H48

14.3K 521 30
                                    

H48

LUMABAS ng master’s bedroom si Ethos at maingat na naglibot muli sa pangalawang palapag ng mansyon. Magbabaka-sakali siya. Kung wala sa kwarto ng mag-asawa, baka nasa isa sa mga kwarto ng mansyon naitago ang bagay na iyon.

Muli niyang pinuntahan ang mga kwartong nadaanan niya kanina. Pinasok niya muli ang mga iyon at maingat ngunit mabilis na naghalungkat siya ng mga gamit na naroon. Bumaba rin siya sa unang palapag at pinasok ang iilang kwarto na naroon upang maghanap. Nang maubos niya ang mga kwarto ay naihilamos niya ang kanyang kamay sa mukha niya. Wala siyang nakuhang clue at nauubusan na siya ng pasensya.

Where did you hide it, senator? Inis na wika niya sa sarili.

Nakarinig siya ng mga yabag na kaya naman napapasok siya bigla sa kwartong nilabasan niya lang kanina. Sumilip siya sa pinto at nakita niya ang isang maid na naglilinis sa komedor kanina na pumasok sa isang silid.

Nagdesisyon siyang umalis na roon. Wala siyang makuhang clue kaya naman lilisanin na niya ang tahanan ng senador. Marahil ay wala talaga roon ang pandora’s box. Maaaring itinago iyon sa ibang lugar para makasigurong hindi iyon makukuha ng Black Leaf.

Tahimik na tinalunton niya ang sala. Mabuti na lang at wala siyang nakasalubong na kahit na sino kaya malaya siyang makakaalis. Pagkalabas niya ay napailing siya nang makitang madilim na. Ilang oras din ang tinagal niya sa loob ng mansyon sa paghahanap.

Sa likuran siya muli dumaan. Paakyat na muli siya sa bakod nang mapatingin siya sa gawing kaliwa niya. Isang greenhouse ang nakita niya roon. Pakiramdam niya ay may kung anong nag-uudyok sa kanya na pumunta roon kaya naman napagdesisyunan niyang puntahan iyon bago tuluyang umalis.

Dalawang security guard ang biglang nakita niyang nag-iikot kaya naman mabilis ang kilos na itinago niya ang sarili sa malagong halaman na naroon. Ilang minuto rin ang pinalipas niya at nang hindi na niya matanaw ang mga security guard ay lumabas na siya sa pinagtataguan niya.

Pinuntahan niya ang greenhouse. Madilim sa loob niyon at naka-lock ang pinto. Nagdadalawang-isip siya kung papasukin niya pa ba iyon o hindi. Mukha kasing abandonado na ang greenhouse kung pagbabasehan niya ang nakita niyang mga halaman n’ong sinisilip niya ang loob. Mukhang walang na nagmementina o nag-aalaga ng mga halaman doon.

Nandito ka na rin lang, lubusin mo na ang pag-iikot at paghahanap, Ethos.

Sa huli ay napagdesisyunan niyang pasukin na lang ang greenhouse. Gamit ang dalang manipis na alambre ay isinuksok niya iyon sa padlock. Ilang segundo lang ang lumipas at napangiti siya nang marinig ang mahinang pagtunog ng lock tanda na nabuksan niya na iyon.

Pagkapasok niya roon ay inilibot niya agad ang paningin at naglakad-lakad. Sapat ang liwanag na nanggagaling sa mga lamp post sa labas para maaninag niya ang loob ng greenhouse. Nang makarating siya sa dulo ay may nakita siya roong maliit na fountain at bench. Pero ang mas nakaagaw ng kanyang pansin ay ang isang malaking canvass na natatakpan ng puting tela ang naroon. Sa tabi n’on ay isang maliit na table na puno ng alikabok kung saan may iba’t ibang kulay na pintura at paint brush.

Lumapit siya sa canvass. Tinanggal niya ang tela at napaubo pa siya nang kumalat sa hangin ang alikabok galing doon. Napatitig siya sa nakapinta sa canvass. Isang babaeng may hawak na nakabukas na kwaderno sa ilalim ng bilog at maliwanag na buwan ang nakapinta roon. Malungkot ang mga mata ng babaeng naroon at tila malalim ang iniisip habang nakasandal sa puno.

Napatitig siya sa hawak na kwaderno ng babaeng nakapinta roon. May naaninag siyang maliliit na mga letrang nakasulat doon kaya naman minabuti niyang ilabas ang kanyang cellphone at binuhay iyon. Itinapat niya ang liwanag niyon sa canvass para makita niyang mabuti ang mga letrang nakasulat sa kwadernong nakapinta roon.

Hera: The Hacking Goddess [Completed]Where stories live. Discover now