; 'yan, kaya 'wag- ;

35 5 0
                                    


...kang bumuhay ng patay.


"Ikaw ang kauna-unahang pasyente na binuhay ng bagong teknolohiya natin ngayon! Nang dahil sa makinang ito, hindi na muling yayakapin ni Kamatayan ang mga tao. Maswerte ka dahil isa ka sa mga patay na nabuhay ng modernong teknolohiya!"

Hindi sumagot ang pasyenteng kanilang nakapanayam. Nanatiling blangko ang itim na mga mata nito, humihinga ngunit walang buhay. Isang bangkay na humihinga at tumitibok. May kakaibang lagim na nakapinta sa mukha nito na tila nagbibigay ng kilabot sa mga manonood. Taliwas sa tuwa at ginhawang dulot ng pagpuksa sa kamatayan.

Nagpatuloy ang mamamahayag sa kanyang masiglang tono, "Matagal na nating iniisip na ang kamatayan ay isang pangyayari sa buhay ng tao na kailan ma'y hindi mapipigilan. Natural na bahagi ng ikot ng buhay. Ngunit ngayon, ang kamatayan ay isa na lamang sakit na binigyang lunas ng siyensiya. At isa ka sa mga nagamot! Anong masasabi mo ngayon?"

Tinagpo ng mga mata ng pasyente ang kamera, "Wala."

Pakiramdam ng mga manonood, nakatitig sila sa itim na kawalan.

Natahimik ang mamamahayag. Nabalik ito agad sa reyalidad, "Ah, syempre! Gulat ka pa rin, 'no? Hindi ka pa rin makapaniwala! May mga ilang katanungan lang kami sa'yo. Dahil namatay ka na, anong meron?"

Nangunot ang kilay ng pasyente.

"Eh, ang ibig kong sabihin ay—totoo bang may langit? May impyerno?"

Kasalukuyang pinapalabas ang panayam sa buong mundo, may mahigit kumulang pitong bilyong mamamayang nanonood. Lahat sila ay nag-aabang sa unang patay na nabuhay. Nag-aabang sa sagot na matagal nang nasa isip natin, simula palang noong ipinanganak tayo sa mundo.

"Wala."

"Ha?"

"Wala—walang kahit ano," sagot nito, nanginginig ang mga labi, "Wala."

▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬▬

─©lilyresh

Iisang PapelWhere stories live. Discover now