Chapter 27

52K 2.9K 1K
                                    

"ANO'NG INIISIP MO, HA?!"


Mahinang tinuktukan ni Eli ang aking noo dahilan para mapakurap ako.


Lumayo siya. Hindi makatingin sa akin. "Diyan ka na nga. Alagaan mo na lang muna ang kuwarto ko. Saka lagi kang maligo para di ka kutuhin, unan ko pa naman ang gamit mo." Pagkasabi'y tinalikuran niya na ako.


Bago lumabas ng pinto si Eli ay tinawag ko siya. Nakasimangot siya na lumingon sa akin. "O?"


Malamlam ang mga mata na ngumiti ako sa kanya. "Thank you, Eli..."


Nakita ko ang pag-alon ng lalamunan niya at ang pamumula na naman ng kanyang mukha. Wala na siyang salitang sinabi pa nang lumabas ng pinto at iwan na akong mag-isa.



BAKIT UMIIWAS SA AKIN SI ELI?


Mula nang gabi na iyon ay maski tumingin sa akin si Eli ay hindi na nangyayari. Pag pupunta ako sa kusina ay aalis siya. Kahit sa sala ay ganoon. Basta kung nasaan ako, hindi puwede na mananatili siya. Pati sa pagpasok sa school ay hindi na rin siya sumasabay sa akin. Nagugulat na lang ako na pagbaba ko sa sala ay nauna na pala siya.


Mahigit isang buwan na nga rin pala ako rito kina Eli. Minsan na lang ako umuwi sa amin, para na lang kumuha ng gamit. Wala rin naman lagi roon si Daddy. Sa Manila na naglalagi, dahil inaasikaso ang pag-alis papunta sa tita ko sa Australia. 


Pinupuntahan lang ako ni Daddy minsan para hatiran ng allowance at kaunting groceries.  Ang lahat ng pera niya ay inaasa niya sa padala ni Tita Duday. Hindi na kasi talaga siya nag-aahente ng bahay at lupa. May nakaaway raw kasi siyang mahaderang babae na ahente rin na katulad niya. 


"Hindi raw ulit uuwi ang daddy mo ngayong linggo," ani Tita Hannah sa akin. "Ikaw na lang daw muna ang umuwi-uwi para silipin ang bahay niyo at magpakain sa aso niyo."


Tumango ako. Bukod sa pagiging busy ni Daddy sa paglalakad ng mga papeles ay busy rin ang lalaki na punta-puntahan si Mommy sa Laguna. Hindi pa rin siya sumusuko sa panunuyo sa asawa.



LUMIPAS ANG MGA ARAW. Naging linggo, naging buwan, at natapos na ang taon. Wala pa rin si Mommy. Si Daddy naman ay bihira pa rin na umuwi sa bahay namin. At nandito pa rin ako nakikitira sa mga Roxas. Walang pagbabago sa amin ni Eli. Umiiwas pa rin ang kaibigan ko sa akin.


Doon na ako natutulog ngayon sa kuwarto ni Tita Hannah. Hindi ko alam kung ano ang problema ni Eli pero iniintindi ko na lang siya. Sabi kasi ni Tita Hannah ay ganoon daw talaga, nagiging pa-mysterious na raw ang mga lalaki kapag nagbibinata na.


Okay naman ako sa bahay ng mga Roxas pero hindi ko pa rin maiwasan na hindi malungkot. Noong nakaraang Pasko at bagong taon ay tumawag lang sa akin saglit si Mommy. Si Daddy naman ay hindi nagbigay lang ng regalo, pero walang sustento.


Si Isaiah lang ang magandang nangyari sa nagdaang mga okasyon. Kahit busy ang lalaki ay naglaan ito ng oras para puntahan ako. Lumipat ako sa kabilang bahay at doon kami sa bakuran ulit tumambay. May dala siyang handa galing sa kanila. Nag-midnight picnik kami.

South Boys #3: Serial CharmerWo Geschichten leben. Entdecke jetzt