Chapter 14: DIYOSANG TALA

605 35 7
                                    

Sa gitna ng makapal na kagubatan ay parang tuyong dahon na inilapag ng hangin ang diyosang si Tala sa isang mataas na tore ng isang abandonadong palasyo. Tila isang pares ng pakpak ang suot niyang kulay pulang damit na inililipad-lipad ng malakas na hangin.

Pagpasok niya sa tore ng palasyo ay tumambad sa kanya ang isang matandang lalake na walang malay na nakalutang sa ere. Kulay puti ang mahaba at alun-alon na buhok pati na rin ang kanyang balbas at bigote.  Ang kanyang puting-puting damit at balabal ay tila gumagagalaw tulad ng nakalubog sa malalim na tubig.

Sa isang sulok ng pader ng tore ay nakasandal ang isang puting-puting tungkod na nababalutan ng palamuting yari sa ginto na nakaporma sa sanga-sangang kidlat.

Pinagmasdan muna ni diyosang Tala ang matandang lalaki at saka umusal ng mga orasyon. Napunta ang kanyang mga mata sa batok ng kanyang ama at napansin niya ang isang kulay berdeng langgam na nakakagat dito. Sinubukan niyang alisin ito pero paglapit pa lamang ng kanyang kamay papunta sa batok ng ama ay naramdaman niya ang napakalakas na puwersang pumigil sa kamay niya. Muli ay sinubukan niya ito pero hindi rin niya ito nagawang alisi ang langgam sa batok ng ama.

Muli ay pinagmasdan niya ang walang malay na si Bathala, pagkatapos ay pumasok siya sa isang pintuan palabas sa likurang bahagi ng tore.  Doon ay nakita niya si diyosang Bulan na nakatayo sa gilid ng Tore at pinagmamasdan ang napakagandang tanawin mula sa taas nito.

"Kapatid na Bulan, hanggang kailan pa ba nating itatago rito ang ating amang si Bathala?" Ang tanong ni diyosang Tala sa kapatid habang papalapit siya rito.

Humarap naman si diyosang Bulan sa kanyang kapatid. "Ito na ang magiging libingan niya kapag nahanap na natin ang paraan para mapatay na natin siya ng tuluyan. Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito Tala, at hindi ko na hahayaan pang kontrolin muli tayo ni Amang Bathala sa pamumuno sa lahat ng nilikha sa Sandaigdigan. " Ang tugon ni diyosang Buan.

"Wala sa usapan natin ang patayin si Amang Bathala, saka ama pa rin natin siya." Ang nangangatwiran na si Tala sa kanyang nakakatandang kapatid.

"Ama? Hindi siya naging mapagmahal na ama sa atin at alam mo 'yan! Hindi siya naging patas sa lahat ng bagay lalo na ang sobrang pagkampi niya sa mababang uri ng nilalang, ang mga tao!" Ang sagot ni diyosang Bulan na may pagkairita na rin sa mga tanong ni Tala.

"Oo naroon na nga tayo sa kung anong klaseng ama sa atin si Amang Bathala. Pero hindi iyon sagot para siya'y patayin. Kaya lang naman ako pumayag dito ay dahil ang pagkakaalam ko ay para walang humadlang sa muling pagbuhay kay Anilaokan. At pagkatapos non ay pakakawalan na natin ang ating ama." Ang paliwanag ni diyosang Tala sa kapatid habang nababahala siya sa balak nito sa kanilang ama.

"Sa tingin mo Tala, palalampasin ko pa ang pagkakataong ito na pamunuan ang Sangdaigdigan? Bilang ako ang panganay sa mga anak ni Bathala, nararapat lamang na ako ang papalit sa puwestong kanyang iiwan."

"Nababaliw ka na ate. Hindi mo na alam ang iyong mga sinasabi.  Kung alam ko lang, hindi na sana ako nakibahagi pa sa paglason sa ating Mahal na Bathala." Ang halos maiyak na wika ni Tala kay diyosang Buan.

Mga malulutong na halakhak ang naging tugon ni Bulan sa sinabi ng kapatid. "Ito lang ang masasabi ko sa'yo mahal kong kapatid na Tala. Subukan mong humarang sa aking daraanan at natitiyak kong hindi ako magdadalawang isip na patayin ka, tulad ng aking gagawin kay Amang Bathala."

Hindi makapiniwala si diyosang Tala sa narinig mula sa kapatid. Hindi niya lubos maisip na magagawa ito ni diyosang Bulan na kahit na sila pa ay kaniyang laman at dugo.

"Napakasama mo ate, napakasama mo!"

"Tala, hindi ako masama.  Ginagawa ko lang ang nararapat.  Isasaayos ko lang ang kinalalagyan ng lahat ng nilikha dito sa Sandaigdigan, lalo na kung saan dapat lugar ng mga tao na masyadong pinahalagahan ni Amang Bathala. Na siyang pinagmulan ng lahat ng naging kaguluhan sa Sandaigdig. Ilalagay ko sila sa tamang lugar kung saan sila dapat dito sa mundo."

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon