Chapter 66: DEATH IS THE BEGINNING

476 32 7
                                    

Sa harapan ng salamin ay hindi makatingin si Kasanaya sa kanyang mukha. Nanggigigil sa sobrang galit kay Anilaokan dahil sa ginawang pagsira ng lalakeng engkanto sa mukhang pinakaiingatan niya, ang kagandahan ng mukha ni diyosang Bulan. Nasugatan ang kanyang mukha ng espada ni Anilaokan ng pinipigilan niyang makatakas sina Mariang Sinukuan at diyosang Tala.

Nagtataglay ng mabagsik na kamandag ang talim ng espada ni Anilaokan. Sa tulong ni Sitan ay kaagad na naagapan ang pagkalat ng kamandag sa mukha ni Kasanaya. Ngunit hindi na magiging maganda ang mukha ngayon ng babaeng Mangcucusi. Labis ang pinsalang ginawa ng lason sa kanyang mukha na naging sanhi kung bakit ayaw niyang harapin ang mga pinuno ng kanilang samahan na  La Liga delos Niños de Luna.

Paano siya haharap sa mga pinuno ng mga angkan kung ang kanyang mukha ay unti-unting naaagnas? Hindi na niya maibabalik ang nasirang mukha ni diyosang Bulan at kailangan na niyang humanap ng panibagong diyosa na papalit sa kanyang mukha.

Tumayo siya sa harapan ng salamin at huminga ng malalim.

"Dayao!" ang sigaw niya sa kanyang personal na alalay.

Mabilis na lumapit ang babaeng engkanto, tumayo ng tuwid sa kanyang harapan at yumuko ito bilang pagbinigay respeto sa kanya.

"Mahal na Panginoong Kasanaya. Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?" ang mabilis na tugon ni Dayao sa kanya. Malumanay ang boses at may kanipisan ang tono nito.

Lumapit si Kasanaya sa kanyang alalay at saka inilapit ang kanyang mukha malapit sa tenga ng alalay. Amoy na amoy ni Dayao ang sunog na laman na nagmumula sa mukha ni Kasanaya. Gusto niyang masuka pero pinipigilan niya ang kanyang sarili dahil batid niyang matinding kaparusahan ang kakaharapin niya sa bawat pagkakamaling magagawa niya sa harapan ng kanyang panginoon.

"Sabihin mo kay Hadiong, dalhin na rito ang bilanggo!" ang matigas na wika ng babaeng Mangcucusi.

"Masusunod po panginoon!" ang mabilis na tugon ni Dayao na kaagad na tumalikod at sumunod sa utos ng kanyang panginoon. Lahat ay maingat ang mga kilos sa loob palasyo dahil alam nila kung gaano kabagsik si Kasanaya lalo na kapag wala ito sa mood at mainit ang ulo.

Hindi siya haharap sa mga pinuno ng bawat kaharian, hindi sa hitsura niya ngayon. Pakiramdam niya ay masyadong nilapastangan ang kanyang pagkatao dahil sa ginawa ni Anilaokan sa kanya. Hindi niya inaasahan na babaligtad at magtataksil sa kanya ang diwata na pinag-ukulan niya ng oras para muling buhayin. Sinisisi niya ang kanyang sarili kung bakit binuhay pa niya si Anilaokan at nagtiwala pa sa kanya. Kasalanan ito ni Mariang Sinukuan. Dapat noong una pa lang ay pinatay na niya ang babaeng pinag-uukulan ng pansin ni Anilaokan, hindi sana nagtaksil sa kanya ang lalakeng diwata.

Inatasan niyang si Sitan muna ang haharap sa mga pinuno ng mga iba't-ibang angkan ng mga anak ng buwan sa ikatlong mundo. Alam niyang pareho ang layunin nila ni Sitan at buo ang tiwala niya sa diyos ng kasamaan. Kailangang maibalik na ang kanyang kagandahan at madagdagan ang kanyang kapangyarihan dahil may malakas ding kapangyarihan ang nag-iisang bilanggo sa pinaka basement ng palasyo.

Napatingin sa pintuhan ng kanyang silid si Kasanaya ng marinig ang ingay mula kay Hadiong na kasalukuyang papasok sa silid at magbibigay pugay sa kanya.

Tumayo si Kasanaya at humarap kay Hadiong. "Nasaan na siya?!" ang halos pasigaw na tanong nito sa kanyang pinagkakatiwalaang leader ng hukbo ng Palacio Lunar.

Yumuko si Hadiong at sinenyasan ang dalawang kawal para pumasok sa silid. Bitbit nila ang isang babae na nakatali ang mga kamay mula sa isang nagliliwanag na kulay gintong tali. Pilit na nagpupumiglas ang babae na may kulay pula at alon-alon ang mahabang buhok. Matangos at maganda ang hubog ng kanyang ilong, bilugin ang kanyang mga mata at maamo ang gusgusing mukha. Hindi maibuka ng babae ang kanyang bibig na tila sinadyang idinikit ang kanyang mapupulang labi gamit ang itim na mahika. Kitang-kita ang takot sa bilugin nitong mga mata dahil batid nito kung anong naghihintay sa kanyang kapalaran.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon