13

4.5K 252 47
                                    

13


Hara Amelia

Tahimik ko lamang binabagtas ang isang bahagi ng hardin ng palasyo, malayo sa mga aking tagapag silbi. Ilang oras pa lamang noong hinirang ako bilang hara ng Prinsipe Amreit ay hindi na ako mapakali. Pakiramdam ko ay nakakulong ako sa loob ng sedang damit at ginintuang palamuti sa aking katawan.

Wala sa loob na hinaplos ko ang dyamanteng napapalibutan ng ginto sa aking noo. Ang sabi ni Ginang ay palatandaan ang palamuting iyon na isa na akong Hara, ang magiging kabiyak ng susunod na hari ng Setrelle.

Kapag naririnig ko iyon ay natatakot ako. Kailanman ay hindi ko ninais ang korona. Tanging gusto ko lamang ay ang mabuhay hanggang sa dulo ng nobelang ito. Ngunit paano ko magagawa iyon kung mapapabilang ako sa angkan ng mga Vaurian? Higit pa roon, bilang kandidata sa pagiging reyna.

Sigurado akong mas maraming magtatangka sa aking buhay ngayong isa na akong Vaurian. Hindi man ako kitilan ng buhay ni Elric sakali mang siya ay maging hari, maari namang patayin ako ng ibang angkan para mapigilan akong maging reyna.

Sinipa ko ang isang maliit na bato bago iyon nagtuloy tuloy sa isang pababang kurba. Sinundan ko iyon hanggang sa nakita ko ang isang maliit na sapa na napapaligiran ng dalawang nakayukong puno ng wilow. Kulay abo na ang mga dahon nito habang lila ang talulot ng mga nagsisimulang bulaklak.

Nanghihina akong napaupo sa basang damo na naroon habang nakatitig lamang sa tahimik at mapayapang sapa. Hindi ko na alam kung ano pa bang nararapat na gawin. Ngayong isa na akong hara, sigurado akong marami ng magnanais na gamitin ako o patayin ako.

Ano bang makakayang ibigay ng isang katulad ko sa susunod na hari ng Setrelle? Ngayong nagbago na ang buong kwento, hindi na rin ako sigurado kung magtatapos ba iyon sa paraang alam ko. Ang tanging malinaw lamang sa akin ngayon ay ang kawalan ko ng kaalaman sa mga susunod na pangyayari sa loob ng librong ito.

"Sigurado akong magagalit si Ginang kapag nakita niya ang akign Hara na nakasalampak sa maputik na damo."

Napatingala ako sa narinig. Nakita ko si Amreit na nakaupo sa ilalim ng isa sa mga puno, nakapikit at nakaunan sa kanyang mga braso. Nakatabing ang kanyang mahabang buhok sa kanyang mata habang nagpapahinga.

"Kamahalan..."

"Mukhang mapaparusahan ko ang mga Destal na nakabantay sa parte ng hardin na ito. Noon ay ako lamang ang nagpupunta rito. Ngayon ay nalaman mo na rin ang personal kong balwarte," pabiro niyang sabi. Nakita ko ang pagtaas ng gilid ng labi ng prinsipe bago dahan dahang bumangon.

"Siguro ay dapat ka ng masanay na nakakahati ako sa mga pag aari mo, Kamahalan. Ako na ang iyong hara," aking sagot. Mas lalong lumawak ang kanyang ngiti noong marinig ang aking sinabi.

"Kakaiba kang tunay, Hara Amelia. Mali ang aking akala na isa ka lamang binibini na sunud sunuran sa dikta ng mga Klintar. Tama ang aking kapatid noong sinabi niyang kakaiba ka sa lahat."

Lumawak ang aking ngiti sa narinig mula kay Amreit. Pilyo rin ang ngiting iginanti sa akin ng prinsipe bago niya hinawi ang itim niyang buhok palayo sa kanyang mga mata.

Umihip ang panggabing hangin, hudyat ng pagtatapos ng nakakapagod na araw na ito. Sumunod sa saliw ng hangin ang mga dahon ng wilow at doon ay nagsilabasan ang mga maliliit na alitaptap. Naging maliwanag ang papadilim na gabi habang lumilipad kung saan saan ang mga insekto.

Iniangat ko ang aking kamay at may dumapo roong alitaptap. May iilang ring pumaikot sa akin habang tuwang tuwa akong kinakalaro sila. Hindi ko namalayan na sa paghabol ko sa kanila ay napalapit na ako sa Prinsipe na hanggang ngayon ay nakaupo pa rin sa ilalim ng puno.

The Prince's FianceeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon