Capitulo 13 - Let's Go

36.9K 2.6K 1K
                                    

CAPITULO 13


"KANINA KA PA RITO?!"


Humalukipkip siya habang nakaupo sa gilid ng kama ko. Ang kanyang mga binti ay kinukuyakoy niya. "Oo. Nauna akong magising sa 'yo. Nauna na rin ako maligo kay Julian. Paglabas ko ng banyo, nandoon ka na sa mama mo."


Nauna siyang magising sa akin?!


Tumayo siya at ibinutones ang ilang piraso ng butones na nakabukas pa sa suot niyang school polo. "Nagising ako nang 2:45 a.m. Parang may naglalakad sa labas. Baka si Papa na hindi rin makatulog kakabantay sa mama mo. Nakaidlip na lang ako around 4, pero saglit lang. Bumangon na rin ako."


"Joachim!" tawag mula sa labas. Boses ni Tito Randy na hinahanap siya. "Joachim, nasaan ka?!"


Namutla ako. Kung pupunta ito sa kuwarto ni Joachim, malalaman nito na wala roon ang anak. Lumapit naman si Joachim at pinisil ang aking pisngi. Parang sinasabi na kumalma ako. Binuksan niya iyon nang maliit at sumilip muna. Tumingin pa siya sa akin bago lumabas. 


Paglabas niya ay saka lang ako nakahinga. Napahawak ako sa aking dibdib nang mag-isa na lang ako. Gayunpaman, hindi pa rin ako mapalagay. Ang mga sunod-sunod na nangyayari ay bumabagabag sa akin.


Lumabas na ako ng kuwarto. Naka-uniform na ako pero hindi ko pa rin mapagdesisyunan kung papasok ba ako ngayong araw. Naririnig ko na naman ang pag-ungol ni Mama na masakit sa dibdib. 

Bukas ang pinto nang dumaan ako. Sa loob ay naroon ang kapitbahay namin na hilot, si Aling Melina na nasa edad 60. Nilalagyan nito ng langis at mga dahon-dahon ang tagiliran ni Mama na habang tumatagal, lalong umiitim. Para bang hiniram na balat ng isang baboy ramo sa gubat.


Si Aling Melina ay hindi na halos magawang tingnan nang deretso ang tagiliran ni Mama. "Diyos ko, Karen, sigurado ka ba talaga na hindi ka nabangga o kaya ay nahulog kung saan? Kakaiba ang pasa mo na ito. Hindi naman puwede na basta magkaganito ka sa loob lang ng isang araw lang at magdamag."


Wala itong sagot na natanggap kay Mama. Impit lang ito na umuungol sa sakit habang ang mga mata ay tigmak ng luha. Ang mukha nito ay napakaputla. Ni hindi na magawang iangat kahit isang daliri dahil sa panghihina.


Isinara ko na ang pinto. Kung sana meron lang akong magagawa. Pero wala. Hindi ko naman madadala sa ospital si Mama. Wala nga akong baon ngayon dahil saan ako hihingi? May sakit ang hinihingian ko.


Saan ba kasi nagsimula ang pagkakaganito ni Mama? Iyon bang nabangga niya noong isang umaga? Bakit sa dinami-dami, bakit ba si Mama pa?! Bakit ito pa? Bakit dito pa sa bahay namin?!


Naikuyom ko ang kamao dahil sa pagkaisip sa sinabi ni El sa akin. Kung totoo nga talaga na ako ang dahilan kaya siya nakakakita na rin at nakakaramdam, ibig sabihin niyon ay hindi ang school, hindi itong bahay, at mas lalong hindi ang mga taong nasa paligid ko ang problema—kundi ako mismo! 


Bakit ba ako ang meron nito? Hindi ko naman ito gusto. Umiiwas nga ako. Hangga't kaya ko, nagbubulag-bulagan ako. Ano ba ang dapat gawin ko para wala nang madamay na ibang tao? Wala akong alam sa bagay na ito kaya paano ko pahihintuin at pipigilan? Kung sana meron akong mapagtatanungan. Kung sana lang ay merong may alam!

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon