Chapter 62: PALACIO LUNAR TOWER

321 30 1
                                    

Halos hindi makatayo si Laurea matapos tumilapon sa pagsabog na nilikha ng mga boltahe ng kuryenteng pinakawalan ng Lintik mula sa kamay ni Kasanaya. Nakangisngis ang kanyang mukha sa kanyang pagbangon habang damang-dama ang hapdi ng kanyang balat mula sa tinamong pagkapaso mula sa pagsabog. Kaagad na hinanap ng kanyang mga mata si diyosang Tala at si Anilaokan upang malaman ang kalagayan ng mga kasama. Napuno ng pag-aalala si Laurea ng makitang nakadapa sa sahig si diyosang Tala at hindi pa ito gumagalaw. Samantalang si Anilaokan ay hindi niya makita.

"Patayin sila mga kawal! Maliban kay Anilaokan, dalhin siya sa akin! Ako ang papatay sa kanya tulad ng kanyang ginawa sa aking kapatid na si Daleria!" ang malakas na tinig ni Kasanaya habang inuutusan ang kanyang mga tapat na kawal.

Kahit na sobrang sakit ang kanyang nararamdaman ng mga sandaling iyon ay pinilit na makatayo kaagad ni Laurea at inihanda ang sarili sa pag-atake ng mga kawal ni Kasanaya. Kailangan niyang protektahan si diyosang Tala na hindi pa rin kakikitaan ng paggalaw sa kinaroroonan nito. Mabilis na pumalibot ang mga kawal ng palasyo kay Laurea at ang lahat ay nakapustura sa mga dala-dalang nilang mga patalim. Mula sa kanyang palad ay nabuo ang isang maliit na buhawi at naghihintay ng tamang pagkakataon para umatake. Alisto ang mga mata ni Laurea sa bawat kilos ng mga lumalapit na mga kalaban.

"Diyosang Tala, gumising na po kayo! Kailangan na nating makaalis dito." ang malakas na wika ni Laurea sabay bato sa maliit na buhawi sa kanyang palad sa tatlong kawal na sabay na umatake sa kanila. Biglang lumaki ang buhawa pagtama nito sa mga kawal at inilipad sila nito sa himpapawid. Mabilis ang mga pagkilos ni Laurea at ikinumpas ang kanyang mga kamay na tila mayroong isinubong na puwersa sa gawing likuran nito kasabay ng pagtilapon ng mahigit sa limang kawal ng palasyo papalayo sa kanila.

Muling napatingin si Laurea kay diyosang Tala na nagsisimula ng bumangon sa kanyang kinabagsakan.  Mabilis na lumapit si Laurea sa tabi ni diyosang Tala para protektahan ang diyosa habang lumalapit sa kanila ang mas marami pang mga kawal ng palasyo. Nakahanda ang mga ito na patayin ang diyosa gamit ang kanilang mga armas at kapangyarihan.

Sabay-sabay na pinakawalan ng mga kawal ang kanilang mga kapangyarihan para mahuli at mapatay sina Laurea at diyosang Tala. Umusal naman ng dasal si Laurea at mabilis na gumawa ng puwersa para maproteksiyonan sila mula sa pinagsama-samang kapangyarihan ng mga kawala ng palasyo. Dahil sa dami ng mga umaatakeng kapangyarihan ay nakaramdam ng unti-unting pagbigat ng katawan ni Laurea habang ginagamit nito ang kanyang kapangyarihan. Pakiramdam niya ay hindi niya matatagalan ng kanyang kapangyarihan para proteksiyonan sila ng matagal.

"Mahal na diyosa...mahal na diyosa, kailangan ko ng tulong ninyo. Hindi ko na matatagalan ito." ang sigaw ni Laurea habang pinagmamasdan ang unti-unting pagbangon ni diyosang Tala.

Sa wakas ay nakatayo na rin si diyosang Tala at nahihimasmasan na sa nangyari sa kanila. Nakita niya si Laurea na hirap na hirap na sa paggamit ng kanyang kapangyarihan para mapanatili ang puwersang humaharang sa mga pag-atake ng mga kawal ng palasyo. Kitang-kita rin niya si Kasanaya na tuwang-tuwa sa panonood sa kanila at hawak-hawak nito ang tungkod ng kanyang amang si Bathala.

"Sige, ganyan nga! Pahirapan sila! Pahirapan niyo sila at pagkatapos patayin!" Ang malakas na wika ni Kasanaya na kuntentong-kuntento sa panonood sa hirap na hirap na si Laurea.

Hindi na nagdalawang isip si diyosang Tala na tulungan si Laurea. Mula sa kanyang kamay ay nabuo ang kulay berdeng enerhiya at saka nito ibinagsak sa makinis na sahig ng palasyo.  Biglang lumagutok ang konkretong sahig at nagkabitak-bitak ito papunta sa mga kawal na walang tigil sa pagatake sa kanila. Biglang sumabog ang sahig ng palasyo paglapit ng kapangyarihang pinakawalan ni diyosang Tala. Nagliparan ang mga matutulis na piraso ng mga konkretong bahagi ng sahig at tumusok sa iba't-ibang bahagi ng katawan ng mga kawal. Nakaramdam naman ng ginhawa si Laurea at halos mapa-upo ito sa kanyang kinatatayuan.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon