Chapter 26: BEHEMOT

564 29 7
                                    

Umaalimpuyo ang mga bola ng apoy na tumutupok sa mga kanayunan at malalaking lungsod. Mga taong nilalamon ng apoy na nakapangingilabot ang bawat panaghoy sa hapdi ng pagkasunog ng kanilang mga katawan. Pero ang apoy na tumupok sa kanilang katawan ay bigla na lamang bumalot ang napakakapal na yelo at kumalat sa mga nagtataasang mga gusali at konkretong mga bahay sa paligid. Lahat ay sinasalamin ng kamatayan. At dugo ang naging kulay ng ulang bigla na lamang bumagsak sa buong paligid.

Sa mga nakaligtas sa delubyo ng apoy at yelo ay tila mas nanaisin pa nila na mamatay na rin sapagkat ang kapalit ng pagkaligtas nila sa delubyo ay impiyerno dahil ang mundo ay hindi na sa mga nilalang na may buhay dahil ito ay daigdig na ng mga patay.

Kitang-kita ni Odessa ang napakalaking nilalang na may tatlong malalaking sungay at nagpapahirap sa mga natitirang mga nilalang. Hindi niya alam kung may mga taong naroroon sa lugar na iyon, ngunit wala siyang makita. Sa isang kamay ng nilalang ay hawak-hawak nito ang naghihingalong si Bathala at nakapako ang mga mata nito sa kanya na may pilit na sinasabi na hindi niya maintindihan.

Sa isang banda ay naroroon ang kanyang ate Laurea na nakatayo lamang at pinagmamasdan ang mga nangyayari sa paligid na tila walang pakialam. Sa likuran ni Laurea ay ang lalaking tumangay rito. Si Anilaokan ang hari ng mga itim na diwata. Nakayakap si Anilaokan kay Laurea at tila ikinakasal sila sa ilalim ng dugong buwan.

Sa ikatlong pagkakataon ay nakita niya ang kanyang sarili na nakatayo sa ibabaw ng bundok na mga bangkay ng tao at mga elemental na humahalakhak, tuwang-tuwa sa kanyang ginawa at tila wala sa kanyang sarili. Siya ang diyosa ng apoy at yelo, dugo at tubig, kamatayan at buhay. Dalawang puwersang magkasalungat ngunit parehong tumutupok at sumusunog sa bawat madampian nito.

Siya ay maghahari sa sanlibutan daig pa ang mga diyos at diyosa sa sangkatauhan. Ngunit bakit siya maghahari sa daigdig na kanyang pinatay matapos niya itong sagipin? Halos mapasigaw si Odessa ng makita niyang nakatuntong siya sa malalamig na bangkay ng mga taong malalapit sa kanya.  Mula sa pinakamamahal niyang si Randy, kay Demetria, Sagaway, Laurea na kanyang kapatid, mga mukhang pamilyar sa kanya, at mga tinuturing niyang mga kalaban at kakampi. Lahat sila mga walang buhay na naging bahagi ng kanyang mundo at pagkatao.

Sa lahat ng natirang mga nilalang na nabuhay, lahat ay nakaluhod sa kanya at siya'y sinasamba. Sinasamba siya bilang isang diyosa sa mundong puno ng paghihikaos at pagdadalamhati na kanyang nilikha. Nakaupo siya sa trono ni Bathala at hawak ang bola ng apoy at yelo sa kanyang mga kamay habang dumadaloy mula sa kanyang bibig ang sariwang dugo ng tao.

Naging palalo si Odessa at mapag-imbot dahil sa kapangyarihan. Nabulag siya ng kanyang paghihiganti at nawala na ang mumunting tibok ng kanyang puso na pilit ipinapaalala sa kanya ni Danum. Nawala na ang puso ng isang mortal na nagbibigay sa kanya ng kanyang kahinaan upang balansehin ang taglay na kapangyarihan at dugong dumadaloy sa kanyang katawan. Dugo ng kasamaan at kabutihan, ng bampira, mortal at elemental.

Sa harapan niya ay naroon ang diyos ng kasamaan, si Behemot. Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang sobrang takot at pangingilabot. Ang sobrang kalungkutan na tila ba wala ng mangyayaring kasiyahan sa kanyang buhay. Lahat sa kanyang paligid ay bunga ng kasamaan at kamatayan. Siya ang dambuhalang may tatlong sungay na napakaraming mukha, mga mukha ng iba't-ibang kasamaan na pumapasok sa puso ng sino mang nilalang.

Bakit hindi mapigilan ni Odessa ang kanyang sarili na lumapit kay Behemot? Pilit niyang nilalabanan ang kanyang sarili pero patuloy pa rin ang kanyang mga paa sa pagdadala sa kanya sa diyos ng kasamaan. Bakit wala siyang magawa? Kung siya ang pinakamakapangyarihang nilalang sa sanlibutan bakit hindi niya makontrol ang kanyang sarili? Hindi niya gusto ang kanyang nakita at hinding-hindi kailan man. Kailangan na niyang bumalik sa kanyang diwa, ang kanyang kasalukuyan. Natatakot na siyang harapin ang kanyang hinaharap dahil hindi niya gusto ang lahat ng ipinakita sa kanya.

ODESSA'S REDEMPTION: Rise Of The Elementals (COMPLETED)(#Wattys2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon