EPILOGUE

625 29 5
                                    

Sakay ng kabayong si Aki ay mabilis na sinuyod ng diwatang si Ylaya ang masukal na kagubatan ng Eloria. Kahit na katanghaliang tapat ay hindi kayang suungin ng sikat ng araw ang mga dahon ng mga naglalakiang mga puno sa kagubatan. Tagsibol ng mga panahong iyon at ang mga dahon ng mga puno at halaman ay matitingkad ang mga kulay. Sari-saring kulay ng mga dahon ang yumuyungyong sa kahabaan ng daan patungo sa madilim na kagubatan.

Malamig ang panahon sa mga sandaling iyon dahil sa pagkatunaw ng mga yelo sa mga nagtataasang kabundukang sakop ng Kamanauan, isa sa pinakamalawak na kagubatan sa Eloria. Napakalinis ng tubig na nagmumula sa ilog Amanu na pinanggagalingan ng tubig inumin ng mga mamamayan ng Kamanuan. Maraming mga batang diwata ang masasayang naliligo sa malinis na tubig ng ilog Amanu. Dito rin nanghuhuli ng isdang Sasak na espesyal na inihahanda sa mga kabahayan sa tuwing sasapit ang unang kabilugan ng buwan ng tagsibol.

Tila inililipad ng hangin sa sobrang bilis ng kabayong sinasakyan ni Ylaya at ilang saglit lang ay narating na niya ang pinakamagandang palasyo sa Sinukluban, ang Euseia. Puting-puti ang kulay ng kabuuan ng palasyo at may taas itong mahigit sa tatlong daang metro. Ang kabuuan ng palasyo ay gawa sa mga puting bato na doon din mahahanap. Una itong itinayo sa unang siglo ng mga diyos at diyosa sa panahon ni Hoshea, ang huling diwatang hari sa kaharian ng Kamanauan. Nang mamatay ang hari ay ipinamana ang palasyo sa mga Manoro, mga guro sa Eloria. Ginawang paaralan ang palasyo para sa mga batang diwata sa buong Eloria. Nililinang nito kung paano mapapaunlad ang kapangyarihan, lakas at kabutihan ng isang diwata sa Eloria.

Isang Manoro si Ylaya, isa siya sa mga tagapagturo ng mahika at tamang disiplina para sa mga batang diwata ng Eloria. Isa siya sa mga unang nagtaguyod ng edukasyon sa Kamanauan upang ihanda sa tamang pag-uugali at disiplina ang mga kabataang diwata.

Unti-unting nakilala ang paaralan kaya dinarayo ito ng mga iba't-ibang angkan ng mga diwata na nagmumula pa sa malalayong lugar sa Sinukluban.

Pagpasok ng kabayong si Aki sa kuwadra ay maingat na inalalayan ni Awen ang Manorong si Ylaya para bumaba na sa sinakyan nitong kabayo.

"Salamat Awen, kumusta ang araw mo?!" ang tanong ni Ylaya sa umalalay sa kanya.

"Hindi niyo po kailangang magpasalamat mahal na Reyna. Katungkulan ko po na paglingkuran kayo." ang tugon ni Awen kay Ylaya.

Ngumiti lamang si Ylaya at ibinigay kay Awen ang tali ng kabayong si Aki. Binagtas nito ang daan patungo sa likurang pintuan ng palasyo.

Nanatiling nakatingin si Awen sa kanyang amo. Hindi pa rin nawawala sa isipan niya ang mga pangyayari halos dalawang daang taon na rin ang nakakaraan nang itinakas nila si Reyna Baguinua sa kanyang asawa na si Haring Khalil. Namatay ang kasama niyang si Jaed sa pagliligtas niya sa prinsesa na gustong patayin mismo ng sarili nitong ama.

Akala ni Awen ay hindi na siya makakaligtas pa ng buhay nang mga sandaling iyon. Nailigtas niya ang ina ng sanggol na si Reyna Baguinua, pero hindi nila alam kung buhay pa o patay na ang prinsesa dahil natagpuan nila ang bangkay ni Jaed sa kagubatan ng Eudhoria, sampung kilometro ang layo sa dampa ni Mariang Makiling.

Simula noon ay pinili na nilang magtago ni Reyna Baguinua, hanggang makarating sila sa isla ng Eloria. Na kung saan, nakilala si Reyna Baguinua bilang si Ylaya, isang magaling Manoro.


-------------+++END OF BOOK 2+++------------

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon