Kabanata 36

3.3K 149 19
                                    


Kabanata 36:



"Napakaganda ng tanawing nakikita ko ngayon." Matamis na ngumiti sa akin si Gabriel at unti-unting naglapat ang labi namin. Napapikit ako dahil sa tamis ng kanyang halik. Hindi ko pinansin ang pagbitaw ko sa mga bulaklak na binigay niya sa akin. Siguro'y inagos na ito ng tubig.


Unti-unti akong dumilat nang lumayo na siya sa akin. Isang matamis na ngiti ang binigay niya sa akin sabay ng pagtingin sa langit kaya napatingin rin ako doon. Ang daming bituin at ang ganda ng pagkaliwanag ng buwan. Hindi siya nahaharangan ng mga ulap. "Ang ganda."


"Noong isang gabi, nagawi ako dito at nakita ko na magandang pagmasdan ang mga bituin dito kaya dinala kita dito dahil alam kong mahilig kang pagmasdan ang mga bituin sa langit. Maligayang kaarawan, aking mahal."


Natigilan ako sa sinabi ni Gabriel. Nagtatakang napatingin ako sa kanya. Bakit niya ako binati?


"Tila nakalimutan mo na ngayon ang iyong kaarawan, aking mahal? Ika-10 ng Marso ngayong araw at ngayon ang iyong kaarawan, hindi ba?"


Napanganga ako. Tama si Gabriel, nawala sa isip ko na March 10 ngayon, ibig sabihin ay beinte tres na ako sa panahong ito? At ibig sabihin ay beinte nueve naman na bukas si Gabriel dahil magkasunod ang kaarawan namin. Bakit nawala sa isip ko ang mga mahalagang okasyon na ito? Luka-luka ka talaga, Keira! Tumango ako bilang sagot sa tanong ni Gabriel. "Masyadong natuon ang aking atensyon sa pagbuburda kaya nawala sa isip ko kung anong araw ngayon." Hinaplos ko ang mukha niya. "Maligayang kaarawan rin sa iyo, aking mahal! Ano ang iyong kahilingan para sa kaarawan mo bukas?"


Ngumiti si Gabriel sabay abot sa kamay ko at hinalikan iyon. "Ang maihihiling ko lamang ay ang makasama ka habangbuhay."


Ngumiti ako. Pinakita ko na masaya ako sa kahilingan niya. Gusto kong maiyak dahil pakiramdam ko ay hindi matutupad ang hiling niya na makasama ako habangbuhay. Tumingin ako sa langit upang pigilan ang luhang nagbabadyang tumulo sa pisngi ko. "Maraming bituin ngayon." Tinuro ko pa ang kalangitan at eksaktong may dumaang shooting star. "Pumikit ka at humiling sa bulalakaw na iyon, Gabriel." Agad namang sinunod ni Gabriel ang sinabi ko. Muli kong hinaplos ang mukha niya.


Mayamaya'y dumilat na siya. "Aba! Kaybilis namang natupad ng aking kahilingan!"


Mahina akong tumawa. Humilig ako sa kanyang balikat. Orasan ng Nakaraan, narinig mo ba ang sinabi ng aking mahal? Gusto niyang makasama ako habangbuhay at ganoon rin ako. Parang awa mo na, huwag mo na ulit akong ibalik sa tunay ko panahon. Hinawakan ni Gabriel ang kamay ko at narinig ko siyang nagha-hum. Kumunot ang noo ko. Parang alam ko ang kantang iyan. "Saan mo narinig iyan?"


"Sa iyo. Inawit mo noong sumali ka sa patimpalak ni ama. Hindi na nawala sa aking isipan ang awit na iyon. Kaysarap alaalahanin ang liriko ng awit. Maaari mo bang awitin iyon, aking mahal?"


Huminga ako ng malalim bago tumango. Umayos ako ng pagkakaupo at nginitian siya.


"Ikaw ang pag-ibig na hinintay
Puso ay nalumbay ng kay tagal
Ngunit ngayo'y nandito na ikaw
Ikaw ang pag-ibig na binigay
Sa akin ng Maykapal
Biyaya ka sa buhay ko
Ligaya't pag-ibig ko'y ikaw..."

It Started At 7:45Where stories live. Discover now