; itimatputingmundo ;

126 5 0
                                    



"May panibagong obra na naman si Sombre ah?" balita sa'kin ng kaibigan ko. Isa rin siyang tagahanga ng pintor na si Sombre. Kilala bilang mahusay na street artist, nakilala si Sombre dahil sa black and white na obra niyang madalas makikita sa mga hindi masyadong mataong lugar gaya ng mga abandonadong gusali, mapanghing pader, at marami pang iba.

Nagkalat sa paligid ko ang iba't-ibang lata ng pintura mula sa primaryang mga kulay hanggang sa mga basta-basta nalang hinalo. Kumalat na ang iba sa sahig, lumilikha ng makulay na agos ng mga kulay. Kung masipag lang sana akong maglinis, matagal ko nang inayos 'to.

Tumigil ako sa pagpahid ng pintura sa aking pinipinta. Inilipat ko ang atensyon ko sa nagsalita, "Oh?"

"Malapit-lapit lang sa'tin pre," sambit nito, "Kung tutuusin, d'yan nga lang sa kanto eh. Nagulat nga 'yung mga pulis kasi buong kalsada ng Rampada Street, balot na balot ng malikhaing bandalismo. Grabe talaga. Tingin mo, paano niya nagagawa 'yon sa maikling oras lang?"

Nagkibit-balikat ako. Miski ako, nalilito rin sa kababalaghan ng street artist na 'yon. Hindi pa nakatulong ang katotohanang wala siyang kakilanlan. Kahit na ang mga pulis na humahabol sa kanya, nahihirapan pa rin makilala kung sino ang henyong pintor na patuloy sa pagkakalat ng itim na pinta sa bansa.

"Pwedeng sadyang bihasa na siya sa pagguguhit kaya gano'n?"

"Imposible pa rin 'no!" natatawang bulalas nito. Sa puntong 'to, sa tingin ko walang ibang tatanggapin na paliwanag ang kaibigan ko maliban sa sarili niya, "Paano naman mangyayari 'yon? Ano siya, halimaw? Naku, kung may cctv lang sana no'n, e 'di sana nahuli na kung sino siya!"

"Sasabog ang media kapag nangyari 'yon."

Mas lalong lumiwanag ang ekspresyon ng kaibigan ko, "Mabuti nga 'yon eh! Para may interesante na akong maisulat sa dyaryo! Kung nakuhaan lang sana ng footage si Sombre noong ginuguhit niya ang mural sa kanto, e 'di sana nahimok ko na 'yung may-ari ng camera na makakuha ng screenshot man lang sa footage bago pa maisuko sa pulisya!"

"Nasisiraan ka na talaga," nagpatuloy ako sa pagpipinta at inilubog ang paintbrush sa lata ng pintura, "Alam mo na ba kung bakit itim at puti ang laging kulay ng mga obra niya?"

"Hindi pa eh. Pero sa katunayan," binigyan niya ako ng mapanlokong ngiti na parang may tinatago siyang 'di ko alam, "Nakopya ko na 'yung artstyle niya! Mabuti nalang talaga at medyo hawig ang estilo niyo ni Sombre, kundi paniguradong 'di ko magagawa 'to!"

"Oh?" nagpatuloy ako sa pagpipinta, "Basta 'wag mo lang aabusuhin. Baka imbis na si Sombre ang mahuli ng pulis, ikaw pa."

Tumango-tango ito, sabik na sabik sa rebelasyong ibinulgar sa'kin. Ba't sabik na sabik pa siya na nangopya siya ng estilo ng iba?

"Nawiwirduhan na talaga ako sa'yo," buntong hininga nito, "Kopyang-kopya mo nga si Sombre, pero parang pinaghalo-halong alien monster species naman 'yang pinta mo dahil sa pinaghalo-halong kulay. At saka, ba't kulay green 'yung balat ng babae? At pula 'yung mga dahon! Talaga lang ah? Ugggh."

"Ewan ko sa'yo," itinuro ko ang grupo ng mga latang nasa sulok, "Pakuha nga nung kulay puti."

Natigilan siya. Dumapo ang mga mata niya sandali sa pinta ko, "Ha?"

"Pakuha sabi nung puting pintura."

Parang nag-aalangan siyang tumingin sa'kin. Nangunot ang noo niya, puno ng suspetsa ang mga mata, "Hindi pa ba sapat 'yang hawak mo?"

--

Iisang PapelWhere stories live. Discover now