Chapter 71

321 26 0
                                    

𝗖𝗛𝗔𝗣𝗧𝗘𝗥 𝗦𝗘𝗩𝗘𝗡𝗧𝗬-𝗢𝗡𝗘

𝗖𝗵𝗿𝗶𝘀𝘁𝗹𝘆𝗻’𝘀 𝗣𝗢𝗩

LABINLIMANG minuto na ang lumipas simula nang makapasok kami sa kainang ito na may kakaibang ngalan, ang Bonn Fretzy. Katatapos ko lamang kumain at ang masasabi ko ay napakasarap ng mga pagkaing inihanda sa amin. Ngunit mas masarap pa rin iyong mga pagkain sa aming sinakyang kurōgonar.

Si Kuya Ryden naman at si Khyler ay tapos na rin sa pagkain. Kanina pa sila nakamasid kay Prinsesa Monami… o Czianciera, dahil iyon ang pakilala niya kanina, na masayang nakikipag-usap sa Reyna Darcy at sa panganay nitong anak na si Prinsipe Fleurchin.

Simula nang bumalik si Prinsesa Monami sa Akademya, magda-dalawang linggo na ang nakararaan, ay ngayon ko lamang siya nakitang ngumiti ng sobrang tamis at tumawa dahil sa tuwa. Hindi ko alam na may ganitong bahagi ang Prinsesa Monami pagkat ang malamig na ekspresyon ng mukha niya ang aking nakasanayan. Palaging madilim ang kaniyang mukha kaya hindi ko inaakala na… kaya niyang lumiwanag na tila buwan tulad ngayon.

Pero… anong binabalak niya? Alam kong nagsisimula na siya sa kaniyang planong paghihiganti —na naikuwento sa akin ni Kuya Ryden at narinig ko rin sa usapan ng Student Council. Pero hindi ko o namin alam ang plano niya. Ito ba iyon? Kakaibiganin niya ang taong kasalukuyan niyang kinasusuklaman?

Teka… umaakto lamang ba siya? N…Napakagaling niya na animo ay hindi niya binabalak na patayin ang reyna.

“Hala…” Napalingon ako kay Huxile nang sabihin niya iyon. Ang mga mata niya ay nakatutok sa mesa nina Prinsesa Monami. “Tingin ko ay may gusto ang Prinsipe Fleurchin kay Prinsesa Monami,” bulong niya na ikinailing ko na lang.

Napansin ko na iyon, kanina pa. Mga lalaki nga naman. Nakakita lamang ng magandang dilag ay napahinuhod na.

“Siguro ay magseselos si Kuya Cryton kung narito siya,” sabi ko at sumulyap kay Khyler. Nakatutok na ang tingin niya sa plato niyang walang laman.

At ang isang ito, panigurado ay nagseselos rin. Kaniya lamang ikinukubli.

Bumuntong-hininga na lang ako at uminom ng tubig. Hindi ko alam kung bakit kay raming nahuhumaling kay Prinsesa Monami. Tunay na maganda ito pero pagdating sa ugali? Hindi na lamang ako magkokomento.

“Talagang napakakumplikado ng buhay pag-ibig ng Prinsesa Monami,” ang sabi ng aking kaibigang lambana na nakaupo sa bulaklak na nakalagay sa paso at nasa gitna ng lamesa. Ako lamang ang nakakakita kay Kaede, ang lambanang sa akin ay palaging nakabantay. “Dinagdagan na naman ng Diyosa ang mga kandidato sa kaniyang pag-ibig. Nakakaawang bata,” dugtong niya.

Ang Diyosang kaniyang tinutukoy ay si Veol na Diyosa ng Pag-ibig at kapatid ng Panginoong Zabron. Isa si Kaede sa dating mga anghel ng Diyosa ngunit dahil hindi siya nakararamdam ng pagmamahal ay niregalo na lamang siya sa akin ng Diyosa bilang bantay, sa anyong lambana.

“Sa ngayon, ilan na ba ang mga kandidato, Kaede?” tanong ko at umayos ng upo saka sumulyap sa iba naming mga kasama. Kumakain pa rin sila habang nagkukuwentuhan, tawanan, at asaran.

Nabuburyo na ako.

“Walo na, Lyn. Pero kahit isa ay wala pa ring nakakaangat. Mukhang ayaw pa sa pag-ibig ng Prinsesa Monami.”

Reincarnated as an Element Powerless Princess [Volume 2]Where stories live. Discover now