; antok ;

32 2 0
                                    

antok


Sumisikat na ang araw.

Magiisang buwan na akong walang tulog dahil sa punyetang alulong ng asong iyan.

Sinauna pa ang mansyong katabi ng bahay namin. Parang David at Goliath kung ikukumpara. Basta sinemento lang ang bahay namin para magmukhang matitirhan. Walang matinong plano kaya kahit na ang sistema ng mga tubo ay walang silbi. Kailangan mo pang tumawid ng kabilang kalsada para kumuha ng nangangamoy kalawang na tubig sa poso.

May pinto sa likod ng bahay namin. Paglabas mo rito, sasalubungin ka ng mataas na pader ng mansyon. Ito ang nagsisilbing harang sa pagitan ng mansyon at ng bahay namin.

Naniniwala akong sa kabilang bahagi ng pader, nandoon ang kulungan ng pesteng asong walang ibang ginawa sa gabi kundi ang umungol na parang kinakatay na baboy.

Isang gabi, dahil hindi ko na mapigilan ang galit ko, lumabas ako sa likod-bahay at hinampas ng martilyo ang pader.

"Tahimik!"

Nadurog ang bato. Nanginig sandali ang pader ngunit hindi naman natumba. Hindi ko intensyong pabagsakin ang pader.

Sandali akong nanigas sa pwesto dahil sa takot. Ayokong makita ang asong iyon.

Katahimikan.

Nakahinga ako nang maluwag.

Malalaman mong malaking aso ang nasa kabila dahil sa laki boses ng tahol—kaya kahit papano, natatakot pa rin ako.

"Anak, hayaan mo nalang. Magpatugtog ka nalang para hindi mo marinig," payo sa akin ni Papa, suot na naman ang asul na sumbrero niya. Pinaglumaan pa iyon nila lolo eh.

Umismid ako. Ayokong makinig sa kanya.

Nilagpasan ko siya. Umakyat agad ako sa kwarto ko at nilakasan ang tugtugan para hindi ko marinig kung ipagpapatuloy pa rin ng aso ang pagtahol.

Inaantok na ako, pero hindi ako makatulog. Parang nakatatak sa utak ko ang nangyari. Kinakabahan ako. Hindi mawala sa isip ko ang aso.

Pinatay ko sandali ang tugtog.

Hindi na tumatahol ang aso. Hindi ko alam kung dapat ba akong lumigaya o lalong mangamba. Minsan kasi, kapag tumatahimik ito nang isang gabi, sa susunod ay grabe na ang ingay nito. Hindi lang alulong ang ginagawa—parang pinaghalong tili at sigaw na. Hindi ko maipaliwanag ng maayos. Yung tunog na iyon... sa sobrang kakaiba, nakakatindig ng balahibo. Sa tuwing naririnig ko ang tunog na iyon, nagtatago ako sa ilalim ng kumot kahit na sobrang init ng panahon.

Hindi ko alam kung anong lahi iyon pero may bulong-bulungan sa amin na askal daw ito. Sa yaman nila, bakit hindi sila bumili ng may lahi? Jusko.

Binili lang ba nila iyon bilang panakot sa mga magnanakaw? Para namang may magtangka pa. Lahat na yata ng nagbalak dito sa amin ay naduwag na.

Bumangon ako sa magulong higaan para lumapit sa bintana. Hinawi ko ang kurtina at sumilip sa ibaba.

Nakita ko ang pader at ang kabilang bahagi nito.

May bubong ang kulungan ng aso, kaya hindi ko makita ang itsura nito. Malaki-laki rin ang kulungan na parang kasing-laki na ng isang bahay-kubo.

Sumimangot ako. Sobrang laki siguro noon. Baka isang mastiff? Isang german shepherd? Oo, nagsaliksik pa ako para lang malaman kung anong uri ng aso ang nandoon.

Iisang PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon