Episode 5 - The Pitchfork Effect

704 30 23
                                    

Episode Theme :
Can This Be Love // Smokey Mountain

Episode Theme :Can This Be Love // Smokey Mountain

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

KANNAGI

“Hypothetically, what sort of boy do you wanna go out with?” Iyan ang katanungang isinaboy ni Tori sa mukha ni Charlie. Kasalukuyan kasi akong nanonood ng Netflix series na ‘Heartstopper.’ Pagkatapos, ang sagot naman ni Charlie: “I don’t know. Just someone I can have a laugh with.”

Napaisip tuloy ako. Ako kaya, ano naman ang dream guy ko? Kung ako ang tatanungin, siguro, ’yong makaiintindi sa ’kin, kaya akong pakisamahan, at idagdag ko na rin ’yong sagot ni Charlie Spring.

Siyempre, ekis na si Luke doon. Uncrush ko na ’yong tukmol na ’yon.

Ang alam ko noon, bully si Luke. Parati niyang pinagti-trip-an ’yong isang nerd na nasa Grade 10. Pero wala, e, ’pag gusto mo ang tao, magkakaroon talaga ng halo effect. Nagiging biased ako; ang pangkalahatang impresyon ko sa kanya, naimpluwensyahan ng nararamdaman ko. Tinulungan lang niya ako noon nang isang beses, natapalan na agad ’yong masamang ugali niya. Ininat lang niya ang mga labi niya noon, pakiramdam ko, siya na ulit ang bida sa paborito kong nobela.

Pero dati ’yon. Iba na ngayon. Kasi, nalaman ko nang babaero siya.

“Kannagi . . .”

Parang tuluyang bumagsak sa ilong ko ang bayabas na kanina ko pa tinitingala nang rumehistro sa pandinig ko ang boses ni Clyve na sinamahan pa ng kanyang mga yabag.

Karaka-raka kong p-in-ause ang pinanonood kong series para lumingon sa direksyon niya. Dahan-dahan siyang pumanaog sa hagdan, kinukusot niya ang kanyang mga mata at nakahawak sa batok ang isa niyang kamay. Akala ko talaga, malakas ang alcohol tolerance niya, pero knock out siya kagabi, e.

Sa ’di maipaliwanag na dahilan, tila naging tamad ang oras at unti-unting uminat ang mga labi ko habang pinagmamasdan ko siya. Nakapambahay lang siya—oversized pink shirt at sweat shorts. Pero kahit gano’n, ’di pa rin maitatanggi na ang lakas ng dating niya; matangkad siya at angat ang hitsura.

Nang magtama ang aming mga mata, bigla na lang tumahip-tahip ang puso ko; parang ’yong tunog ng drums sa Jumanji. At saka, parang may kung anong hindi mapakali sa ’king tiyan na hindi ko maipaliwanag. Pinupog din ang paligid namin ng mga bulaklak ng Malabulak na nalalagas kahit wala namang puno sa itaas. ’Di ko alam kung ilang minuto kaming napreso sa titig ng isa’t isa.

“Good morning, Kann.” Nang ngumiti siya, parang inabutan niya ako ng isang baso ng tubig na may kasamang yelo matapos kong magkulong sa isang silid na sobrang init at walang bentilador.

Nga lang, ang totoo talaga niyang sinabi: “Ang aga-aga, pinagnanasaan mo na agad ako.”

Tila salamin na nabasag ang imahinasyon ko pagkatapos niyang sambitin ’yon. Sa isang iglap ay bigla na lang nagpanting ang tainga ko; lumaki ang butas ng aking ilong, nagngangalit ang mga ngipin, at nag-igting ang panga ko.

Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon