KANNAGI
Totoo bang mahal niya ’ko o niloloko lang niya ’ko? Totoo bang attracted siya sa lalaki o niloloko lang niya ang kanyang sarili? Ilan lang ’yan sa mga tumatakbo sa isip ko habang isinusugod namin si Luke sa ospital. Ang daming gumugulo sa isip ko; parang mabibiyak na nga ang aking ulo.
Idiniretso siya sa emergency room. Pagkatapos n’on, nagpaalam na sa ’kin sina Gemini at Wayo. C-in-ontact ko si Rich at tinawagan naman niya agad ang mommy ni Luke kaya halos sabay lang din silang dumating dito.
Gumuhit ang pag-aalala sa mga mata ng mommy niya habang ’di mapirmi sa isang tabi. Naihagis pa nito ang isang kamay patungo sa kanyang bibig.
“A-alam mo namang allergic ka sa alcohol. P-pero bakit ang tigas ng ulo mo at tumikim ka pa rin?” ang paulit-ulit niyang sinasambit (nagkandautal pa nga siya sa kaba) habang palakad-lakad sa harapan ng E.R.
Nanlalata akong napaupo sa isang sulok, ’tapos mariin akong napapikit. Sobrang bilis ng mga pangyayari at ang hirap iproseso. Ang daming sumalpok sa utak ko at parang gusto ko na lang itulog ang lahat, umaasang sa paggising ko, tatantanan na ’ko ng mga ito.
Ramdam kong may yabag na papalapit sa kinalulugaran ko kaya dagli kong iminulat ang aking mga mata.
Bumungad sa paningin ko si Rich. Ipinuwesto niya ang mga kamay niya sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon bago magtanong, “Si Clyve?”
Umiwas ako ng tingin. Nag-init ang sulok ng mga mata ko nang banggitin niya ang pangalang ’yon. Sa mga sumunod na minuto, nanatiling nakatikom ang bibig ko; ’di ko sinagot ang tanong na isinaboy niya sa ’kin.
Halos trenta minutos ang lumipas, naging maayos naman na ang lahat kaya kaagad kaming pumasok sa loob para i-check si Luke na nakahiga sa hospital bed.
Kagyat na hinuli ng mommy niya ang isa niyang kamay habang umiiyak ito at manaka-nakang sumisinghot. “Ang tigas talaga ng ulo mo,” panimula nito, hindi pasigaw, walang ngitngit, kun’di puno ng pag-aalala. “Kung may nangyaring masama sa ’yo due to shortness of breath, pa’no na ’ko? Luke, hindi ko kayang mabuhay nang wala ka. Ikaw na lang ang meron ako ngayon, son.”
Dumausdos na rin ang mga luha ni Luke sabay sabing, “I-I’m sorry, Mom. S-sorry.”
“’Wag na ’wag mo na ulit gagawin ’yon, okay?” mangiyak-ngiyak nitong saad.
Tumango-tango si Luke. Doon na siya ikinulong ng mommy niya gamit ang mga bisig nito, ’tapos hikbi na nilang dalawa ang pumuno sa apat na sulok ng silid na ito.
Pagkatapos masaksihan ang eksenang ’yon, pasimple na ’kong naglakad palabas, hindi na nagawang magpaalam sa kanila. Ayaw kong sirain ang moment nilang mag-ina. Ayaw kong maging pa-relevant. Hindi naman ako ang bida sa kuwentong ’to. Isa lang akong hamak na supporting character. Kumbaga, pang-character development lang ako ng ibang tao.
BINABASA MO ANG
Lit Candle in the Rain (Night Bazaar Series #1)
Romance[FINISHED] Categories : Boys' Love • Contemporary Romance • LGBTQ Kannagi Lacanlali, or Kann, suffers daily from social anxiety. Siya na ang nakatoka bilang caretaker sa mansyon ng mga Gulmatico, na nasa ibang bansa, buhat nang ma-admit ang tita niy...