Chapter 32

48.6K 2.5K 1K
                                    

BAKIT MUKHA KANG MASUNGIT?


Nakailang ngiti na ako sa salamin, pero ganoon pa rin. Kahit anong gawin ko, iisa lang ang kinalalabasan, ang itsura ng aking mukha ay kung hindi walang buhay ay mataray.


Noong nakaraan ay nakita ko ang bagong girlfriend ni Arkanghel na si Susana Alcaraz o Sussie. Pumunta ang babae rito sa compound. Ni hindi ko ito nagawang ngitian man lang dahil sa nahihiya ako rito. Malamang na ang iniisip na nito na hindi ako friendly.


Bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Isaiah. "Tara na?" yaya niya sa akin. "Nakahiram na ako kay Tito Kier ng fifty para pamasahe." Itim na shirt at jeans ang suot niya. Sa paahan ay kulay puti na Adidas rubber shoes. May silver na hikaw siya sa kaliwang tainga.


Wala ngayon ang mga magulang ni Isaiah na sina Mama Anya at Papa Gideon. Nasa Manila dahil may inaasikaso ang mga ito. Bukas pa ng tanghali uuwi, kaya tatakas kami papunta sa resto bar sa may Brgy. Pinagtipunan. E-extra siya roon ngayong gabi na guitarist at vocalist.


E-extra siya dahil wala na raw kaming pera. Wala na akong pambili ng kutkutin tuwing nagugutom ako sa gabi. Nahihiya naman na siyang manghingi sa mama at papa niya dahil sakto lang ang budget nila. Ang mga magulang niya pa ang sumasagot sa check up at vitamins ko.


Bago umalis ay sinuutan ako ni Isaiah ng jacket na patong sa suot kong blouse at leggings. Inayos niya ang hood sa ulo ko para daw hindi ako mahamugan. Hindi na kami nag-motor. Nag-tricycle lang kami papunta sa Pinagtipunan.


Hindi lang ngayon umalis si Isaiah. Noong nakaraan ay mag-isa lang siya na umalis. Tumakas siya at sa bintana dumaan. Um-extra din siya sa pagtugtog sa resto bar noon. Iyon din ang huling kita niya kasi sa pinsan niyang si Arkanghel bago ito pumunta sa Manila.


Lumayas kasi si Arkanghel nang malaman nitong ampon lang ito. Tumira ito kina Sussie ng ilang linggo bago pumunta ng Manila. Bago pa iyon ay nauna nang malaman ni Isaiah ang tungkol sa pagiging ampon ng pinsan niya, dahil aksidenteng narinig niya ang pag-uusap nina Tita Roda at Mama Anya. 


Iyon ang dahilan kaya nag-inom noon si Isaiah. Hindi niya matanggap na hindi niya tunay na pinsan si Arkanghel. Labis siyang nasaktan sa nalaman. Wala naman ako noon para damayan siya, dahil iyon ang panahon na takot ako na malaman ni Daddy ang tungkol sa pagbubuntis ko.



"SAAN KA NGAYON, PAPI?"


Sinalubong kami ni Miko pagdating namin sa restobar. Ito lang ang tropa ni Isaiah na nandito ngayon. Nag-fist bump silang dalawa.

"Grounded pa sa bahay. Tumakas lang ulit."


Natawa si Miko. "Tangina mo kasi, alam mong lucky charm lang, ginamit mo pa."


"Gago, malay ko bang pang-display lang iyong binigay mo."


Ayun na nga, kung saan lang palang lupalop nakuha ni Miko ang lucky charm ni Isaiah sa wallet niya. Kaya pala ang tapang ng amoy ng strawberry at kaya rin pala super nipis niyon. Hindi raw galing sa convenience store o drugstore. Sa madaling sabi, hindi talaga ligtas gamitin dahil walang brand, tatak o pangalan.

South Boys #3: Serial CharmerWhere stories live. Discover now