17

3.2K 146 13
                                    

PRINCE

Dear Plaridel,


Hindi ko alam bakit ako sumusulat ngayon. Ewan ko kung bakit naisipan kong kumuha ng ballpen at papel at ewan ko rin bakit ko nabubuo ang mga salitang ito. Hindi ako magaling sa pagsusulat. Laging may comment ang teacher ko sa parehong English at Filipino ng "be straight to the point and stop running in circles" at "wag paulit ulit ang isinusulat" kapag hinihingian kami ng essay tungkol sa ginawa namin ng bakasyon. Hindi man ako tumatakbo ng paikot, Plaridel, maniwala ka. (medyo corny ako)


Pero wala akong magagawa kung ganito na nga ang nangyari. Siguro kasi kailangan ko lang talaga ng kausap. Dahil iyong kaisa-isang taong kinakausap ko, Andrei pangalan niya, ay inagaw pa ang babaeng una kong nagustuhan.


Hindi ko naman masisisi kung ganoon na nga ang nangyari dahil mas sikat naman si Andrei kesa sa akin. Pero ewan ko ba. Ewan ko bakit naging ganun. Tignan mo sabi ko sayo e, wala akong kwentang kausap.


Pero alam mo ba Plaridel, ang ganda ganda talaga ni Katrina. Oo alam ko bata pa ako para sa mga ganito, pero alam mo yun. Sa tuwing dumadaan siya parang lahat ng bagay bumibilis. Kasabay narin ng pagtibok ng puso ko. Kapag dadaan siya at lalagpasan ako, lagi kong naaamoy ang pabango at shampoo niya. Hanggang sa pagtulog ko iyon parin ang naaamoy ko.


Alam kong bata pa ako, Plaridel. Pero kung mayroon man akong papakasalan sa mga oras na ito siya na iyon. Dahil nakakabuo ako ng mga salitang hindi ko akalain kaya kong buuin lalo na't kapag tungkol sakanya.


Prince


Nakailang kusot at tapon ako ng papel para mabuo ang sulat na yun. Naisipan ko nalang na sumulat nalang pabalik kasi ang sama ng loob ko kay Andrei nung araw na yun. 1.) Kasi siya ang naging unang kaibigan ko nung lumipat ako. 2.) alam niyang may gusto ako kay Katrina 3.) at kahit alam niya iyon ay nagustuhan rin niya siya 4.) nagustuhan rin siya ni Katrina.


Ilang beses ko rin talagang pinagisipan iyon. At habang nagiisip pakalat kalat ako sa bookshop ni Lola habang tumitingin doon sa parte ng bookshop kung saan nakalagay ang mga notebook. Naisipan ko ring magsulat nalang sa isang notebook pero mas nangibabaw ang pride kong walang lalake ang may diary. O baka meron nga iyong iba pero sa mga nagaasam maging maangas at mayabang e wala.


Huling araw ng bakasyon ng makita ko si Katrina, ang first love ko. Birthday party iyon ni Andrei, imbitado lahat ng mga kaklase niya dahil mayaman sila at uso sa elementary ang ipagmayabang kung gaano kadaming pera ang kayang ilabas ng mga magulang mo para lang sa kaarawan mo. Wala naman akong reklamo dahil mabait naman si Andrei. Siya iyong unang taong lumapit sa akin pagkapasok ko.


Niregaluhan ko siya ng libro dahil nung mga panahon na yun,yun lang talaga ang kaya kong ibigay. "Eto nalang apo, sikat naman ata ito sa mga kabataan." Sabi ni lola sabay abot sa akin ng collector's edition ng marvel comics na nacompile sa isang libro. Noong araw na iyon nakornihan pa ako kasi ano ba naman yan, pwede namang action figure nalang bakit libro pa. Nerd! Pero ngayon nalaman kong malayong mas mahal iyong librong yun kesa sa life size na action figure ni the hulk (kung marvel hero man siya).


Kakabigay ko lang ng regalo nun kay Andrei (na agad agad nya ring binaba nung may natanggap siyang mas cool na regalo) nang tumabi sa akin si Katrina. Hindi ako naniniwala sa love at first sight dahil kakornihan lang iyon pati bata pa ako. Pwede ba, ang dapat na pinaniniwalaan ko noon e mga superheroes at monsters. Pero ewan ko, ganun talaga siguro. Walang pinipiling edad ang pag ibig. Walang pinipiling oras kung kailan unang bibilis ang pagtibok ng puso ng isang tao.


Maganda si Katrina. Chinita. Maputi. Makinis ang kutis. May dimples. Diretsyo at walang bulok na ngipin. Noong una ko siyang tinignan para syang kumikinang. Biglang naging blurred ang paligid at siya lang ang malinaw. Siya lang at ang matatamis niyang ngiti. Siya lang at ako.


Malapit ng tumulo ang laway ko ng biglang hilahin ako ni Andrei palayo sa babaeng pakakasalan ko. "Crush mo si Kat-Kat ano?"


"Uy hindi a!" sabi ko naman habang nakangiti at nagblablush. Traydor talaga ang mga involuntary reactions.


"Crush mo e!"


"Hindi no! Kapangit lang niya!"


"Gusto mo pakilala kita?"


"Sige!"


Hindi ako pinakilala ni Andrei. Kinabukasan sila na ang seatmates. At dahil tuso ang mga bata sa crush crush ipinagkalat ni Andrei na crush nga niya si Katrina. At yung mga insensitive na classmates ko naman kung maka "uuuyyyy" parang hindi nila napapansin na may isang pusong lumuluha dahil sa tuwing aasarin silang dalawa e tatawa lang si Katrina.


Si Katrina na gusto kong pakasalan niloloko sa unang naging kaibigan ko sa klase. Badtrip ang buhay! Alam ko naman sa sarili kong mas gwapo ako kay Andrei, ang problema lang e mas matapang siyang aminin ang mga nararamdaman niya.


Iyon ang naging pagkakamali ko. Iyon ang naging pagkukulang ko.


Aanhin ko pa ang kagwapuhan kung duwag naman ako sa mga salita. Para narin akong softdrinks na sobrang lamig ayun lang matabang na ang lasa. Walang spirit sabi nga nila. Tipong walang tunog na tsssshhhh kapag binuksan na.


Dear Kung Sino Ka Man,


Isang buwan akong naghintay ng sulat mo. Sabihin nalang nating "silence means yes". Alam ko sa mga darating na araw e masusulatan mo rin ako, sasagot ka rin. Pakipot ka lang siguro ngayon. Huling araw na ng bakasyon ngayon. Grade four na ako. Yes! Makakagamit narin ako ng iba't ibang kulay na ballpen. Si ate Highschool na, yung sinulatan niyang kasabay ko e sumulat rin sa kanya, alam mo ba kung bakit? Kasi nagadala siya ng litrato. Gusto ko rin sana padalhan ka ng litrato kaso baka mas lalo kang hindi sumagot sa mga sulat ko kasi hindi ako maganda....


Cute lang.


Isang buwan na pala ang nakalipas. Iyong ginawa kong sulat na ipapadala ko sana kay Plaridel nakalimutan na ng panahon sa sobrang paghihinagpis ko.


Pero ang pinakaweirdo sa lahat, masaya ako at sumulat siya ulit. Ramdam ko sa mga sulat na mabait at masiyahin siya. At kahit papano, saglit kong nakalimutan ang pagtratraydor sa akin ng unang hagupit ng pagibig (badtrip na yan! BADUY!)


Pero ang importante napasaya niya talaga ako nung nalulungkot ako. E ano naman kung hindi siya maganda at cute lang....


Hindi ko naman siya nakikita. Hindi ko naman siya makikita. At hindi ko naman siya hahanapin para lang makita.


All is well

Isang Milyong Sulat 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon