Chapter 34: BLAKE, LAUREA, DIYOSANG TALA AND CLAUDIUS

490 31 8
                                    

Nakakapaso ang sobrang init ng araw sa napakalawak at napakainit na disyerto ng Beronia. Hindi lubos maisip ni Blake kung paano niya nagawang makarating sa lugar na iyon gayong ni sa kanyang panaginip ay hindi pa siya nakarating doon.

Halos magpaltos ang mga talampakan ni Blake sa nakakapasong init ng napakapino at pulang buhangin ng disyerto. Hindi naman kanipisan ang kanyang suot na lumang dilaw na tsinelas, pero pati ang mga ito ay tila gusto na ring matunaw at sumuko.

Minabuti niyang sumilong sa anino ng napakalaking bato  sa kanyang gawing kanan. Doon ay halos maiyak siyang naupo at pinagmasdan ang nakaupo pa rin at nagdarasal na si Mariang Makiling. Hindi lubos maintindihan ni Blake bakit ginagawa iyon ng diwata sa kanya? Ayaw ba siya nitong kausap o ito ang paraan ng babaeng diwata para hindi na siya tulungang maidala sa ikatlong mundo ang dalawa niyang kapatid at lola?

Niyakap ni Blake ang kanyang mga tuhod at inilagay ang ulo sa pagitan ng mga ito. Masama ang kanyang loob sa di pagpansin sa kanya ni Mariang Makiling na nangakong tutulong sa kanya. Ngayon ay kailangan na niyang magdesisyon dahil hindi lingid sa kanya ang panganib na kinahaharap nina Macky at Eli, lalo na ang kanyang bulag na lola. Ilang araw na rin siya dito sa ikatlong mundo kaya tiyak na lubha ng nag-aalala ang kanyang mga kapatid sa kanyang pagkawala.

Muli ay tumingin ito sa diwata na nananatili pa rin sa pagdarasal na di alintana ang nakakapasong init. Umiling-iling na tumayo si Blake at nagdesisyong lisanin na ang lugar. Iiwan niya ang diwata at hahanap siya ng ibang taong puwedeng makatulong sa kanya.

Hindi na niya kayang palampasin pa ang isang araw na wala siyang magawa para bumalik sa kanilang tinitirhan sa Maynila. Pinamumugaran ng mga aswang at iba pang nilalang ng kadiliman ang kanilang lugar kaya laging nasa panganib ang kanyang pamilya na labis niyang ikinababahala. Hindi rin niya alam kung nakakakain ba ang mga ito dahil napakabata pa nina Macky at Eli para maghanap ng makakain. Kailangang may gagawin na siya para makauwi na. Kailangan na niyang gumawa ng desisyon. Ikinuyom niya ang kanyang mga kamao para gamiting muli ang kanyang kapangyarihan.

Tumingin siya kay Mariang Makiling at saka nag-isip. Iiwanan ba niya ang diwata sa nakakapasong lugar na ito? Huminga ng malalim si Blake at saka muling lumapit sa diwata. Hinawakan nito ang balikat ng diwata.

Poofff!!!

Sa isang iglap ay naglaho sina Blake at Mariang Makiling sa disyerto ng Beronia.
--------------------

Iminulat ni Laurea ang kanyang mga mata at dahan-dahang tumayo mula sa kaniyang kinahihigan. Sa kanyang tabi ay naroroon at natutulog pa rin si Anilaokan. Salong-salo ni Laurea ang napakalambot na kumot upang takpan ang hubad na katawan at saka nagtungo sa may bintana ng kastilyo.

Basa ng mga luha ang kanyang mga mata at sinisisi ang kanyang sarili sa pagiging mahina niya. Labag sa kanyang kalooban ang lahat ng kanyang ginagawa para kay Anilaokan. Kung mabibigyan lamang siya ng pagkakataong patayin ang lalakeng diwata ay matagal na niya sana itong ginawa. Kailangan niyang malaman kung anong mga orasyon ang ginawa sa kanya ni Anilaokan para maging sunod-sunuran siya sa kanya. Orasyon na magpapalaya sa kanya sa kapangyarihan ng kinasusuklaman niyang nilalang sa buong sanlibutan.

Kailangan niyang makapag-isip ng paraan para makuha niya ang tiwala ni Anilaokan. Kapag nakuha na niya ang tiwala nito ay hindi na siya gagamitan pa ng kapangyarihan para sumunod sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay doon siya tatakas at bumalik sa mundo ng mga tao at hanapin ang kanyang kapatid na si Odessa. Tutulungan niya ang kanyang kapatid para tuparin ang propesiya at magliligtas kay amang Bathala mula sa mga kamay ni diyosang Bulan at Anilaokan.

Dumungaw siya sa bintana sa isa sa tatlong tore ng kastilyo ng Marabulan o Palacio Lumbar, na matatagpuan sa gawing hilaga ng isla ng Labuad. Sa pinakamataas na tore ay kitang-kita niya ang nakakalunos na kalagayan ni amang Bathala. Nangangamba siya na baka hindi na mahihintay pa ni Bathala ang nakatakdang pagliligtas sa kanya ng kapatid niyang si Odessa. Pero bago pa mangyari ang kanyang kinatatakutan ay kailangan na rin niyang gawin ang kanyang magiging papel sa propesiya; ang kunin ang loob at tiwala ni Anilaokan. Alam niya kung gaano siya kamahal ng lalakeng diwata, kaya gagamitin niya iyon laban sa kanya. Pag-ibig ang kahinaan ni Anilaokan kaya iyon ang magiging sandata nito laban sa kanya.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon