V.

138 9 0
                                    

EXT. QUIAPO — EARLY MORNING

Maraming tao sa Quiapo ngayon kaya paboritong araw ni Galatea ang weekend. Puno na naman ang schedule niya kaya siguradong mahabang araw ang Sabado niya.

Nasa loob siya ng tent na inayos ng best friend at assistant niyang si Calypso. May isang maliit na mesa sa harap niya na balot ng lila'ng silk. Nakapatong dito ang crystal ball at deck ng tarot cards na minana niya pa mula sa nanay niya.

GALATEA
Caly, wala pa ba si Mrs. Alcantara?

CALYPSO
Nakikita ko na siya, besh. 'Yon oh. Pinapayungan ng lalaki. 'Yon yata 'yong anak niya.

GALATEA
Sige. Papasukin mo na lang dito.

Naupo siya sa harap ng mesa niya at nagbanggit ng isang maikling orasyon na itinuro ng nanay niya. Lagi niya raw dapat 'yon babanggitin bago mag-umpisa sa panghuhula para mas luminaw ang nakikita niya at mas marinig niya ang nais iparating ng mga tarot cards.

Ilang minuto pa siyang naghintay bago pumasok sa tent niya si Mrs. Alcantara. Isa sa mga paborito niya itong kliyente dahil bukod sa malaki magbigay ng tip, mabait din ang tungo nito sa kanya. Bihira sa mga mayayaman na minsan niyang makasalamuha at minamata lang ang trabaho na kinalakihan niya.

MRS. ALCANTARA
Hi, Altea!

GALATEA
Magandang umaga ho, Ma'am.

Posturang-postura ito nang pumasok sa tent niya. Akala niya ay isasama nito ang anak pero mag-isa lang naman siyang umupo sa harap ni Galatea.

GALATEA
Kayo lang po? Sabi ni Caly, isasama niyo po ang anak niyo.

MRS. ALCANTARA
Nasa labas si Leon, 'yung anak ko. Akala niya kasi, ako ang magpapahula. Pero kung hindi mo kaya na magkasunod kami sa parehong oras, siya na lang muna.

GALATEA
Ano ho bang gustong makita ng anak niyo?

MRS. ALCANTARA
May napapanaginipang babae 'yon, narinig ko sila ng kuya niya. Gusto ko sanang patignan sa'yo kung ano ang koneksyon niya ro'n sa babae. Palagi niyang ipinipinta pero hindi ko pa nakikita ang mukha. Busy kasi ako nitong mga nakaraan kaya hindi ako nakapunta sa exhibit niya sa Paris. Do'n niya unang ipinasilip 'yong babae.

GALATEA
Ay gano'n ho? Sige po, tawagin niyo na po siya.

Sandaling lumabas si Mrs. Alcantara para tawagin ang anak niya. Narinig ni Galatea na nakailang pilit ito sa anak bago nahila sa loob ng tent niya.

Nakasimangot ang lalaki habang hila ng ina. Tumitig lang si Galatea para sa aura niya at sinubukang sumilip sa isip nito o sa kung ano mang pwede niyang maramdaman. Ang lalaki naman, nawiwirduhan na ipinalibot ang mga mata sa maliit niyang tent.

Hanggang sa huminto ang tingin nito sa kanya at nagtama ang mga mata nila.

PYGMALION
What the...

Napalunok ito habang paulit-ulit na ikinurap ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Kitang-kita ni Galatea ang gulat sa mukha nito na parang nakakita ng multo nang makita siya. Naisip niya tuloy kung napangitan ba ito sa kanya. Namumutla pa kasi ito at namamawis.

PYGMALION
No, this can't be...

Ang huling sabi pa nito bago tumakbo palabas sa tent niya. Nagsisigaw naman si Mrs. Alcantara nang mag-walkout ang anak niya.

Napaisip na lang si Galatea. Ang wirdo kasi. Parang natakot sa kanya 'yong lalaki. Pero ang mas wirdo, wala siyang makita at maramdaman na kahit ano rito. Na unang beses lang nangyari sa kanya.

Bakit kaya?

Piece of Your HeartWhere stories live. Discover now