1

8.4K 302 23
                                    


Dear Kung Sino Ka Man,

Kumusta ka na? Gusto mo ba ng kausap? Ano ang pangalan mo?

Malalaki at matataba ang sulat ko noon. Maraming bura. Kapag tinatamad pa naman akong gumamit ng pambura noon, nilalawayan ko lang 'yung daliri ko at ikinakaskas iyon sa papel hanggang maging itim na. Hindi malinaw kung "h" ba o "n" yung letrang isinusulat ko. Sa murang edad na iyon na-master ko na ang penmanship ng mga manok. Kahit grade five na ako nun, parang pang grade two parin ang penmanship ko.

Naalala pa rin 'yong araw na nag-aasaran kami ni Ate. Bakasyon 'yun. Wala kaming magawa. mainit. incoming first year na noon si Ate. Sa pagkakatanda ko, maraming dumadalaw sa bahay na may dalang tsokolate. Inaasar ako ni Ate noon kung bakit sa akin daw e wala pang nagbibigay. Noong grade 3 pa lang daw siya, marami nang nagbibigay sa kanya ng lollipop. Sabi ko naman, bata pa ako. Totoo naman iyon. Masyado pa akong bata para doon. Naisip din kaya 'yun nung mga nagpapadala sa aknya ng lollipop? Na bata pa sila para doon?

Pero patuloy parin niya akong inaasar Hindi raw kasi ako kagandahan. Lam ko naman iyon. Sa katunayan, sa tuwing may okasyon nga sa bahay at ipinakikilala kami ni Mama sa mga bisita, kapag nakikita nila si Ate ito ang palagi nilang sinasabi, "Ang ganda naman ni Lissy."

Pagdating sa akin, "Hello, Lindsey!" lang. Iniisip ko na nga lang minsan na 'di bale na, magkatunog naman ang pangalan namin.

Sabi pa niya sa akin noon, dapat maglagay daw kami ng litrato namin sa loob ng sulat para naman hindi kami mapagkamalang adik sa kanto o kaya naman ay rapist. Delikado na kasi ngayon, konti na lang ang taong mapagkakatiwalaan. Mali, ang ibig ko palang sabihin, delikado na kasi ang panahon noon. Wala na nga pala talagang maaasahan ngayon.

Nakakatawa pa nga noon e kasi mas nauna ko pang isulat yung ibibigay ko bago pa ako makapili ng pagbibigyan. Si Ate kasi, mas inunang pumili ng pagbibigyan niya - Mrs. FLordeliza Luna, may ari ng isang grovery store sa ka-Maynilaan Sabi kasi ni Ate, susulatan daw niya 'yong may pinakamayang tunog na pangalan sa lahat. Flordeliza Luna - ang bango at tunog mayaman nga. Kinalaunan, nalaman na lang namin na bago pa man sulatan ni Ate si Mrs. Luna ay na-bankrupt na pala ang grocery store na pagmamay-ari niya.

Matapos niyang kopyahin ang address e tumakbo na siya sa kanyang kwarto at doon nagsulat ng palihim. Siguro magsasama siya ng litrato niya sa sulat. Dali-dali ko naman noong kinuha yong yelow pages. Noong una, dood din ako naghahanap sa mga may-ari ng grocery store pero nung tumagal, inilipat ko na rin sa iba. Baka kasi sabihin ni Ate, wala akong originality, na gaya-gaya ako. Ayoko naman na tawagin niya akong ganoon. Pangit na nga ako, manggagaya pa.

Kaya lumipat ako roon sa mga address ng nagpapatakbo ng mga negosyong may kinalaman sa libro. Mahilig kasi akong magbasa. Bata pa lang ako noon nung minsang iwan ako ni Mama sa isang bookstore. Dinala niya ako doon sa kid's section. Sabi niya, mabilis lang daw siya. May nakalimutan lang daw siyang kunin sa department store. Bata pa lang ako noon, siguro mga limang taon. Bago siya umalis, naghakot muna siya ng napakaraming libro at itinabi niya ang mga iyon sa akin. Ibinilin niya ako sa guard at nag-iwan pa raw siya noon ng ID.

Naalala ko pa iyon dahil doon ako pinakaunang nagpabili ng libro kay Mama. Umiyak ako nung ayaw niya akong bilhan. Nagpumiglas ako. Sa loob ng limang taon ko sa mundo, noon lang ako ang-tantrums. Noon ko unang ipinaglaban ang gusto ko.

Kaya laking gulat ko na lang nang may nakita akong medyo kaugnay nung pinakaunang librong binili ko. "Prince's Bookshop." Naalala ko tuloy yong batang lalaki na nagsabing isa raw siyang prinsipe ng ibang planeta. 'Yong batang prinsipeng may halamang rosas at may napaamong hayop. 'Yong batang lalaking nakakita na ng halos labing apat na paglubog ng araw.

Dali-dali ko namang isinulat 'yong address sa sobre.

To: Mr. Prince's Bookshop

888 Circus Avenue, Metro Manila

From: The Little Princess

#9 Zamora Street, Plaridel Corner, Tarlac

Sabay naming inihulog ni Ate sa post office ang mga sulat namin. Natawa pa nga si Tito Roger e. Si Tito Roger yong kapatid ni Papa na nagtatrabaho doon sa post office. Ipinakiusap ko sa kanyang damihan niya ng selyo ang sobre ko. Pumayag naman siya kahit na libreng serbisyo lang naman ang pinaghulugan namin.

Ang bayad sa araw-araw na pagpapadala ko ng sulat ay ibinabawas sa sweldo ni Tito Roger. Buti na lang at mabait siya. Buti nalang naiintindihan niya ako noon. Siguro kung nagsulat din siya noon e nakahanap rin siya ng kasama at hindi sana siya ngayon nag-iisa.

Hanggang sa isang araw, biglang may kumatok sa gate namin. Si Tito Roger na nakasakay sa bike at may hawak na puting sobre!

Nagmadali akong tumakbo sa gate dahil baka para sa akin iyon. Samantalang si Ate naman ay hindi man lang nabuhayan ng dugo, hindi siya na-excite.

Abot tenga ang ngiti ko. Please, sana galing kay 'Little Prince'. Ngumiti rin si Tito Roger pero hindi tulad ng ngiting inaasahan ko.

"Para kay Ate Lissy mo." Iniabot niya sa akin 'yong sobreng galing kay Mrs. Flordeliza Luna.

Tinapik lang ako ni Tito Roger, "Malay mo, hindi pa niya natatangap ang sulat mo."

Pero bakit ganoon? Pareho lang naman sa Maynila 'yong address na pinagbigyan namin ni Ate. Pero baka nga tama si Tito Roger. Siguro nga tama siya kasi trabaho niya iyon at may pagkakataon na hidi naibibigay ang mga sulat sa tamang oras. Isa pa, 'libreng serbisyo' lang naman ang pinaghulugan ko.

Isang buwan akong naghintay pero wala parin akong natanggap.

May posibilidad bang ma-delay ng isang buwan ang isang sulat?


Isang Milyong Sulat 1Where stories live. Discover now