X.

133 10 0
                                    

EXT. SAMPALOC — EVENING

Pagkatapos sa Quiapo, sumama sina Calypso at Galatea sa bahay nina Poly para kunin ang ipinagawang scooter ni Galatea. Marunong ng pagmemekaniko si Poly pero minsan ay sinasamahan niya rin ang dalawa para tumulong sa Quiapo. Kailangan nila ng tulong sa setup ng tent at pagbubuhat ng mga gamit kaya 'yon ang isa pang naging trabaho ni Poly kapag sumasama siya sa mga ito.

POLY
Teka lang, ilalabas ko scooter mo.

GALATEA
Sige lang, hintayin ka namin ni Caly.

Lumakad si Poly papasok sa bahay nila. Nakasalubong niya pa ang lola niya na naglalakad naman palabas para bumati sa dalawa nilang bisita. Agad namang lumapit sina Galatea at Calypso para salubungin ito at magmano.

CALYPSO
Magandang hapon po, Lola.

GALATEA
Magandang hapon po.

Bibitiwan na sana ni Galatea ang kamay ng matanda pagkatapos niyang magmano rito ngunit mas humigpit ang hawak nito sa kanya. Napangiwi siya. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa nito at kung bakit ayaw pang bitiwan ang kamay niya.

Paliwanag ni Poly noon, nabaliw ang lola niya simula nang pumanaw ang asawa nito. May mga araw na kinakausap ang sarili o kaya ay kung anu-ano ang sinasabi. Dati itong nagtitinda sa Quiapo ng mga herbal na inumin para sa iba't-ibang sakit bago tuluyang nawala sa sarili.

Ngayon ay mahilig na itong manghula tulad ni Galatea. Pero sabi ni Poly, wala naman daw naniniwala sa mga sinasabi ng lola niya at iniisip nila na ang mga sinasabi nito ay parte lang ng kabaliwan.

LOLA DORY
Hija, nahanap mo na siya.

GALATEA
Po?

LOLA DORY
May pag-ibig na nilikha ang langit. Isang bato at isang manlilikha. Huhulmahin niya ang pagkatao mo at do'n mo matutunan ang bagay na ilang ulit mo nang tinalikuran.

GALATEA
Hindi ko po kayo maintindihan.

Kunot-noong babaling si Galatea kay Calypso. Nagugulahan lang itong magkikibit-balikat sa harap niya bago nila muling marinig ang wika ng matanda.

LOLA DORY
Iibig ka.

GALATEA
Hindi ho uso sa akin 'yan.

Tatawa silang dalawa ni Calypso sa sagot niya. Totoo naman. Alam ni Galatea ang konsepto ng pag-ibig at marunong siyang magmahal pero ang pagmamahal na 'yon ay para lamang sa sarili niya at sa mga kaibigan na itinuring na niyang pamilya.

Pero ang pagmamahal na tinutukoy ng matanda? Matagal na niyang tinalikuran. Ayaw niya ng komplikasyon sa buhay niya. Hindi naman siya mabubusog sa pagmamahal na sinasabi nito.

GALATEA
Lola, okay na po. Salamat po.

Marahan niyang aalisin ang kamay niyang hawak pa rin ng matanda. Iiling-iling ang matanda harap nilang dalawa ni Calypso bago ito ngumisi.

LOLA DORY
'Wag mong kalabanin ang tadhana, hija. Baka biruin ka nito.

'Yon na ang huling sabi ng matanda bago ito tumawa nang tumawa habang naglalakad papasok sa bahay. Nagkatinginan na lang sina Galatea at Calypso, pareho ng iniisip na wala na nga sa sarili ang matanda para paniwalaan nila.

Lalo na ni Galatea.

Piece of Your HeartOnde as histórias ganham vida. Descobre agora