17

16.8K 386 98
                                    


ANG SUMUNOD na apat na araw ay naging abala si Diana sa pabrika. Sa mga kamay na niya ngayon nakasalalay ang buong negosyo ng lolo. At sa loob din ng apat na araw na iyon ay hindi nagpakita o tumawag man lamang si Bernard. Gusto niya itong tawagan sa opisina pero pinipigil siya ng pride niya.


Marahil ngayong alam na nito ang tungkol sa pagkatao niya at narito na siya sa sariling tahanan ay tinapos na nito ang self-imposed obligation para sa kanya. At marahil ay nagbago na rin ang isip nitong pakakasalan siya. It was probably a post-ecstacy proposal, kung mayroon mang ganoong salita. Nadala si Bernard sa damdaming pinagsasaluhan nila sa panahon ng pagtatalik. And of course, mahal pa rin nito si Jewel.


Ilang beses niyang ginustong iiyak iyon pero nanatiling tuyo ang mga mata niya. Hindi niya kahahabagan ang sarili. Bagaman ilang gabing madaling-araw na kung nakakatulog siya. Thinking about him and tormenting herself.


Hustong sampung araw mula nang huli silang magkita ni Bernard at hindi na siya umaasa pang magkikita sila. Palabas na siya ng gate ng pabrika nang sa pagliko ay isang sasakyan ang humarang sa daan niya. Tatlong lalaki ang mabilis na bumaba. At bago pa siya makakilos ay nasa loob na ng kotse niya ang mga ito. Ang isa'y nasa harap sa tabi niya at ang isa'y nasa likuran niya. Ang isa'y umikot sa driver's seat at pinauusog siya.


"A-ano'ng ibig sabihin nito?" kinakabahan niyang tanong. Napapagitnaan siya ng mga ito. Nakatutok ang baril ng isa sa tagiliran niya. At hindi niya kilala ang mga lalaki.


Mga kasamahan ba ni Charlie at Kenneth ang mga ito at inutusan para kidnapin siya?


"Simpleng kidnapping lang ito, Miss Montero. Kung hindi mo gustong masaktan ay huwag kang mag-iisip na gumawa ng masama," wika ng lalaking nasa tabi niya. Pinatakbo na ng lalaking humalili sa kanya ang kotse.


"Sino kayo? Ano ang kailangan ninyo? Kung pera ang kailangan ninyo'y ayan ang bag ko, kuhanin ninyo at iwan na ninyo ako!" Bagaman kinakabahan ay sinikap niyang patatagin ang tinig.


Subalit hindi sumagot ang mga lalaki. Nagpatuloy ito sa pagda-drive. Ang nasa tabi niya'y sa unahan din ng sasakyan nakatuon. Ni hindi niya gustong gumitgit sa lalaking nasa kanan niya kahit nahihirapan siya.


Tinted ang kotse niya at hindi sila nakikita mula sa labas. Nagsisimula nang matakot si Diana. Ano ang gagawin ng mga ito sa kanya. Ipatutubos siya at papatayin din? Hindi ba at ganoon naman lagi ang laman ng peryodiko na ginagawa ng mga kidnapper?


Makalipas ang mahabang sandali ay napuna ng dalagang nasa Roxas Boulevard na sila. Tumuloy ang kotse patungo sa Marina. Pumasok sa Manila Yacht Club.


Manila Yacht Club! Ang lugar ng mga milyonaryo. Saan siya dadalhin ng mga ito?Ipinarada ng driver ang kotse sa isang parking area. Inilabas ng isa si Diana.


"Lakad," utos nito. Nalilito man at natatakot ay sumunod si Diana. Isang pribadong yate ang tinutumbok nila. Dito ba siya pipigilin ng mga kidnapper niya?


"Pumasok kayo, Miss Montero," utos ng isang lalaki. Nilingon niya ang mga ito na nanatiling nakatayo. Alam niyang sa loob ng jacket nito ay naroon ang baril.Naniningkit ang mga matang sumunod si Diana. Tumulay siya sa wooden platform na nag-uugnay sa yate at sa pader ng Marina. Hustong nakapasok siya sa boat ay lumabas ang kidnapper niya.

Kristine Series 6, Amore (Beloved Stranger)(COMPLETED) - (UNEDITED)Where stories live. Discover now