CAPITULO 26 - Wake

37.8K 2.2K 873
                                    

CAPITULO 26 


KABAONG NI EKOY.


In loving memory of Jerico Christopher Corpuz. 


Nakasulat sa puting lona ang mga letra sa paraang cursive, gamit ang itim na pentel pen. May katabi iyong korona ng bulaklak ng patay na mula sa kapitan ng barangay.


Dalawang dipa ang layo ko mula sa kinaroroonan ng kabaong ng patay. Nasa may bakuran iyon, sa silong ng malaking lumang puting tolda na basta lang itinali sa itinayong mga kawayan. Hinahangin at sira pa ang kalahati.


Nauna ang madre palapit sa kabaong. Hinaplos ng kamay nito ang salamin bago tumingin sa amin. "Palaging bukang-bibig ni Ekoy na babalik kayo. Palagi niyang pinapangarap ang araw na iyon. Tiyak na masaya siya ngayon dahil nandito na nga kayo, at meron pa kayong mga bagong kaibigang isinama."


Parang may matulis na bagay ang bumaon sa dibdib ko. Paanong matutuwa si Ekoy? Paano nito malalaman na nandito kami ngayon? Paano rin nito makikilala ang mga bagong kaibigan na naririto?


"Gusto niyo bang silipin si Ekoy?" tanong ni Sister Gelai sa amin. "Isasara na ang kabaong niya bukas dahil ililibing na siya."


Si Bhing ay nagtago sa likuran ni Julian. "Hindi na lang po. Takot po ako tumingin sa patay. Napapanaginipan ko po kasi."


Wala sa aming lumapit, maliban kay El na humakbang patungo sa kabaong. Walang kahit ano siyang reaksyon nang tingnan ang patay naming kaibigan.


Kaibigan? Meron nga akong isang bagong kaibigan, kaya lang ay patay na pala. Parang gusto kong matawa, pero ang sakit-sakit ng aking lalamunan. 


"Okay lang, Kena," ani Sister Gelai na sa akin nakatingin ang mga mata. "Puwedeng hindi mo siya tingnan, kung mas gusto mong maalala si Ekoy sa itsura niya noong nabubuhay pa siya."


Umiling ako. "T-titingnan ko siya." Sumunod ako sa paglapit sa kabaong sa kabila ng panginginig ng aking mga tuhod at binti. 


Paglapit sa kabaong ay una kong nakita ang suot na barong ni Ekoy. Ang kulay ay cream. Mukhang luma na dahil maraming parte ang nagmamapa. Madilaw-dilaw na parang mula sa natuyong tubig na kalaunan ay naging mantsa na.


Hindi ba bumili ng bagong barong na ipinasuot kay Ekoy si Sister Gelai? Wala ba kahit iyong mumurahin lang sa palengke? O kung talagang luma ang ipinasuot, hindi ba nilabhan muna?


Nawala sa mga mantsa ang aking mga mata nang tuluyang makalapit na ako sa kabaong. Dumako ang paningin ko sa magkasalikop na mga kamay ng nakahimlay. Nangunot ang aking noo dahil bakit kulubot yata ang balat ng patay?


Nang umangat ang aking paningin sa mukha ni Ekoy ay napaatras ako sa gulat. Muntik ko na itong hindi makilala kung hindi lang dahil sa nunal nito sa noo. Ang balat ay nangingitim, kulubot, at hindi nakatulong ang makapal na foundation, dahil parang lalo pa yata itong natuyot. Ang layo nito sa buhay na mukha na naaalala ko!

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon