CAPITULO 32 - Boyfriend

22.3K 1.1K 841
                                    

CAPITULO 32 – Boyfriend


GUSTO KONG SUMIGAW!


Hindi ako makasigaw dahil may nakapasak na kung ano sa bibig ko. Malaki, mapait, nakakasuka. Hindi ako makahinga!


Nagpupumiglas ako pero ang isang kamay ng malaking babae na nakaitim ay mariing nakapigil sa aking mga pulso. Sa lakas ng pagkakahawak niya ay hindi ako makakilos at tila mababali ang mga buto ko sa kamay.


Nagpumilit pa rin ako. Gusto kong kumawala. Gusto kong makawala hanggang sa tumama ang aking likod sa kung saan. Sa aking pagdilat ay gulat akong napalingap sa paligid. Natagpuan ko ang sarili sa sahig. Dito sa tabi ng kama ko. Sa sakit ng aking balakang ay natiyak ko na nahulog ako. Nahulog ba ako sa sahig kaya ako nagising? 


Humihingal akong umahon. Nahulog ako mula sa kama? Sa tabi ng kama ay naroon na naman ang nabubulok na lugaw sa mangkok. Pinalilibutan iyon ng bangaw. Nilalanggam. Kung ganoon ay ang nangyari ay panaginip lang?!


Humihingal pa rin ako na naupo sa gilid ng aking kama. Panaginip na masahol pa sa isang bangungot. Gusto ko na iyong ibaon sa limot!




MAGANDA BA TALAGA NA PUMASOK NANG MAAGA?


Iyong tipong malamig pa ang dampi ng hangin sa balat mo. Iyong tipong halos wala ka pang kasabay sa kalsada. Pagdating naman sa school man o trabaho, ay kakaunti pa lang ang tao. Kumbaga ay tahimik pa ang mundo.


Tahimik nga ba talaga ang mundo? Wala ba talagang ibang nilalang na hindi mo masabi kung ano? Nilalang na nakakasalubong mo at nakakatitigan sa daan, nakakasabay mo sa banyo, nakakatabi sa cubicle, o maging ang nakakabanggaan mo ng balikat sa pag-akyat, at pagbaba sa hagdan.


Papasok na ako sa school ng Sto. Cristo. Maaga-aga pa. Ang mga bagay na iyon ay mga bagay na lang ng nakaraan. Ganoon ako noon, pero hindi na ngayon. I refused to believe in paranormal things anymore. They were just products of my imagination, my craziness, my hallucinations.


Nang tanggapin ko na hindi talaga totoo ang mga iyon, doon na nagsimulang maging normal ulit ang buhay ko.


Nang nasa pedicab na ay hinanap ko ang aking purse para kumuha ng pambayad sa pedicab driver. Habang nagkakalkal sa bag ay may napansin ako sa aking mga kamay.


Itinaas ko ang aking mga pulso. May mga bakas. Mga galos at nangingitim na mga pasa. Saan ko nakuha ang mga ito?


Still, I refused to entertain strange thoughts. Nakarating na ako sa tapat ng gate ng school ay panay pa rin ang punas ko ng panyo sa aking pulso. Hindi nabubura ang mga galos at pasa, kaya alam ko na hindi lang iyon basta mga dumi sa aking balat.


Siguro sa pagkakatulog ko ay tumama ang mga ito sa kanto ng mesa. Para lang hindi ko na iyon makita ay aking tinalian na lang ng panyo ang magkabilang pulso ko. Mabuti pala at dalawang panyo ngayon ang aking nadala.


Pumasok na ako sa loob ng gate. Makulimlim na naman. Kailan ba talaga aaraw kahit saglit lang? Kailan ba matatapos itong buwan ng tag-ulan?

Beware of the Class PresidentWhere stories live. Discover now