CAPITULO 22 - Crushed

41.4K 2.2K 1.1K
                                    

CAPITULO 22


SA ISANG IGLAP, GUMUHO ANG LAHAT.


Comatose si Mama. Naibagsak ko ang phone sa damuhan habang sa aking harapan ang malawak na damuhan sa quadrangle. Kaninang wala roong makikita, subalit ngayon ay may mga imaheng paroo't parito na.


Mga naglalakad na akala mo sa una ay normal lang na may pupuntahan, paalis, parating. Hindi sila umaalis sa mga puwesto. Ang mga ekspresyon ay hindi nagbabago. At nakatingin lahat sa akin ang mga ito!


Ilan sila, napakarami, iba-iba. Mga hindi pamilyar, ang mga mukha ay hindi gaanong maaninag, na parang kang malabo ang mga mata na walang suot na salamin. Ang bigat sa dibdib ng mga ito tingnan. Higit lalo ang isa sa kanila, ang nasa pinakamalayo na mas malabo ang mukha... Ang babaeng naka-itim!


Ano ba ang gusto nila sa akin?!


Bakit nakikita ko na naman ang mga ito? At bakit din hindi pa magaling si Mama? Bakit na-comatose siya? Anong nangyari sa kanya? Naniwala naman ako, di ba? Pero bakit para lang akong pinaasa sa wala?


Si El ang dumampot sa cellphone ko. Inilagay niya iyon sa bulsa ng aking suot na palda. "Umalis ka na, Kena."


Isang matalim na tingin ang ibinigay ko sa kanya habang pinangingiliran ako ng luha. Tinalikuran ko na siya para umalis.


Sa tricycle papunta sa ospital ay umiiyak na ako. Ang huling iyak ko na walang patid ay noong bata pa ako, noong nahulog ako sa hagdan at nabalian ng buto. Ngayon ay parang hindi lang ako sa isang buto nabalian, kundi sa buong katawan.


Ang pakiramdam ay parang paakyat ka na, pero walang pasabing bigla kang itinulak pabagsak. Ayoko na. Ayoko na. 


Pagdating sa ospital ay dumukot ako ng pera sa bulsa para pambayad sa driver. Pagkuha ko sa purse ay nadala ang rosary ni Sister Gelai. Sumabit iyon sa zipper ng purse, at nahulog sa lapag ng tricycle.


Pag-abot ko ng bayad ay bumaba na ako. Ni hindi ko na pinagkaabalahan pang damputin ang nahulog na puting rosary. Hindi ko naman iyon kailangan. Hindi na ako aasa para lang sa huli ay mabigo na naman.


Sa isang maliit na kuwarto naroon si Mama. Ang itsura nito ay tila tumanda. Naninigas ang buhok sa tuktok na tila naging alambre. Puro tubo na ang katawan, walang malay, payat na payat at namumutla ang balat. 


Sa tabi ay nakatayo ang nangangalumata na si Tito Randy. "Ikaw muna ang magbantay, Kena," anito sa mahinang boses. "Magpapahinga muna ako."


Bawal ang dalawang bantay sa ospital. Isa lang kada pasyente. Kailangang umuwi ni Tito Randy para makapagpalit ng damit at makapagpahinga sandali.


Nang makalabas na ang lalaki ay lumapit ako sa hospital bed ni Mama. Bakit ganito ang amoy dito? Bakit ang sangsang? Dahil ba sa mga gamot? O may mga basura ba rito na kailangang itapon?


Lumingap ako sa paligid. Maliit man ang kuwarto ay malinis naman. Wala ring gaanong gamot dito. Hindi kaya nagmumula sa mga tubo ang amoy? May kumatok sa pinto.

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon