Kero-Kero 15

155 19 8
                                    

Pokok's Point of View:

Matapos akong sampalin ng katotohanan ng mga kaibigan ko ay wala na akong inaksaya pang oras, dali-dali kong tinahak nang patakbo ang daan palabas ng eskwelahan. Alam ko na maliit na lang ang pagkakataon ko na kausapin ako ni Miki at makipag-ayos siya sa akin ngunit hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataon na 'yon lalo na't alam ko na ang planong pag-alis ni Miki.

Malapit na ako sa gate noon nang bigla akong harangin ni Peter na noon ay kasama sila Mikee at Gio. "Oh Pokok, saan ang punta mo at parang nagmamadali ka?" ang tanong ni Peter sa akin.

"Peter, ikaw na din ang nagsabi na parang nagmamadali si Pokok, hindi kaya mas okay na next time mo na siya tanungin?" ang sabi naman ni Gio. "Pokok pasensiya ka na dito sa kaibigan ko." ang dagdag pa nito.

"Ang KJ mo talaga kahit kailan. Tsaka may mahalaga din naman akong kailangan kay Pokok." ang sabi ni Peter.

"Ano Peter kasi... pasensiya na kailangan ko lang kasi talagang umalis. Okay lang ba kung sa susunod mo na lang sabihin sa akin 'yung sasabihin mo?" ang sabi ko at nagkatinginan kami ni Mikee.

"Sa tingin ko Peter mas mabuti na next time na lang natin sa kanya sabihin, may ibang time pa naman." ang sabi naman ni Mikee.

"Mikee, ito na 'yung chance mo? Akala ko ba napag-usapan na natin 'to?" ang sabi ni Peter at hindi ko naiwasan na hindi mapaisip sa kung ano ang tinutukoy ni Peter sa sinabi niyang iyon.

"Pokok sige na, puntahan mo na 'yung kailangan mong puntahan." ang sabi ni Gio at paalis na ako noon nag bigla akong pigilan ni Peter sa pamamagitan ng paghawak niya sa pulsuhan ko.

"Peter!" ang sabi ni Gio na parang hindi nagustuhan ang ginawang iyon ng kaibigan niya. At nagulat na lang ako ng biglang may mag-alis sa pagkakahawak ng kamay ni Peter sa akin, at mas nagulat ako nang makita ko kung sino 'yon, si Seven.

"Sorry, pero Pokok cannot entertain you now." ang sabi ni Seven. "Pokok, go ahead na may mahalaga ka pang kailangang asikasuhin hindi ba?" ang dagdag na sabi ni Seven.

"Pero teka lang may mas mahalagang kailangang sabihin si Mikee." ang sabi ni Peter pero bago pa ako mapigilan ni Peter ay agad na humarang na ang mga kaibigan ko at agad na akong tumakbo para makalayo at makalabas ng eskwelahan.

Agad akong pumara ng tricycle na masasakyan ko, alam ko na wala naman akong time limit na hinahabol pero alam kong hindi ako dapat magpapataypatay dahil sa bawat segundo, minuto, o oras na sasayangin ko ay siya ding maaaring magpatibay sa kagustuhan ni Miki na umalis upang makalayo, hindi lang sa akin kundi maging pati sa aming mga kaibigan.

Nang makarating ako sa tapat ng bahay nila Miki ay agad din akong nagbayad kay kuyang driver at hindi ko na kinuha ang sukli dahil mas mahalaga si Miki kaysa sa sukli, sakto naman noong naglalabas basura si ate Milagros at tila nagulat pa siya nang makita ako.

"Aba himala! Anong masamang kare-kare ang nakain mo at naisipan mo na magpunta dito?" ang sabi ni ate Milagros na hindi ko alam kung inaasar ako o may lihim na galit sa akin. At wala na akong nagawa kundi ang mapakamot na lang ng ulo at mapangiti.

"Ngingiti-ngiti ka diyan?" ang sabi ni ate Milagros.

"Si ate Milagros talaga para ka nang si Miki sa pagsusungit mong 'yan." ang pabiro kong sabi.

"Eh sino ba naman kasing matutuwa sa'yo, ang tagal mo nang hindi nagpupunta dito, akala niyo ba hindi namin napapansin ni lola Veron niyo na may nangyayari nang hindi maganda sa inyong dalawa? Si Miki halos hindi na lumabas sa kwarto niya. At nabalitaan ko pa 'yung mga pagkain pa lang niluto namin para sa'yo noong nakaraan ay hindi mo nakain dahil sa mas pinili mo kainin ang pagkain na inalok sa'yo ng iba? Aba ang agang gumising ni Miki noon, excited na excited pa na mapatikim sa'yo ang mga niluto namin." ang sabi ni ate Milagros at doon ko na nakumpirma na inis din sa akin si ate Milagros.

Panget Ko!Where stories live. Discover now