Chapter 24

45.2K 2.8K 1.2K
                                    

"MAGSAMA NA TAYONG DALAWA."


Napasubsob si Isaiah sa leeg ko. Narinig ko ang pag-tsk niya. "'Wag mo akong ginaganyan, Vi," mahinang saway niya.


"Sorry..."


"Sa totoo lang, gusto ko rin naman nang iuwi ka. Pero hindi muna. 'Wag muna. Nag-aaral pa tayo."


"Malungkot kasi sa amin, wala na si Kuya Vien."


Umayos siya sa pagkakatayo at ikinulong muli ang aking mukha sa mainit niyang mga palad. "Hindi naman siya nawala. Nasa puso mo pa rin siya. Nasa memories natin."


Umiling ako. "Pero hindi ko na siya mayayakap. Hindi na natin siya makakausap."


"Makakausap pa rin naman. Hindi na nga lang natin maririnig ang sagot niya."


Gumuhit sa mga labi ko ang isang pilit na ngiti. "Hindi na siya makakapalag kahit anong sabihin ko."


"Oo." Kumindat siya sa akin. "Hindi na rin siya makakapagreklamo kahit gabi-gabi akong dumalaw sa 'yo."


Mahina ko siyang kinurot sa matigas niyang sikmura. "Hindi ka takot multuhin ni Kuya Vien?"


"Mas gusto ko nga na multuhin niya ako, eh. Para magpakita siya sa akin. Para masabi ko sa kanya na sobrang miss mo na siya."


Nanubig na naman sa luha ang mga mata ko. "Isaiah, p-parang hindi ko pa pala talaga kaya na wala siya..." Nabasag ang boses ko. "Hindi ko pala kaya..."


Niyakap niya ulit ako. "Nandito pa kami ni Eli. Hindi namin kayang palitan si Kuya Vien, pero pangako namin sa 'yo, sisikapin ka naming pasayahin. Hindi ka namin pababayaan."


Bago ako inihatid ni Isaiah sa amin ay kumain muna kami sa malapit na lomihan sa sementeryo. Pinilit niya akong kumain na halos subuan niya na ako. Nakatatlong subo lang ako.


Nakauwi na rin si Eli. Pareho kaming mga pagod kaya hindi pa kami nakakapagusap. Pumasok na ako deretso sa bahay. Nasa sala sina Mommy at Daddy pagdating ko. 


"Bakit ngayon ka lang?" tanong ni Daddy sa akin. Nakaupo siya sa sofa.


Tumingin ako sa wallclock namin sa sala, 8:00 PM na. Alam ko na gabi na. 4:00 PM natapos ang libing at ngayon lang ako nakauwi. Pero ano naman?


Imbes sagutin si Daddy ay humakbang ako papunta sa hagdan. Nagmumura siya, tinatawag ako at pinababalik, sa lahat ng iyon ay mistulang bingi ang aking pandinig.


Sa gabing ito ay hindi ako sa aking kuwarto natulog. Dito ako sa kuwarto ni Kuya Vien. Dito sa kama niya, gamit ang unan at kumot niya. Matapos ang nakakaubos ng puso at enerhiya na mga araw, ngayon lang ako nakakuha ng tunay na pahinga.



PAGBABAGO.


South Boys #3: Serial CharmerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon