11

4.2K 207 55
                                    

Madami na ang nangyari sa apat na taon ko sa highschool. Madami na ang nagbago. Si Mischa nagkabraces na. Si unibrow e sa wakas, nahiwalay narin ang magkadikit na kilay. Si Ate Lissy kolehiyo na. Si Tamahome e napabalitaan naming may anak na. Mika daw ang pangalan ng asawa niya. Malapit na sa Miaka. Siguro nga sila ang itinadhana para sa isa't isa.


Hindi ko sinagot iyong sulat sa akin galing doon sa Prince Bookshop. Siya naman ang maghintay. Pero magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ako nagsisisi sa ginawa ko. Nagsisisi ako. Gabi gabi kong iniisip ang mga puwedeng mangyari kung sumulat man ako. Siguro nung pagtanda ko, nawala na rin sa akin iyong laging tinitignan ang positibong bagay.


Dun ako magaling noong bata pa ako. Kapag walang kuryente iisipin kong baka paraan iyon ng tadhana para isalba kami sa sunog. Pag walang tubig iniisip kong baka paraan iyon para hindi kami mabaha. Kapag wala akong pera iniisip ko na paglaki ko, yayaman ako at hindi na ako mauubusan. Kapag sinasabi ng mga kaklase kong pangit ako at malayong mas maganda si Ate Lissy sa akin, at kapag tinatawag nila akong ampon iniisip ko nalang na pag laki ko magiging katulad din ako ni Ate Lissy. Iniisip ko noon baka kulang lang ako sa taon. Kulang sa edad. Pero wala. Ganito parin ang hitsura ko.


Minsan kinakausap at tinatanong ko ang sarili ko sa salamin. Iyong mga tanong na nabasa ko sa internet. Pag kabangon sa umaga haharap ako sa salamin at sasabihin sa sarili na, "Lindsey, sabi nila walang nilikha ang Diyos na pangit. Sino ang lumikha sa iyo?" o di naman, "Lindsey, kung ang tao ay nagevolve mula sa unggoy hanggang sa maging tao, saang parte ka napangiwanan?" Noong una kong nabasa iyong mga iyon. Tawang tawa talaga ako. Pero noong marealize kong bagay ang tanong sa akin, wala na. 


Ngayon, medyo wala narin akong pakialam. Wala akong pakialam kung pangit ako sa tingin ng iba. Wala akong pakialam kung ngayon e kahit cute hindi ako matawag. Wala na akong pakialam. Kasi malapit narin naman akong umalis sa highschool. Ilang buwan na lang, ligtas na ako sa mga social injustices ng highschool. Sana magbago ang lahat pagtapak ko ng kolehiyo. Sana hindi na ako malagay sa kategorya ng pangit at maganda, sana sa kolehiyo uso ang mga puwede na. Sana.


At dahil malapit na nga kaming maggraduate, ang school namin ay naghanda ng isang retreat. Buti nga partner ko si Mischa sa confession booth. Iyong quadrangle nagmistulang parang tiyangge sa dami ng booth. Bawat magkapareho sa buong batch may sariling booth. Parang ganoon sa confession booth sa simbahan ang set up. Iyon nga lang, ang magmimistulang pari e kapwa mo rin estudyante. Puwede kang mamili ng kapareha para daw mas maging kumportable ang pagsasabi ng mga kamalian, kakulangan o di kaya naman, mga pangarap at nais gawin.


Magkakadikit iyong mga booth kaya naman nakakalito minsan kapag gusto mong lumabas at uminom o magpunta sa palikuran. 


Dahil kaming dalawa lang ni Mischa ang magkaibigan sa buong taon ng pananatili naming sa highschool e kami na ang magkapartner. Eto iyong mga panahong nagpapasalamat ako dahil umalis si Prince sa grupo namin. Ayos nga e, mga kapareho na niyang artistahin mga kasama niya. Isa na dun si Feliz. Na dalawang taon na niyang girlfriend.


"O ikaw muna diyan sa confession stand." Sabi ko kay Mischa habang pinipigilan namin mga pagtawa namin. E ano pa ba ang aaminin namin sa isa't isa. Kilala ko na siya. Pero ako may itinatago sakanya. Na kahit matagal na kaming magkaibigan e hindi parin niya mababasa sa ekspresyon ng mukha ko kung alin. Kasi magaling akong magtago ng emosyon. Isang banggit lang ng pangalan niya. Isang sulyap lang sa mukha niya kayang kaya kong patayin ang kakayahan kong magpakita ng emosyon. Flat affect ika nga.

Isang Milyong Sulat 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon