; sulat-galing-kahapon;

78 9 0
                                    

Aking ina,

Nakakatakot pa rin dito. Ang lakas ng putukan ng baril. Nakakatindig balahibo ang pagsabog ng mga bomba. Ang mga sigawan, iyakan, paghingi ng saklolo—hindi ko alam kung kakayanin ko pa ba. Ilang araw, buwan, at taon na ba akong nandito sa silid na ito? Mukhang 'di na ako titigilan ng mga kalabang rebelde.

Ina, sinaktan nila ako. Tinanggal nila ang uniporme ko bilang sundalo. Tinanggal nila ang dignidad ko. Iba't-ibang uri ng paghihirap ang dinanas ko sa kamay nila.

Limang araw na akong walang tulog. Paniguradong madilim na ang ilalim ng mata ko. Makikita ko sana 'yon kung may salamin dito sa kwartong 'to, pero wala. Sariling isip ko lang ang kasama ko. Mabuti na nga lang at nahanap ko 'tong papel, naiwan kasi ito ng mga taong nagpapahirap sa'kin. Mabuti nalang talaga. Parang hindi ko na kaya eh. Nababaliw na ata ako.

Unti-unti na akong nilalamon ng katahimikan—wala na ang maiingay na tunog. Anong nangyari? Gusto kong sumilip sa bintana. Kaso walang bintana rito. Walang kawala. Walang butas. Ni lungga ng daga, wala kang makikita.

Gusto ko nang makaalis dito. Minsan, sinasabihan nila akong lumabas para makita ko ang mundo, pero 'di ako tanga para maniwala sa kanila! Niloloko lang nila ako. Gusto nilang ilabas ako sa kulungang 'to para madali nila akong mapatay sa labas. May lupa sa labas, 'di ba, ina? Kaya gusto nila akong palabasin ay para madali nilang maililibing ang bangkay ko. Hindi ko sila hahayaan.

Ina, ano nga bang kulay ng damo? Nakalimutan ko na. Pula ba? O asul?

P.S. alam kong makakaalis rin ako dito.

Nagmamahal,

—anong nga bang pangalan ko...?

Napangiti ang doktor matapos mabasa ang sulat sa papel. May ilang mga letrang hindi maintindihan sa sulat, ngunit mabuti na lamang at isang doktor ang nagbasa. Wala nang tatalo sa pa sulat-kamay ng mga doktor.

Matindi pa ang kapit ng mantsa ng dugo sa papel, ginamit ng pasyente upang makapagsulat—isang aksyon na hindi niya inasahan. Siniguro ng mga tagapag-alaga na walang matulis na bagay malapit sa mga pasyente.

Inilipat ng doktor ang tingin sa pasyente. Sampung taon na itong nakakulong dito sa ospital. Wala nang bumibisitang mga kamag-anak—inabando nang tunay.

Hanggang ngayon, iniisip pa rin ng doktor kung paano niya matutulungan ang nangungulilang beteranong sundalo.

Makakaalis pa kaya ito sa nakaraan?

Iisang PapelWhere stories live. Discover now