9

4.2K 258 26
                                    

9

Magkapatid


Gumalaw si Amelia mula sa pagtulog bago biglang naubo. Sa ilang beses niyang ginawa iyon ay biglang nagdugo ang kanyang bibig. Bumaling siya pakaliwa bago tuloy tuloy na dumagos sa kanyang labi ang pulang pulang dugo.

Nanghilakbot ako sa nangyari. Hinaplos ko ang kanyang likod at hindi malaman ang gagawin. Tumakbo ako palapit sa pinto para tumawag ng tulong.

"Vidrumi! Ang binibini! May nangyayari sa aking binibini!" sigaw ko. Mabilis na tumakbo ang Vidrumi sa aking direksyon at agad pinuntahan si Amelia na patuloy pa rin sa pagsusuka ng dugo.

May kinuhang patalim ang manggagamot sa kanyang gilid. Matapos noon ay kumuha siya ng manipis na lubid at itinali iyon sa braso ni Amelia. Punong puno na ng asul na sugat ang kanyang braso at mas lalo lamang akong nahintakutan.

"Hawakan ninyo siya," anas ng manggagamot. Hindi ko napansin ang pagpasok ng mga magulang ni Amelia sa silid habang ang mga Vidrumi ay sinusubukang magamot siya.

Mabilis na itinali ng punong manggamot ang lubid sa braso ni Amelia. Kinuha niya ang patalim at mabilis na sinugatan ang balat sa itaas ng lubid. Dumaloy roon ang kulay itim na dugo. Ilang beses pang nanginig si Amelia bago unti unting natigil ang kanyang pag ubo.

"Linisin ninyo ang sugat ng binibini. Magpakulo rin kayo ng talbos ng rosaseo at ipainom agad sa kanya," utos nito. Mabilis kumilos ang mga kasamang Vidrumi habang ako ay nanatiling nakatayo lamang, parang tuod na pinapanood ang paghihirap ni Amelia.

Lumabas ang manggagamot sa silid at agad ko siyang sinundan. Pagod ang nakabakas sa kanyang mukha habang inaalis ang maskara at gwantes. Hinugasan niya ang kanyang palad habang ako ay nananatiling nakatitig lamang sa kanya.

Bakas pa rin sa kanyang panga ang ginawa kong sipa kanina nang makarating ako. Tahimik lamang na naghuhugas ang mangagamot bago siya tuluyang nagsalita.

"Siguradong magagalit ang hari kapag nalaman niyang narito ka, kamahalan."

Nanatili lamang akong tahimik habang pinapanood ang paghuhugas ng manggagamot sa dugo ni Amelia na nasa kanya pa ring palad. Napansin ng Vidrumi ang pananahimik ko bago siya bumuntong hininga.

"Magiging tapat ako sa inyo, mahal na Prinsipe. Walang lunas ang Rornos---"

Nanginig ako ng marinig ang mga salitang iyon mula sa kanya. Nangunyapit ako sa tela ng aking pantalon para pigilan ang aking kamay na higitin ang kwelyo ng manggagamot.

"At nasa huling yugto na ng sakit ang binibini. Nakita mo kanina ang pagsusuka niya ng dugo at ang pagkalat ng mga asul na sugat sa kanyang balat," anas pa nito. Pinigilan ko ang aking hininga ng bumalik sa aking gunita ang nasaksihan ko kanina sa silid ni Amelia.

Ibig bang sabihin nito ay wala na talagang magagawa para sa aking binibini? Sa ganito na ba talaga kami magtatapos?

"Patawarin mo ang alipin mong ito, Vaurian Elric, dahil hindi ko magawang malunasan ang karamdaman ng iyong binibini," magalang nitong sabi bago yumuko. Hindi ko na siya nasagot dahil ang aking isipan ay punong puno na ng pag aalala para kay Amelia.

Kinuyom ko ang aking palad at nagmamadaling lumabas. Kung hindi ako matutulungan ng isang pangkaraniwang manggagamot, baka maari akong matulungan ng mga Vidrumi sa palasyo. Mas marunong ang mga iyon dahil sila mismo ang nakatalaga sa kalusugan ng hari at ng buong angkan ng mga Vaurian. Mas marami silang alam sa mga karamdaman at ano pang klase ng epidemya.

Tumakbo ako para makalabas sa hardin ng makita ko ang pagmartsa ng isang hukbo ng mga kawal. Mabilis kong hinawakan ang aking sandata para pigilan kung ano man ang nakatakdang mangyari kapag dumating na ang mga kawal.

The Prince's FianceeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon