5

16.3K 350 0
                                    


IYON ang simula ng pagbabago ng buhay ni Diana. Mahal siya ng matandang dela Cuesta. Ibinigay sa kanya ang lahat ng pangangailangang naidudulot ng materyal. Pinag-aral sa isang kilala at pribadong escuelahang pambabae. Hatid-sundo ng driver.


Subalit hindi naging madali ang lahat. Isa sa mga dinatnan niya sa mansiyon ay si Charlie, bunsong anak ni Don Luis. Pahapyaw lamang na naikuwento ng inay niya ang tungkol kay Charlie at maliban sa sinabi ni Leonora na dadalawa silang magkapatid ay wala na siyang iba pang alam tungkol sa tiyuhin.


"Bakit pa ninyo dinala dito ang batang iyon, Papa?" minsan ay narinig niyang sinabi nito. Nakabukas ang pinto ng study ng matanda at papasok sana siya. "Hindi ba at may mga kamag-anak pa naman doon ang ama niyan? Sana ay binigyan na lang ninyo ng pera at hinayaan na ninyo sa bundok."


"Charlie, apo ko at pamangkin mo si Diana. Obligasyon nating tanggapin siya rito dahil wala na ang kapatid mo." narinig niya ang paggaralgal ng tinig ng matanda pagkabanggit sa anak."Ewan ko ba sa inyo, Papa. Baka mamaya niyan ay gawin din ni Diana ang ginawa ni Leonora at iwan din kayo. Muli kayong masaktan dahil sumama sa isang hampaslupang..."


"Tama na, Charlie!" saway ng matandang don. "Hindi ko gustong marinig sa iyo ang mga bagay na iyan. Kinse anyos lang si Diana at huwag mong pag-isipan ng masama.""Nagpaalala lang ako."


Mabilis siyang lumayo sa lugar na iyon. Bagaman nanginginig ang laman sa inis sa tiyuhin ay wala siyang magawa. Kapatid ito ng inay niya at tiyuhin. Mula nang dumating siya sa mansiyon ay hindi pa siya pinakitaan nito ng pagkagiliw. Lantaran ang ipinakikitang disgusto. Nasa harap man o wala si Don Luis.


Sinikap na lamang ni Diana na huwag laging nagpapanagpo ang landas nila ng tiyuhin. Subalit hindi naging madali iyon. Palibhasa'y nabihisan at hindi na laging nakabilad sa araw ay lumitaw ang tunay na kulay at ganda ni Diana. Naging prominente ang pagiging mestiza.Ivory skin at buhok na kahit sino ang makakita ay hindi maiwasang hindi humanga. At bagaman hindi naman siya kataasan ay kapuna-puna ang magandang hubog ng katawan.At tulad ni Leonora noong araw ay hindi madaling magtaboy ng mga admirer. Mga admirer na lahat ay pinag-iinitan ni Charlie.


"Ano ang ginagawa mo rito?" bulalas ng dalagita nang sa paglabas niya ng banyo ay inabutan niya sa silid niya si Charlie. Binubuklat-buklat ang mga notebook niya.


"Hmm... love letters," ismid nito. Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa nang may malisya. "Nagpapaligaw ka na, Diana. Ilang taon ka lang ba? Baka bukas-makalawa'y magtanan ka rin tulad ng ina mo."


Nagpanting ang tainga ni Diana pagkarinig sa pagtukoy nito sa inay niya. Nalimutang tiyuhin ang kaharap at malaki ang katandaan sa kanya.


"Lumabas ka rito! Kung may sasabihin ka'y magbibihis muna ako," halos pabulyaw niyang sinabi na hinigpitan ang hawak sa buhol ng tuwalya.


Hindi natigatig si Charlie. Nilapitan siya at hinawi mula sa mga balikat ang basang buhok. Napaatras si Diana.


"Wala ka pang isang taon dito mula nang dalhin ng Papa pero ang laki na ng pinagbago mo, Diana," wika nito habang patuloy na hinahaplos ng daliri ang nakalantad niyang mga balikat. "Dati'y mailap at tahimik ka. Ngayon ay mataray at matapang. Dahil ba lagi ka na lang kinakampihan ng Papa?"


Tinabig niya ang kamay nito at umatras subalit hamba na ng banyo ang nasa likuran niya. "Wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo. Wala akong ipinagbago..."Tumaas ang mga kilay ng lalaki. "Wala? Hindi ba pagbabago iyong kay ganda mo na ngayon. Pinong kutis na tila labanos. Kataka-takang hindi ka man lang nagkaroon ng kahit bahagyang peklat gayong sa bundok ka nakatira. Hindi ka man lang ba pinalamukan ng hampaslupa mong ama, ha?"


"Wala kang karapatang magsalita nang ganyan sa itay ko!" singhal niya rito sa nagtatagis na mga ngipin. "Asawa siya ng kapatid mo! Wala akong natatandaang masamang sinabi ang inay tungkol sa iyo." gusto niyang idagdag na wala rin namang sinabing mabuti si Leonora tungkol dito.


"Dahil napakahangal ng babaeng iyon. Maraming mayayamang nanligaw subalit isang tulad lang ni Alfonso ang pinatulan. Isa pa, iba ka kaysa kay Leonora, Diana. Si Leonora ay sweet and gentle. Ikaw ay tila mailap na pusa..."


"Talaga?" panunuya niya. "Puwes, ikaw lang ang may sabi niyan. Ang laging sinasabi ng Lolo ay kamukha ko ang inay!"


"Sa anyo lang, Diana. Bagaman kinuha mo sa Mama ang buhok mo. Light mahogany. Isa sa mga pangunahing atraksiyon mo." isinuklay nito ang mga daliri sa buhok ng dalagita.


"Lumabas ka rito kung hindi ay isusumbong kita sa Lolo!"


Lalong ngumisi si Charlie. "Ano ba naman sa akala mo ang iisipin ng Papa na gagawin ko sa pamangkin ko? Isa pa, hindi ako natatakot sa Papa, Diana!" Hinablot nito ang tuwalyang nakabalot sa katawan niya at kasabay ng pagsigaw ng dalagita sa gulat ay natambad dito ang murang katawan.


"Whew!" Malisyosong hinagod siya nito ng tingin. Kitang-kita ang matinding pagnanasa sa mga mata.


"Bastos ka!" Isang malakas na sampal ang ibinigay niya rito kasabay ng pagtakbo sa gilid ng kama at muling inabot ang tuwalyang doon hinagis ni Charlie. At bago pa niya tuluyang naipulupot iyo'y bumukas ang pinto at sumungaw si Don Luis.


"Diana, bakit ka... Charlie! Ano ang ginagawa mo rito sa silid ni Diana? At bakit ganyan ang ayos mo, hija?"


"Walang problema, Papa," sagot ni Charlie na tinapunan siya ng masamang tingin. Hawak ang pisnging tinamaan ng kamay niya. "Tinawag ako ng apo ninyo dahil hindi niya maisara ang gripo sa banyo," walang anumang sagot nito at nilampasan ang ama sa pinto paglabas.Kumawala ang paghingang pinipigil ng dalagita. Naroroon pa rin ang sindak sa pagkakatitig sa matandang don na banayad na umiling.


"Magbihis ka, apo, at sumunod ka sa akin sa study ko sa ibaba," utos ng Don bago lumabas.Nanlalambot na napaupo sa kama ang dalagita. Bakit ganoon ang pakikitungo ng tiyuhin sa kanya? Hindi naman siya ganoon kainosente kaya alam niyang may malisya ang mga hawak nito. Mayroon bang masamang motibo si Charlie sa kanya? Pero hindi kayang gawin ng tiyuhin iyon sa kanya. Pamangkin siya nito. O, baka lamang tinatakot siya para umalis sa bahay na ito. Pero bakit hindi siya matanggap nito bilang pamangkin?


Paano kung dahil sa nangyari ay pabalikin siya ni Don Luis sa Mindanao? Para lang maiiwas kay Charlie. Hindi niya gustong bumalik pa roon. Masasaklap na alaala lamang ang naghihintay sa kanya. Isa pa'y hindi siya gusto ng mga pinsan. Umpisa pa lang ay kinainggitan na ng asawa ng tiyo Crispin niya ang ganda ng inay niya. Ang mga pinsan niya'y hindi rin matanggap na mas maraming nanliligaw sa kanya sa murang gulang.Ano ang gagawin niya kung saka-sakaling pabalikin siya ng Lolo Luis niya sa Mindanao?

Kristine Series 6, Amore (Beloved Stranger)(COMPLETED) - (UNEDITED)Where stories live. Discover now