ay ang Vidruming ina ng aking kapatid.

"Nakikinig ka pa rin ba sa akin, Amreit?" matapang nitong untag sa akin. Mabilis akong tumango at mas ibinaba ang aking pag yuko.

"Patawad ama. Pinipilit ko lamang isipin kung mayroon akong nalalaman tungkol sa binibini."

Huminga ng malalim ang aking ama bago itinaas ang isang papel. Ibinato niya iyon sa kanyang mesa at agad ko iyong kinuha.

"Nalaman ko mula sa ulat ng aking mga espiya sa palasyo ng reyna ang balak nitong pagpatay kay Elric gamit ang babaeng iyan," panimula ng aking ama. Binasa ko ang mga nakasulat sa papel habang pinapakinggan rin ang aking ama.

"Sa mismong gabi ng kanilang kasal? Sigurado ba kayong tama ang ulat na ito, ama?"

Nagtagis ang bagang ng aking ama at marahas na inagaw ang papel mula sa akin. Nilampasan niya ako at dumiretsyo sa alak na naroon sa hapag.

"May nalalaman ka ba sa planong ito, Amreit? Pinagtatakpan mo ba ang iyong ina?" mapanganib niyang tanong. Naging madilim ang kanyang berdeng mata habang nakatunghay sa akin.

"Alam mong nasa iyo ang aking katapatan, ama. Mas tinatanggap ko ang dugong Vaurian na dumadaloy sa akin at itinatatwa ang pagiging Klintar, alam mo iyan. Ngunit hindi lamang ako sigurado na balak nga ng binibini na kitilin ang buhay ng aking kapatid. Maaring mali ang ulat na ito, kamahalan. Hindi tayo maaring magpadalos dalos dahil buhay ng isang inosenteng----"

"----Klintar ang mawawala? Wala akong pakialam, Amreit. Mas matutuwa pa ako kung malalagasan ang angkan ng iyong ina."

Hindi ako agad nakasagot sa tinuran ng aking ama. Inisang lagok niya ang alak na hawak bago muling nagbuhos sa kanyang baso.

"Hindi ko nga kilala ang binibini ngunit nakasisiguro ako sa isang bagay, ama. Iniibig ni Elric si Amelia at masasaktan ang aking kapatid kung sakali mang may gawin tayong masama sa binibini," subok kong magpaliwanag. Mas lalong tumigas ang mukha ng aking ama bago pabalyang ibinagsak ang baso.

"Pag-ibig? Anong alam mo tungkol sa salitang iyan, Amreit?"

"Ama!"

"Nawala sa akin si Selina dahil sa pagiging sakim ng iyong ina! At hindi ko hahayaang mawala rin sa akin ang kaisa isang alaala ko sa kanya dahil lang sa pag ibig na iyan!" sigaw nito sa akin. Tinikom ko ang aking bibig at hindi na sumagot sa kanya.

"Wala akong kahit na anong pakialam kung masawi ang puso ni Elric sakali mang patayin ko si Amelia. Ang mahalaga ay manatili siyang buhay at makita ko ang pagputong ng korona sa kanyang ulo. Siya lang ang nais kong pasahan ng Setrelle, Amreit. Hindi ikaw," matalim niyang sabi. Nagtagis ang aking bagang para pigilan ang aking sarili sa pagsagot.

The Prince's FianceeWhere stories live. Discover now