CAPITULO 12 - Body Contact

38.2K 3K 2K
                                    

CAPITULO 12


SUBSOB AKO SA LEEG NI KIT.


Napaungol naman ang lalaki dahil nga siya iyong nasa ilalim ko. Siya ang bumagsak pahiga sa semento habang nasa ibabaw niya ako.


"S-sorry!" agad na sabi ko. Babangon pa lang ako paalis sana sa ibabaw niya nang biglang may humaltak ng bag ko mula sa likuran. Basta ako niyon hinila patayo. Paglingon ko, ang aking nakita ay ang mukha ni El na seryoso.


Doon ko ulit naalala iyong bata. Nasaan na nga pala iyon? Hinagilap ko ito ng tingin sa paligid. Naroon na ito sa may hagdan. Salubong ang mga kilay na nakatingin sa akin. Humarang sa harapan ko si El. Nang mapatingin ang bata kay El ay bigla na lang itong tumalikod at nanakbo paalis.


Bakit? Tiningala ko si El. Seryoso pa rin ang kanyang mukha bagaman may talim sa mga mata niya na nakasunod sa nanakbong bata. Bakit ganoon? Hindi ngayon ang unang beses na napansin ko na takot sa kanya ang batang iyon. Bakit takot ito sa kanya?


Kung hindi pa muling umungol si Kit sa semento ay hindi ko pa siya maaalala. Pagtingin ko sa kanya ay nakahiga pa rin siya na pabulagta. Nakangiwi ang mapupulang mga labi habang sapo-sapo ng isang palad ang likuran ng kanyang ulo.


Lalapitan ko na si Kit para tulungang makatayo nang maunang humakbang sa akin si El. Nilapitan niya ang nakahiga na si Kit sa lapag at tiningnan. "Hindi ka nahulog mula sa third floor, Vergara. Hindi mo ikamamatay iyan."


Napasimangot naman si Kit. Bumangon na habang masama ang tingin kay El. "'Wag mo kong igaya sa 'yo, Salgado. Hindi kasing tigas ng bungo ko ang bungo mo."


Hindi na kumibo pa si El. Nagulat ako nang bigla niyang haltakin na naman ang aking bag, at saka ako hilahin paalis. Kandatali-talisod ako sa pagsunod sa kanya dahil sa pagkabigla.


"Hoy, saan mo dadalhin ang baby ko?!" habol na sigaw ni Kit sa amin.


Hindi naman sumagot si El. Hindi rin nag-abalang lumingon. Basta hila-hila niya ako na para akong manika. Ilang beses na akong muntikang masubsob dahil ang hahaba ng biyas niya, ang hirap sumabay sa malalaking hakbang niya.


Malapit na kami sa gate nang hampasin ko ang kamay niya nakakapit sa aking bag. Doon lang ako parang naka-recover sa pagkabigla. "Ano ba? Bitiwan mo ang bag ko!"


Binitiwan naman niya. Dahil sa basta niyang pagbitiw ay na-out of balance tuloy ako. Muntik akong masubsob, mabuti na lang at napahawak ako sa laylayan ng polo niya. Nakabalanse agad ako. Inis na tiningala ko siya dahil ni hindi man lang siya nagtangka man lang na saluhin at alalayan ako!


Bumaba ang blangkong tingin niya sa kamay ko na kapit na kapit pa rin sa laylayan ng kanyang polo. Agad naman akong napabitiw roon. Pagbitiw na pagbitiw ko ay siya namang talikod niya!


Parang walang nangyari. Parang wala ako. Nakapamulsa siya sa suot na school pants na naglakad pauna sa gate. Iniwan niya ako rito na nakatanga sa kanya. Kundi ba naman talagang salbahe siya!


Iniiwasan niya nga pala ako. Dahil ako raw iyong dahilan kaya nakakakita at nakakaramdam siya ng kung anu-ano. Pero kung iniiwasan niya ako? Bakit niya ako kinaladkad dito?! Ang gulo-gulo niya! Siguro nang mahulog siya mula sa third floor ay nagkaroon ng sira ang tuktok niya!

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon